RETIRADONG BOKSINGERO TUTULUNGAN NG GAB

boxing gloves

KARAGDAGANG benepisyo sa mga propesyunal sa sports athletes ang sentro ng programa sa 2020 ng Games and Amusement Board (GAB) upang mas mapaangat pa ang karera at kabuhayan ng mga ito, kabilang ang mga retiradong boksingero.

Kabilang na dito ang maalamat na sina Erbito C. Salavarria at Luisito ‘Lindol’ Espinosa.

Nabatid kay GAB Chairman Abraham “Baham” Mitra, gagawin ng ahensiya ang lahat upang mas mapangalagaan at mabigyan ng seguridad ang mga propesyunal na atleta sa kanilang paghahanda, habang lumalaban at matapos ang kanilang career.

“Sa ngayon po ay nakikipag-usap na ang ating butihing Commissioner na si Ed Trinidad sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines para sa libreng dental program ng ating mga atleta sa lahat ng AFP camp at hospital sa buong Pilipinas,” pahayag ni Mitra sa kanyang pagbisita sa TOPS (Tabloids Organization in Philippine Sports) ‘Usapang Sports’ kahapon sa National Press Club sa Intramuros, Manila kahapon.

“Alam naman po natin na very active ang AFP sa community services, kaya baka naman puwedeng maisama na rin natin ang ating mga atleta dito. Napakahalaga po ng dental services para sa kanila lalo na sa boxing at iba pang contact sports,” ayon sa dating Palawan Governor at Congressman.

Ikinagalak naman ni Brigo Sandig, isa sa pinaka-agresibong boxing promoter sa kasalukuyan (Highland Boxing Promotions), ang pinakabagong programa ng GAB.

“Mula po nang magsimula si Chairman Baham sa GAB, talaga pong mas maraming manager at promoters ang naging aktibo. Iyong libreng medical po ay talagang malaking tulong sa amin. Isipin po ninyo na gumagastos ang manager ng hindi bababa sa P5,000 noon kada boxer para sa medical expenses nito,” pahayag ni Sandig, isa sa agarang tumugon sa pakiusap ng GAB na punan ang walong bakanteng Philippine title.

Nangako rin ng ayuda si Mitra kay Espinosa, dating two division champion (bantamweight at featherweight), upang makuha ang prized purse (US$150,000) sa kanyang laban may ilang dekada na ang nakalilipas sa South Cotabato.

“Hinihingi po natin ang kopya ng kontrata niya (Espinosa) at hihingi tayo ng tulong sa ating lawyer para mapag-aralan ito at baka naman po makuha pa natin iyong premyo niya,” sambit ni Mitra.

Kasama ni Espinosa, nakabase na sa China kung saan ay nagtatrabaho siya bilang boxing trainer, si Salavaria, dating WBC flyweight champion para makuha ang insentibong kaloob ng Thai promoter na si Singwungha sa lahat ng mga dating Pinoy world champion.

Sa gabay din ng GAB, nabigyan ang 73-anyos na si Salavaria ng financial assistance ng World Boxing Council Jose Sulaiman Boxers Fund.

“Nagpapasalamat po ako sa patuloy na pagtulong ng GAB at ni Chairman Mitra sa aming mga retiradong boksingero,” pahayag ni Salavaria.  (DENNIS INIGO)

Please follow and like us:
Read More