CALOOCAN CITY POLICE MABILIS ANG PAGBABAGO?

CALOOCAN CITY POLICE STATION

(Ni ANET VERGEL)

NAPAKAMOT ulo na lang si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan nang mabatid na napalitan na naman ang hepe ng Caloocan City Police Station na si P/Col Restituto Arcangel.

Kaya naman sinabi ng butihing alkalde ng Lungsod ng Caloocan na nais na niyang magkaroon ng hiwalay na police district ang kanyang lungsod.

Ang Caloocan City Police ay nasa ilalim ng Northern Police District kung kaya’t kontrolado lang ang pulis na nakatalaga sa lungsod na pinamumunuan ni Mayor Malapitan.

Nais ni Malapitan na madagdagan ang puwersa ng pulisyang malaki ang tulong sa kanya kaugnay sa pagpapatupad ng batas at pagsasaayos ng katahimikan sa dalawang distrito ng Caloocan City.

Sa kasalukuyan, mayroong 1,200 pulis ang Caloocan City na nais ng alkalde na paabutin sa 3,000 upang makaagapay sa dami ng tao na naninirahan sa lungsod  na nahahati sa Hilaga at Timog  Caloocan.

Naunang nagsumite na ng proposal sa National Capital Region Police Office ang tanggapan ni Mayor Oca kaugnay sa pagkakaroon ng sariling distrito ng Caloocan subalit hindi pa man ito naaaprubahan at napalitan na ang hepe na naging katulong ng alkalde sa paglilinis ng Caloocan mula sa droga at krimen.

Wala namang magawa si Mayor Malapitan sa desisyon ng Philippine National Police (PNP) sa pagpalit sa kay Arcangel, miyembro ng Kaagapay Class ’96 ng Philippine National Police Academy (PNPA), na nagsilbi sa Caloocan City Police Station sa loob ng labing-apat na buwan.

Si Arcangel ay nalipat sa Marikina Police Station na nasa ilalim naman ng Eastern Police District.

Malaki ang pagkagusto ni Malapitan kay Arcangel sapagkat nagawa nitong linisin ang may 30 barangay ng nasasakupan ng alkalde. Umabot sa 30 barangay ang naideklarang “drug free” maging ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Isa pang balita na tiyak na magugustuhan ni Mayor Malapitan ay ang pagkakasama sa nominasyon ng Caloocan City Police sa Best City Police Station Category para sa 118th Police Service Anniversary sa darating na Agosto.

Ibig sabihin nito, totoong nagsakripisyo ang hepe ng Caloocan City upang maibigay ang nararapat na serbisyo sa mga residente ng Caloocan City na pinaglilingkuran ni Malapitan.

Dahil pa nga sa magandang samahan ng pamahalaan at PNP, ipinangako ng alkalde na magpapatayo siya ng bagong headquarters ng Caloocan City Police sa North Caloocan na bahagi ng District 1 bilang pamalit sa nasunog na tanggapan sa Sangandaan na bahagi ng South Caloocan o District 2.

Nabatid pa na natengga ang pagpapagawa ng bagong headquarters dahil ang ponding aabot sa P14 milyon na itinalaga ng PNP ay malaki ang kulang. Magkagayunman, sinabi ni Mayor Malapitan na handa ang pamahalaang Lungsod ng Caloocan na balikatin ang kakulangan para sa bagong gusaling headquarters.

“Handa ang pamahalaang lungsod na balikatin ang kakulangan sa pondo ng PNP para sa headquarters subalit alam naman natin na daraan ito sa napakahabang proseso,” giit ng alkalde.

Si Arcangel ay pinalitan ni P/Col Noel Flores, miyembro ng Patnubay Class ’95 ng PNPA, ay dating hepe ng Pasay City Police Station subalit nasibak matapos sumabit ang isang tao nito sa Station Anti-Illegal Drugs sa isinasagawang entrapment operation ng Counter Intelligence Task Force.

Gayunman, nagbabala si Malapitan na isasailalim sa malalimang pagsusuri si Flores bilang hepe ng Caloocan City Police Station.

Ayon sa alkalde, magiging maayos ang pakikipagrelasyon niya sa bagong hepe ng pulisya subalit kapag hindi niya nagustuhan at hindi siya nakuntento sa magiging trabaho nito ay hindi siya mangingiming palitan ito.

Nais ni Malapitan na mabigyan siya ng PNP ng pangalan ng mga kwalipikadong opisyal upang kanyang mapagpilian sapagkat ayon sa “Ama ng Caloocan” karapatan niya ito ayon sa mga probisyon ng Department of the Interior and Local Government Act of 1990

Nawa’y mapagtagumpayan ng ani P/Col Flores ang nasimulan ni Arcangel at ipagpatuloy ang pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga, sugal at iba pang krimen.

Please follow and like us:
Read More