‘KUYOG MENTALITY’

BOMBA KA DAY

MINSAN may isang estudyanteng nagpasaklolo dahil tinangka siyang dukutan.

Itinuro niya ang lalaking dumukot sa wallet niya, mabuti na lang at agad niyang naramdaman kaya hindi nadekwat ang pera niya.

Dahil nasa may terminal siya ng tricycle nang mga sandaling iyon ay agad naalerto ang ilang tsuper.

Nang sabihin ng estudyante na: ‘Magnanakaw oh’ sabay turo sa lalaki ay agad itong pinaligiran ng mga ‘pa-hero’ na tsuper.

May nanadyak, may nanapak. Sige kani-kanya silang pasiklab.

Ang ending ng kwento? Ayun nakatakas ang magnanakaw.

Ang siste kasi, matapos magpakawala ng kamao ng isang sumaklolo, bumalik na ito sa kanyang tricycle. Ganundin ang isa pa, at ang isa pa. Hanggang ang kawatan, nakatakbo.

May isang nagtangkang pigilan ito, niyapos niya pero nakapiglas pa rin dahil wala namang ibang tumulong.

Yon mga ‘pa-hero’ na unang sumaklolo, nagkasya na lamang na habulin ng tingin ang tumatakbong snatcher.

Yon iba, pangisi-ngisi pa na para bang proud na nakasapak sila.

Napaisip ako, gusto ba talaga nilang tumulong o binigyang kasiyahan lang ang sarili sa pamamagitan ng pananakit sa iba?

May isa pang pagkakataon na nasaksihan ko ang ilang kalalakihan na parang mga boksingero na trip mag-practice.

May isang bangag na solvent boy o batang hamog ang nagtangkang mag-carnap ng jeepney. Siguro dala ng pagkabangag, napagtripan nitong imaneho ang nakaparadang jeep.

Wala siyang direksyon, parang bago pa lang natutong magmaneho.

Sa kanyang pagtakas, ilang sasakyan ang ginasgasan at sinagi niya kaya nagtulong-tulong ang mga tsuper na habulin siya hanggang maabutan nila. Trapik naman kaya hindi gaanong nakalayo ang tinedyer na carnapper.

Nang abutan, may isang hinila pababa sa jeep ang binatilyo at doon na nagsimula ang walang patumanggang pananakit.

May sumuntok, nanadyak, may sumasakal. Maya-maya pa, may dugo na sa mukha ang tinedyer.

Habang hindi magkamayaw ang mga sumasapak, may isang sumigaw ‘PATAYIN NA YAN!”

Nilingon ko, may edad nang lalaki. Parang kulang pa sa kanya na duguan na ang nasa harapan niya gusto niya talaga, humantong pa sa krimen.

Mali ang ginawa ng binatilyo dapat siyang maparusahan.

May tamang proseso. Nahuli na, dalhin sa presinto at kasuhan kung maaari na siyang kasuhan at ipaubaya na sa mga awtoridad. Iyon ang dapat mangyari.

Pero bakit wala na atang nakakaisip ngayon na ang mali ay hindi kailanman maitatama ng isa pang pagkakamali.

Ang binatilyong bangag na gumawa ng kasalanan, dapat bang patayin na lang?

Ang pagiging matulungin ay isa sa mga katangiang hinahangaan ng mga dayuhan sa ating mga Pinoy pero sa kasalukuyang panahon, tila nabago na ang kahulugan nito sa nakararami.

Yun bang ang pagtulong ay hindi naman dala ng hangaring makabuti sa kapwa kundi para mabenepisyuhan ang sarili.

Pansinin nyo sa social media. Kung ano ang trending topic naroon ang halos lahat ng ‘magagaling’. Hindi lang nagbibigay ng kanilang opinyon kundi naglalabas din ng galit o pagkamuhi sa taong inaakusahan na gumawa ng mali.

Ang nakatatawa pa riyan, kung husgahan nila o bantaan ang buhay ng taong ‘nagkasala’ ay para bang sa kanila ito may atraso.

