MAY KUMIKITA SA PARAÑAQUE PROSTITUTION DEN

BAKBAKAN NATIN

BIHIRANG maging laman ng balita ang Lungsod ng Parañaque dahil bihirang magawi ang mga journalist sa nasabing lungsod kung saan ang alkalde ay si Edwin Olivarez.

Ang masama, minsan lang akong makahagip ng balita tungkol sa Parañaque ay negatibong balita pa.

Pokaragat na ‘yan!

Minsan, napakapanood ako ng balita na nagsasabing maraming Intsik sa Parañaque.

Ang iba sa kanila ay nagbilihan na lupa at nagpatayo ng gusali.

Nalaman ko na kaya maraming Intsik sa lungsod ni Olivares ay dahil mayroong mga establisimyento sa lungsod na ginagamit sa Philippine Online Gaming Operation (POGO).

Sa ibang salita, ang ibig sabihin nito ay mayroong sugal sa Parañaque na kung tawagin sa Ingles ay “online gaming” at “online entertainment.”

Sa nasabing balita, hindi inalam ng reporter kung sumunod sa maraming batas o rekisitos sa pagnenegosyo ang POGO ng mga Intsik.

Sa Quezon City kasi ay mayroong mga establisimyento ng POGO sa Eastwood City sa Libis kung saan nadiskubre mismo ni Mayor Joy Belmonte na napakaraming kulang na rekisitos tulad ng environmental clearance mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ngunit tumatakbo ang kanilang mga negosyo.

Sana hindi ganyan sa administrasyon ni Mayor Olivarez.

Bukod sa sugal ng POGO, mayroon ding prostitution den sa Pa-rañaque na pawang mga Intsik ang nagpapatakbo.

Nabunyag ito nang kumilos ang National Capital Region Police (NCRPO) ilang araw na ang nakalilipas laban sa Manila Wellness Spa na matatagpuan sa ikatlong palapag ng Diamond Bay Tower sa Roxas Boulevard, Brgy. Baclaran.

Sa isinagawang operasyon, 13 Intsik (9 na lalaki at 4 na babae) na pawang “maintainer” ang nahuli ng mga operatiba ng RSOU ng NCRPO.

Umabot sa 18 Intsik na customers ang nasakote, nailigtas ang 51 babaeng Intsik at pitong Filipina na testigo sa prostitution den.

Umaksyon ang NCRPO na pinamumunuan ni Major Gene-ral Guillermo Lorenzo Eleazar makaraang mapatunayan nitong totoo ang impormasyong ipinarating sa NCRPO.

Ang mga nakuha ng pulisya sa ikatlong palapag ng Diamond Bay Tower ay mga ebidensiya hinggil sa prostitution den at P1.8 milyong cash.

Ang malaking katanungan dito ay hindi ba ito alam ng pamahalaang lokal ng ­Parañaque, partikular si ­Mayor Edwin Olivarez?

Hindi ba ito alam ng mga opisyal at kawani ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng administrasyon ni Olivarez?

Hindi rin ba ito alam ng hepe ng pulisya ng ­Parañaque na si Col. Robin King ­Sarmiento?

Pokaragat na ‘yan!

Prostitusyon, hindi alam ng alkalde at ng hepe ng pulisya ng lungsod?

Ibig sabihin, hindi kumita ang alkalde ng Parañaque na si Mayor Edwin Olivarez at hepe ng pulisya na si Col. Robin King Sarmiento?

Magaling kung hindi kumita.

Iyan naman ang maganda, sapagkat bihira tayong nakaririnig at nakababalita na walang tara ang alkalde at hepe ng pulisya sa prostitution den.

Pero, iyong hindi alam ni Olivarez at Sarmiento ang prostitution den sa Diamond Bay Tower ay hindi kapani-paniwala, sapagkat ipinapakita ng ganitong impormasyon na napakahina ng intelligence unit ng opisina nina Olivarez at Sarmiento.

Bahala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kay Mayor Olivarez at bahala na si Major ­General Guillermo Lorenzo ­Eleazar kay Col. Sarmiento.

Sa Lungsod ng Parañaque ay nagkakaroon ng pergalan at tumatagal ng ilang buwan upang kumita nang malaki.

Sabi sa akin ng pergalan operator, syempre may ­parating sa mga ‘kinauukulan’ para maitayo ang puwesto nang walang ‘manggugulo’ at ‘mag-oopereyt’ laban sa kanyang puwesto.

Kung gano’n, mayroon ding parating ang POGO at prostitution den?

