BANGKA LUMUBOG; 49 PASAHERO, 7 CREW NASAGIP NG PCG

(NI NICK ECHEVARRIA)

NASAGIP ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lahat ng 49 pasahero at 7 crew members nang lumubog ang bangkang de motor malapit sa pantalan ng Calbayog City sa Samar nitong Lunes.

Batay sa report, hindi pa halos nakalalayo ang bangka sa layong isang daang metro mula sa pantalan nang hagupitin ito ng malakas na hangin at alon na naging sanhi ng paglubog nito sa kabila ng wala namang forecast ng bagyo o sama ng panahon sa Samar.

Nabatid kay Samar PCG commander Lt. Junior Grade Wilky Homer Saga, na umalis ang lumubog na bangka lagpas alas-11:00 ng umaga lulan ang 49 na mga pasahero nito at 7 crew patungo sana sa bayan ng Tagapul-an.

Mabilis naman ang naging pagtugon ng mga rescuers mula sa  Coast Guard Station Samar Quick Response Team, City Disaster Risk Reduction Management Council, Philippine National Police Maritime Group at lite ferries na nagresulta sa pagkakaligtas sa lahat ng mga sakay ng lumubog na bangka na naibalik din sa Calbayog City.

Agad na inilipat ang mga nailigtas na pasahero sa pangangalaga ng  PNP Maritime Group sa Calbayog, City at Coast Guard para sa kaukulang medical assistance na sa kabutihang palad ay wala namang naiulat na malubhang nasugatan.

Lumalabas na tatlong oras sana ang kabuuang biyahe ng isang bangkang de motor mula sa Calbayog City patungo ng bayan ng  Tagapul-an na may layong 44 na kilometro.

 

Please follow and like us:
Read More