Lutang na lutang sa socmed ang ‘kuyog mentality’ ng mga Pinoy ngayon kaya naman malas mo lang kapag may hindi natuwa sayo at ginawan ka ng kwento. Asahan mo na ang pag-alipusta sa iyong pagkatao, maging ang mga pagbabanta mula sa mga taong ni minsan ay hindi mo nakasalamuha. (BOMBA KA DAY! / Jocy Barlizo)

Please follow and like us:
Read More

NO TO EPALITIKO

BOMBA KA DAY

MAKIKISAKAY ako sa bandwagon. Pupurihin ko rin si Manila Mayor Isko Moreno hindi dahil idol ko siya o dahil gusto kong sumipsip, kundi dahil isa ako sa mga Pilipinong ayaw sa politikong EPAL!

Nakatutuwa lang na mayroong politikong nag-uutos ngayon na alisin ang mga nakapaskil na pangalan at litrato ng mga politiko sa mga lugar na pampubliko lalo na sa mga paaralan.

Sa Maynila, bawal nang dikitan ng pangalan at pagmumukha ng mga politiko ang pader ng mga eskwelahan.

Ang utos ni Isko, “Walang epal sa pader ng eskuwelahan. Walang epal sa mga basketball court, gymnasium na pinagawa ng mga politiko sa loob ng eskuwelahan. Bawal ang epal.”

Dito kasi sa Pinas, kung gusto mong pumalaot nang matagal sa mundo ng politika kailangan mong itanim ang mukha at pangalan mo sa lahat ng sulok at kanto ng bayan, siyudad o lalawigan na gusto mong pamahalaan. Paano? Kapag nahalal ka, dapat number 1 project mo ang magpatayo ng mga waiting shed. Kahit sa sulok na di masyadong dinaraanan ng sasakyan, lagyan mo. Wag kalimutang iukit ang pangalan mo sa mga poste at bubong ng lahat ng waiting shed. Pangalawa, magtanim ka ng mga puno at halaman. Syempre may pagkalalaking paso na gagamitin diyan. Ipinta mo rin doon ang pangalan mo. Hindi lang yan, magpatayo ka rin ng mga basketball court, multi-purpose covered court at iukit ang iyong pangalan hindi lang sa mga poste, pader at bubong nito kundi maging sa sahig. Pati arko sa bukana ng mga barangay, ipatayo mo.

Hindi na kailangang i-memorize pa yan dahil tiyak na hindi ka na nila makakalimutan.

Naalala ko tuloy yung dating barangay chairman sa siyudad ng Antipolo na binansagang GGSS o gwapong-gwapo sa sarili dahil buong taon mong makikita ang mukha niya sa apat na sulok ng kanyang barangay.

Isang araw, pina­lagyan niya ng malaking tarpaulin ang harapan ng university campus along Sumulong Highway. Malaking tarp na may malaking mukha niya at pangalan at may tolda rin na may maliit na mesa sa gitna. Akala ko may namatay na opisyal ng university, yun pala binabati lang ni tserman ang mga estudyante na nagbalik-eskwela!

Itinodo ni tserman ang kaepalan at pagiging sipsip mula sa gobernador ng lalawigan hanggang sa alkalde ng kanyang lungsod.

Sumunod na ikinabit niya ay karatula ng pasasalamat sa gobernador at mayor dahil sa pagpapatayo ng footbridge sa tapat ng university sa Sumulong Highway pa rin. Para nga naman safe ang mga estudyante at guro na tatawid.

Hindi lang sobrang sipsip nitong si tserman, advance din siyang mag-isip. Nagmukha tuloy may imaginary footbridge sa Sumulong Highway dahil may pasasalamat pero wala ka namang makitang tulay na tawiran.

Ang siste, pinaplano pa lang ang footbridge nagpapasalamat na siya. Wala namang masama kung sinulatan na lang sana niya ang mga opisyal ng lungsod niya para magpasalamat. Wala pang gastos.

Ayun, kupas na ang karatula dahil halos isang taon ding inulan at inarawan bago sinimulang itayo ang tulay.

Maraming katulad si dating tserman. Sila yung mga politikong hindi maubos-ubos ang pagbati sa kanilang cons­tituents. Walang pinalalampas na okasyon para lang maipaskil ang kanilang mukha at pangalan.

