2 BABAENG CUSTOMS OFFICIAL SUGATAN SA PAMAMARIL

crime32

(NI LYSSA VILLAROMAN)

SUGATAN ang dalawang babaeng opisyal ng Bureau of Customs (BoC) matapos na silay ay harangin at barilin ng apat na hindi kilalang suspek,  Biyernes ng gabi sa Makati City.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Maricon Manalo, 56, OIC sa Formal Entry Division (BoC) at ng Parkview Homes, Barangay Sun Valley, Paranaque City at Marietta Lasac, 60, Principal Appraiser sa naturang division ng BoC at ng Barangay Sun Valley, Paranaque City.

Ang dalawang biktima ay naka-confine sa Makati Medical Center matapos magtamo si Manalo ng tama ng baril sa kaliwang kamay  samantalang si Lasac ay nagtamo ng bala ng baril sa katawan.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong alas- 8:30 ng gabi sa panulukan ng Lapu-Lapu Avenue at Victoria St., Barangay Magallanes, Makati City.

Ayon sa pulisya, ang dalawang biktima, kasama ang kanilang staff na si Charlene Salazar, ay sakay ng kanilang sasakyan na isang kulay gray na Toyota Altis na may plakang DAH-4106 pauwi sa kanilang bahay ng mangyari ang insidente.

Pahayag ng mga biktima na habang binabagtas nila ang lugar ay bigla silang hinarang ng isang sasakyan na lulan ng apat na kalalakihan.

Dagdag pa ng mga biktima na pinipilit sila na bumaba ng apat na kalalakihan sa kanilang sasakyan at isa dito ay binasag ang salamin ng bintana ng kotse sa drivers seat kung saan si Manalo ang nagmamaneho.

Agad naming inatras ni Manalo ang kanilang  sasakyan upang makaiwas sa kapahamakan subalit sila ay pinagbabaril ng apat na suspek.

Pagkatapos ng pamamaril ay tumakas ang mga suspek at ang mga biktima naman ay dinala sa nabanggit na ospital ng rescue team.

Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ng mga pulis  at inaalam na rin kung may kinalaman sa trabaho nila sa BoC ang naganap na pamamaril sa mga biktima.

 

Please follow and like us:
Read More