Samakatuwid, mayroong kumikita sa prostitution den! (BAKBAKAN NATIN / Nelson Badilla)

Please follow and like us:
Read More

ANU-ANO NA BANG NAGAWA NI TUGADE SA DOTr?

BAKBAKAN NATIN

SINISISI ni Transportation Secretary Arturo Tugade si Senador Grace Poe sa patuloy na paglala ng trapik sa Metro Manila, partikular sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA).

Idiniin ni Tugade sa pagdinig sa Committee on Public Services ng Senado ang hinihingi niyang “emergency power” para kay Pangulong ­Rodrigo ­Duterte kung saan ang layunin ay matanggal ang lahat ng abala upang maresolbahan ang napakalalang trapik sa EDSA.

Ang gagawing mga proyekto ng Department of Transportation (DOTr) at ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay nakatuon lahat sa pagsugpo sa trapik.

Ito ang konteksto ng ­usapan tungkol sa emergency power hanggang mauwi sa sagutan nina Tugade at Poe sa pagdinig sa Senado.

Iginiit ni Tugade sa komite ni Poe na “mas ­marami sana kaming nagawa kung naibigay ang emergency power.”

Sa ibang salita, kaunti ang nagawa ng DOTr upang maresolbahan ang trapik, sapagkat hinarang ni Poe ang pagbibigay ng emergency power.

Kaya hinarang ni Poe ay walang maipakitang “comprehensive master plan” si Tugade.

Ang pagkakaalam ko, wala talagang problema sa hinihinging emergency power ni Duterte dahil hindi naman literal na tutol si Poe sa emergency power para sa pangulo.

Gusto lang ng senadora na makita ang engrandeng plano ng DOTr na paggagamitan ng emergency power.

Kung mayroong komprehensibong plano at totoo namang ito ang makapagreresolba sa malalang trapik, palagay ko tiyak na noon pa lang ay inaprubahan na ng Kongreso ang hinihingi ni Tugade.

Ngayon, kung mayroong komprehensibong plano, ano ang problema ni Tugade at hindi niya ito maipakita sa mga senador.

Kahit nga sa Kamara de Representantes ay tahasang tinututulan ang hinihingi ni Tugade, sapagkat hindi nakukumbinsi ang mga kongresista sa mga paliwanag at argumento ni Tugade.

Dapat maintindihan ni Tugade na hindi basta-bastang magagawa ng Senado at Kamara ang hinihingi niyang emergency power para kay pangulo kung walang kongkretong laman ang kanyang emergency power.

Napakahalaga ng komprehensibong plano sa emergency power, sapagkat binibigyan ng kapangyarihan dito si Duterte na huwag nang sundin ang batas sa pagsubasta at iba pa upang mapabilis ang mga implementasyon ng mga proyekto tungo sa pagsugpo sa trapik.

Noon pang 2016 iginigiit ni Tugade na sa pamamagitan ng emergency power ay mapabibilis ang lahat ng mga proyekto at polisiya ng administrasyong Duterte para mabigyan ng solusyon ang problema ng trapiko sa ­Metro Manila nang walang sagabal sa batas o court injunction.

Pero, ang totoo ay hindi na kailangan ng emergency power nang maging pangulo si Duterte kung simula pa lamang sa ­pag-upo ni Duterte ay kumilos na si Tugade at tinutukan niya nang husto ang problema sa trapiko. (BAKBAKAN NATIN / Nelson Badilla)

Please follow and like us:
Read More

KAMARA ‘GINAHASA’ ANG CHED

BAKBAKAN NATIN

SA unang tingin hahanga ka sa mga kongresista dahil mabilis nilang maipapasa ang panukalang bad­yet ng administrasyong Duterte matapos aprubahan ng bawat komite ang badyet ng kada kagawaran.

Sa kabilang banda, pag-iisipan mo ng masama ang liderato ni Speaker Alan Peter Cayetano sa Kamara de Representan­tes, sapagkat nagmukhang sunud-sunuran ito kay Pangulong Rodrigo Duterte nang paspasan ng mga mambabatas ang pagpasa ng badyet ng bawat kagawaran.

Kaya, malapit nang isalang sa plenaryo ang panukalang P4.1 trilyong badyet para sa 2020 upang maipasa ito sa unang linggo ng Oktubre.

Isa sa inaasahang ipapasa ng mga kongresista ay ang nabawasang badyet ng Commission on Higher Education (CHED).