Kaya pabor ako sa pagpapabura ni Isko sa pangalan ng mga politiko sa mga paaralan at pampublikong lugar. Kung si Digong ‘I heyt drags’ ang linya ako naman, i heyt EPAL!  (BOMBA KA DAY! / JO BARLIZO)

Please follow and like us:
Read More

GOOD VIBES LANG

BOMBA KA DAY

NAKARIRINDI na ang mga negatibong balita na nagsasalimbayan mapa-radyo, TV, dyaryo at maging sa social media sa araw-araw.

Sa socmed o social media, hindi nawawala ang ‘away’ lalo na sa Facebook. Diyan mo mababasa ang mga salitang ‘DDS’ at ‘Dilawan’/’Delawan’. Mahirap sumabay sa away ng mga ‘yan dahil para yan yung mga nagtatalo kung alin ang nauna – itlog ba o manok?

At dahil hindi ko kursunadang makisawsaw sa mga trip nila, dun tayo sa kwentuhang positibo.

Uunahin ko na ang magandang balita na padadaliin daw ng South Korea ang proseso ng pagkuha ng visa para sa mga Pilipinong nais bumisita sa kanilang bansa.

Sure ako, nagbubun­yi ang K-Pop fans sa balitang yan.

Kung paano nahumaling ang mga Pinoy sa K-Pop, K-drama at iba pang kultura at mga bagay o produkto ng Korea, hindi ko alam.

Basta isang araw, naki-join na lang din ako sa K-drama fever. Sino ba ang hindi matutuwa sa kwento ng buhay nina Jang Geum, Ju Mong, Dong Yi at marami pang iba. Kasama na syempre ang kinakiligan na Des­cendants of the Sun na kwento nina Big Boss at Dr. Kang.

Mismong si Korean Ambassador to the Philippines Han Dong-Man, ang nag-announce kamakailan na inaayos na nila kung paano mas mapabibilis ang proseso para makapunta ang mga Pinoy sa kanilang bansa.

Sa travel agency na lang daw ang pag-a-apply imbes na pumila pa sa Embassy.

Bukod pa diyan, proof of employment na lang ang kailangang ipasa ng mga kuwalipikadong propesyonal at nagtatrabaho sa gobyerno. Oh, gora na mga K-poppers!

Pero teka, kung good news ang hatid ng Korea pa-nega naman ang bansang Amerika.

Sa ngayon daw kasi, sinimulan na ng gob­yerno ng Estados Unidos na hingin ang detalye ng social media accounts ng mga nag-aaplay ng visa sa kanila.

Ang hakbang na ito ay bahagi raw ng mas pinaigting na screening ng mga potensyal na immigrants at mga bisita na ipinatupad ng administrasyon ni US President Donald Trump.

Biruin nyo, bukod sa social media usernames, inoobliga rin ang mga aplikante sa U.S. visas na isumite ang kanilang mga dating email address at phone numbers na ginamit sa nakalipas na limang taon.

Kaya kung nais mong magpunta ng Amerika, ihanda mo na ang katakot-takot na mga requirement at ang iyong socmed accounts. Not advi­sable ito sa mga troll!

Good news tayo ulit. Ang dating misis ni Amazon.com CEO Jeff Bezos ay nagpaplano raw na ibigay ang kalahati ng kanyang yaman sa Charity.

Ang sabi, nagdesisyon si MacKenzie Bezos na kalahati sa kanyang $36-billion na nakuha sa pakikipaghiwalay sa asawa ay mapupunta sa cha­rity organization na itinaguyod ng mga bilyonaryong si Warren Buffet at mag-asawang Bill at Melinda Gates.

Bukod dito, ang iba pang assets na kanyang makukuha ay kanya ring ipapamigay.

Si MacKenzie ay naging pangatlo sa pinakamayamang babae sa buong mundo base sa Forbes Magazine matapos makakuha ng 4% stake sa Ama­zon na aabot sa $36 billion.

Si 55 anyos na si Jeff Bezos ang isa sa pinakama­yamang tao sa mundo. Nang magdesisyon silang maghiwalay, nagkaroon ng divorce settlement ang mag-asawa kung saan babayaran ni Jeff si Mackenzie ng $36 billion. Bongga!

Dahil sa hiwalayan na ‘yan, maikokonsidera ngayon si Jeff Bezos bilang isa sa mga most sought after bachelor in the world! Sa mga gustong magpa-cute kay Jeff at nagbabaka-sakaling mabahaginan ng yaman n’ya, siguraduhin mo muna na mala-MacKenzie ang beauty mo. ‘Wag assuming. Ganern! (BOMBA KA DAY! / JO BARLIZO)

Please follow and like us:
Read More

FROM KIAN TO GIAN 

BOMBA KA DAY

NASANGKOT na naman sa pagpatay ng menor-de-edad ang isang tauhan ng Caloocan City Police.

Sariwa pa ang iskandalong dulot ng brutal na pagpatay kay Kian delos Santos, heto at ginimbal na namang muli ang publiko sa pagpatay sa Grade 1 pupil na si Gian Habal.

Si Kian ang 17-anyos na pinatay sa Oplan Galugad ng ilang tauhan ng Caloocan police noong gabi ng Agosto 16, 2017 sa Barangay 160, Caloocan City.

Noong isang taon, hinatulan ng parusang reclusion perpetua o hindi bababa sa 40 taong pagkakakulong sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda, at PO1 Jerwin Cruz dahil napatunayan ng korte na sinadya nilang patayin ang walang kalaban-labang binatilyo na inakusahan nilang sangkot sa iligal na droga.

Ayon sa korte, matibay ang testimonya ng tatlong testigo sa krimen habang hindi tugma ang depensa ng pulis na “nanlaban” si Delos Santos base sa physical evidence na isinumite ng PNP Scene of the Crime Ope­ratives (PNP-SOCO). Lumalabas kasi na walang pagkakataon si Delos Santos na ipagtanggol ang sarili dahil nakaupo ito at tinatakpan ang kanyang ulo nang ito’y barilin.

Kaya ang hatol ng korte ay guilty ang tatlo sa kasong murder.

Ikinatuwa ito ng marami lalo na ng pamilya ni Kian.

Pero sa kabila nito, naulit ang masaklap na pangyayari.

Ano ang problema ng mga pulis sa Caloocan?

Ang 6 anyos na si Gian ay naglalaro sa labas ng kanilang bahay nang tamaan ng bala matapos magpaputok ng baril si Police Corporal Rocky Delos Reyes.

Depensa ni Delos Reyes, may namataan siyang suspek malapit sa lugar kung saan nabaril ang bata. Hinabol umano niya ito hanggang sila’y nagkapalitan ng putok.

Taliwas ito sa deklarasyon ng mga residente at ng lola ni Gian na si Elsa Francisco Montañez na nasugatan naman sa insidente.

Ayon sa Matandang Montañez, nakita niya nang barilin ang apo kaya hinabol niya ang namaril pero pinaputukan din siya nito kaya siya tinamaan ng bala sa paa.

Si Corporal Delos Reyes ay dati nang naireklamo dahil sa pagpapaputok ng baril sa isang birthday party noong isang taon.

Lasing daw noon ang pulis at napagtripang magpaputok.

Napagtripan lang din kaya niyang paputukan ang musmos na si Gian?

Isa pang tanong ay ano ang nangyari sa mga naunang reklamo laban kay delos Reyes at ano ang naging aksyon laban sa kanya ng pamunuan ng PNP.

Kung patuloy na hindi aaksyunan ang mga reklamo laban sa mga abusadong pulis at hindi sila parurusahan ay hindi malayong maulit pa nang maraming beses ang ganitong krimen hindi lang sa Caloocan.

Walang silbi kahit paulit-ulit na magbabala si PNP Chief General Oscar Alba­yalde sa kanyang mga tauhan na palagiang sundin ang tamang procedure sa kanilang mga operasyon at pagganap sa tungkulin kung malambot siya sa pagtugon sa pang-aabuso ng ilan sa mga ito.

Sa Rules 7 at 8 ng police procedure ay nakasaad ang tamang paggamit ng pwersa at  baril sa gitna ng police operation na dapat kabisado ng mga pulis.

Pero sa hindi na mabilang na pagkakataong nasangkot ang mga pulis sa pamamaril ng sibilyan, may silbi ba sa kanila ang isinasaad ng procedure na iyan?

Kung totoong seryoso si Albayalde na linisin ang kanilang hanay, itodo na niya.

Mukha kasing walang epekto ang sinasabing ‘internal cleansing sa PNP.

Simula 2016, nasa 8,000 personnel ng PNP na ang binigyan ng disciplinary action kabilang ang suspensyon at pagkasibak sa serbisyo. Sa laki ng bilang na iyan marami pa ring inirereklamo. Ibig sabihin hindi lang ga-tuldok ang bugok sa PNP kaya seryoso at puspusang kampanya ang kinakailangan para mapatino ang mga iyan.  (BOMBA KA DAY! / JO BARLIZO)

Please follow and like us:
Read More

BAGSAK SA KATAPATAN ANG MGA PINOY 

BOMBA KA DAY

KAMAKAILAN ay inilunsad ng isang bus company ang tinatawag nilang “Honesty System” kung saan ang mga rumurutang pampasaherong bus ay walang konduktor na katulad ng nakasanayan.

Bago pa man nagkaroon ng honesty system sa pampublikong bus, matagal nang sikat ang honesty store ng Batanes na talaga namang hinahangaan ng mga turista, lokal man o dayuhan.

Ito ang naging inspirasyon ng bus company na nagngangalang Green Frog Hybrid Bus para maglunsad ng sarili nilang “Honesty Bus.”

Marami ang natuwa, na-excite, nagkainteres na sakyan ang bus na walang umiikot na konduktor para maningil.

Pagsampa mo, naroon ang makinang huhulugan ng eksaktong pamasahe. Eksakto dahil hindi ito nagsusukli.

Malinaw naman ang karatula sa labas ng bus: “Exact fare only” at “Pay upon entry”.

Ang masaklap, sinamantala ito ng mga buraot na pasahero. Karamihan ay barya ang inihuhulog. Para kumakalansing. Hindi magdududa ang driver na nagbayad ang umakyat na pasahero.

Pero tuwing susumahin na ang laman ng kaha matapos ang maghapong pasada ng bus, kulang ang kita.

Kaya naman mahigit isang linggo lang matapos ilunsad, itinigil na ng naturang bus company ang “honesty system”. Natuklasan nila na 30 porsiyento ng kanilang pasahero ang hindi nagbabayad nang tama. Marami ang hindi tapat.

Sa madali’t sabi, lugi ang kompanya dahil marami ang nag-1-2-3!

Sa Batanes na lang siguro may honest.

Mukhang nabawasan na ang isa sa mga katangian nating mga Pinoy.

Kinagigiliwan tayo ng ibang lahi dahil kilala tayong mga Pinoy na matulungin, magaling makisama, masayahin at mapagkakatiwalaan.

Lagi rin nating napabibilib ang mga dayuhan dahil kahit sa panahon ng trahedya ay nagagawa nating tumawa.

Pero bakit pagdating sa pagiging tapat ay bagsak na ata ang mga Pinoy?

Tila marami na ngayon ang nakalimot sa mahahalagang values na iminulat sa atin ng nakatatanda kabilang na ang pagiging honest.

Sa Batanes na lang ba may honest?

Nung una kong mabasa ang ‘honest store’ ng Batanes nagtaka ako? Para kasing gulat na gulat ang marami sa atin na malamang pwede pala ang ganun?

Pwede palang iwan ang tindahan nang walang tindera pero pag binalikan ay may benta at kapag inimbentaryo ang paninda ay tama at walang kinupit?

Nakapagtataka na ba ngayon kapag naging honest o tapat ang isang tao?

Ibang-iba nga siguro ang mga nasa siyudad kumpara sa mga nasa probinsya. Nakahihiya mang isipin ngunit sa sinapit ng nasabing bus company ay napatunayan na kung sino pa ang mga sibilisado at ‘di hamak na hindi nahuhuli sa mundo ng makabagong teknolohiya ay sila pang mas mapanlamang sa kapwa.

“Honesty is such a lonely word. Everyone is so untrue.” Saktong-sakto ang kantang ‘yan ni Billy Joel.  (BOMBA KA DAY! / JO BARLIZO)

Please follow and like us:
Read More

HULIHIN NANG BUHAY 

BOMBA KA DAY

KARUMAL-DUMAL ang pagpatay sa 16 anyos na dalagita sa Lapu-Lapu City ka­makailan.

Kahit saan mo tingnan, hindi karapat-dapat na ituring na tao ang mga gumawa ng krimen. Mga demonyo sila!

Agad naglabas ng kanilang galit at pakikisimpatya sa pamilya ng biktimang si Christine Lee Silawan ang netizens. Marami ang pumukol ng masasamang salita at pagbabanta laban sa mga gumawa ng krimen.

Halos pare-pareho ang ‘hatol’ nila. Patayin ang mga pumatay kay Christine. Mas malupit sa ginawa nila sa dalagita na bukod sa 30 saksak ang ibinaon sa katawan ay binalatan pa ang mukha at tinanggalan ng dila.

Mas gusto nilang mamatay agad ang mga mahuhuli ng mga pulis na may kinalaman sa krimen.

Hindi nga nagtagal at may dinampot na person of interest ang mga pulis. Siya ay si Jonas Bueno, 24 anyos na inaresto ng mga pulis habang nakikipag-inuman malapit sa pinapasukang construction site sa Ma­tina Pangi sa Davao City.

Marami ang natuwa. Sabi nila, pagdating sa presinto ay dapat ‘manlaban’ o mang-agaw ng baril si Bueno. Alam na natin kung ano ang ibig ipahiwatig ng netizens. Palasak na kasi ang salitang nanlaban o nang-agaw ng baril na suspek habang iniimbestigahan sa presinto na siyang dahilan kaya napapatay umano ang mga ito.

Pero nagulat ako sa sinabi ng pamilya ni Christine sa mga pulis.

Ayon kay Senior Supt. Limuel Obon, ang hepe ng Lapu-Lapu City police, hangga’t maaari ay nais ng magulang at kaanak ni Christine na mahuli nang buhay ang mga suspek na nasa likod ng krimen at makita ang mga itong naghihirap sa kulungan.

Mabuti na lang at mahinahon din ang mga pulis na nakatoka sa kaso ni Christine. Biruin nyo, ilang araw lang makalipas mahuli si Bueno ay lumutang ang anggulo na selos ang motibo sa krimen.

Kasunod nito ang pagkakaaresto sa umano’y dating kasintahan ng dalagita na isang 17 anyos. Nagkakalinaw ang kaso ng pamamaslang bagaman pinaghahanap pa ang dalawa umanong kasama ng binatilyo na gumawa ng krimen.

Ang binatilyong suspek at si Bueno ay hindi umano magkakilala. Dahil sa pagkakaaresto sa binatilyo, lumalabo ang pagkakasangkot ni Bueno sa krimen.

Iyan ang isa sa mga dahilan kung bakit marami ang pumapalag kapag may napatay na suspek na sinasabing nanlaban o nang-agaw ng baril.

Hindi porke dinampot na ng pulis ay guilty agad. Dapat dumaan sa tamang proseso. Siyasating mabuti, litisin para matiyak ang kanilang involvement sa isang kaso. Para malaman kung guilty o hindi.

Hindi iyon pagkampi sa mga kriminal dahil hindi pa nga sila nahahatulan. Suspek pa lang.

Bilib ako sa pamilya ni Christine na sa gitna ng kanilang pagdadalamhati at nagpupuyos na damdamin sa malagim na sinapit ng isang mahal sa buhay ay nagawang magpakahinahon.

Sila ang higit na may karapatan na magsalita ng masasama at magbanta sa mga taong responsable sa pagkamatay ni Christine.

Pero mas pinili nila ang maging tunay na Kristiyano.  (BOMBA KA DAY! / JO BARLIZO)

 

Please follow and like us:
Read More

TUBIIIIIG! 

BOMBA KA DAY

GRABE na naman ang init ng panahon ngayon lalo na kung tanghali. Ramdam na ramdam na ang paparating na summer season sa Pinas. Pinatindi pa ang init na ‘yan dahil sa pagkawala ng tubig sa maraming bahagi ng Metro Manila at mga karatig nito. Nakakainit ng ulo.

Pero higit na nakakainit ng ulo ay ang pagiging gahaman ng ilan. Hindi na ata uso ang bayanihan sa modernong panahon. Nakalulungkot pero makikita mo kung paano magsamantala sa sitwasyon ang ilan nating kababayan na inuudyukan ng kanilang pagiging swapang.

Hindi tuloy maiwasang magkaalitan ang ilang magkakapitbahay dahil ang iba ay halos solohin ang rasyong tubig gayung marami pang wala kahit isang patak na nakuha.

Mayroon ding mga ‘switik’ o magugulang. Hindi naman kasama sa apektado ng pagkawala ng tubig pero nag-imbak. Ayun may ilang reservoirs ang Manila Water na mabilis naubusan ng laman. Sana ay agad ding masolusyunan ang problemang ito sa tubig na napakalaking perwisyo sa pang-araw-araw na daloy ng buhay ni Juan.

oOo

NAAABUSO ANG KASIPAGAN

Wala tayong masa­sabi kung kasipagan din lang ang pag-uusapan lalo na sa hanay ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways, mapa-ordinaryong trabahador o opisyal man.

Tulad ng isang ADE o Assistant District Engineer.

Ang ADE ay isa sa mga nagdedesisyon sa mga pagawaing konstruksyon na pang-nasyonal ng DPWH tulad ng national roads o highways, school buildings at marami pang iba.

Ang tinutukoy ko ay si Rizal 2nd DEO Assistant Dist. Engr. Francisco Cruz. Nakatalaga si ADE Cruz sa Region IV-A.

Kwento ng ilan niyang kasamahan, wala silang masasabi sa sipag at dedikasyon sa propesyon bilang engineer nitong si ADE dahil ika nga nila, ‘di pa tumitilaok ang manok ay nasa field na ito para bisitahin ang mga proyekto.

Subalit tao lang si ADE kaya minsang nag-iinspeksyon ay na-stroke ito at halos 2 buwan din siyang namalagi sa pagamutan. Ngayon ay balik-serbisyo na siya.

Marami ang hindi sumang-ayon sa kagustuhan ni DPWH Regional Director Samson L. Hebra na pabalikin pa sa pwesto si Engr. Cruz dahil sa kalagayan nito.

Pero walang maglakas ng loob na banggitin kay RD Hebra na mali ang pagpapa-duty nitong muli kay ADE Cruz lalo na ngayong panahon ng tag-araw na posibleng ata­kihin na naman siya.

Alam naman natin kung ano ang nature of duty ng isang ADE, hindi siya uubra na nasa loob lang ng malamig na silid ay kumukuyakoy. Huwag naman sana RD Hebra na maulit ang nangyari kay Ade Cruz dahil sa pagbibigay mo ng order sa kanyang duty dahil tiyak, hindi lang mga tauhan ng Rizal 2nd DEO ang sisisi sayo kundi ang buong angkan nito.

Hindi rin naman makaporma si District Engineer Adilbert Rossete hangga’t walang order mula kay RD. Puwede naman siguro na ipagamit mo muna ang leave ni Ade para sa full recovery nito at pansamantalang magtalaga ng ADE OIC. Apat ang mga section chief sa DPWH Rizal 2nd Dist na sigurado namang mga kwalipikado.

Hindi naman siguro mababawasan ang sinasahod nito sakaling may humalili sa pwesto bilang ADE.

Kung hindi kayang gumawa ng hakbang ni Hebra para sa dagliang pagpapalit ng ADE, baka siya ang ihingi natin ng kapalit kay DPWH Sec. Mark Villar?

Hintayin natin ang tugon dito ni RD Hebra.  (BOMBA KA DAY! / JO BARLIZO)

Please follow and like us:
Read More