Hayaan n’yong ilatag ko rito kung gaano kalaki ang ibinawas sa CHED at kayo na ang magpasya kung tama o mali ang ginawa, kung makabubuti o hindi, kung makabuluhan o pagbabalewala sa edukasyon.

Sabi ni CHED Chairman Prospero de Vera III, P35.3 bilyon na lang ang badyet ng Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE) Act mula sa dating P42.4 bil­yon.

Sobrang laki nang ibinawas dahil 16.74 porsiyento ang P7.1 bilyong ibinawas sa badyet ng pagpapatupad ng nasabing batas.

Ang alokasyon naman sa Student Financial Assistance Program (SFAP) ay naging P516 milyon mula sa P4.1 bil­yon.

Napakalaki rin ng nabawas dahil tumataginting na 87.6 porsiyento ang nabawas sa nasabing ayuda sa mahihirap na mag-aaral.

Kaya, sabi ni De Vera ay siguradong napakaraming mag-aaral ang apektado sa ginawa ng Kamara.

Maging ang programang K – 12 na ilang taon pa lamang ipinatutupad ay tinapyasan na rin ng P600 milyon mula sa P3.1 bil­yon.

Bale, 21.48 porsiyento ito!

Kawawa na ang mga estudyante ng Senior High School mula 2020.

Umabot na lang sa P3 bilyon ang programang “Tulong Dunong” ng CHED.

Kaya, asahan nang mababawasan ang bilang ng mga iskolar at guro na kasama sa nasabing prog­rama ng pamahalaan.

Ang Tulong Dunong ay kongkretong interbens­yon ng pamahalaan sa malaking bilang ng mag-aaral at gurong iskolar ng pamahalaan.

Sa pamamagitan ng Tulong, ang mga mag-aaral at guro ay nakatatanggap ng P12,000 ayuda bawat pang-akademyang taon upang matustusan ang kanilang gastusin sa kanilang pag-aaral sa naturang taon.

Walang dudang napakahalaga ng edukasyon sa mga mag-aaral.

Katunayan, mayroong estratehikong papel ang edukasyon sa bawat mamamayan, sa lipunan, sa pamahalaan at bansa.

Kaya, ang mga dalub­hasa o mananaliksik ay walang humpay sa pag-aaral, pagsisiyasat at pag-alam ng mga bagong ideya, konsepto, pamamaraan, mekanismo at iba pa upang patuloy na umunlad at umangat ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas, sa pangkalahatan, at sa mga mag-aaral at guro, sa partikular.

Kahit ang mga may-akda ng Konstitusyon ng bansa ay alam na alam ang layunin natin sa sistema ng edukasyon sa bansa.

Kaya, itinakda nila sa Konstitusyon na palaging pinakamalaking badyet ang edukasyon, kabilang ang badyet ng Department of Education (DepEd).

Ngayon, kung ‘ginahasa’ ng Kamara sa ilalim ng liderato ni Speaker Alan Peter Cayetano ang panukalang badyet ng CHED para sa 2020 ay nangangahulugan lamang na pinahihina nito ang mga maka­buluhang interbensyon at layunin ng pamahalaan sa sistema ng edukasyon sa bansa.

Ang nakatatakot dito ay kung magtuluy-tuloy ang ganitong ginagawa ng mga kasapi ng

Kamara sa mga susunod pang taon, sapagkat babagal ang reyalisasyon sa pagkakamit ng sektor ng edukasyon na umunlad at umangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Kaya, kailangang ngayon pa lang ay magkaisa ang sektor ng edukasyon upang tahasang batikusin, harangin at labanan ang masamang ginagawa ng mga mambabatas sa edukasyon ng Pilipinas, katulad ng panggagahasa ng Kamara sa badyet ng CHED. (BAKBAKAN NATIN /NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More

WALA NA BANG KORAPSYON KINA AGUIRRE AT GUEVARRA?

BAKBAKAN NATIN

SA pagdinig ng Blue Ribbon Committee ng Senado tungkol sa talamak na katiwalian at korapsyon sa Bureau of Corrections (BuCor) at New Bilibid Prison (NBP), muling nabanggit ang pangalan ni Senator Leila de Lima.

Ginamit na ‘bala’ si dating BuCor Chief Rafael Ragos at ‘bataan’ nitong si dating National Bureau of Investigation (NBI) Agent Jovencio Ablen Jr. upang isiwalat ang napakatala­mak na korapsyon sa BuCor dahil ayaw magsalita nina Fredric Anthony Santos at Ramoncito Roque hinggil sa katiwaliaan at korapsyon sa nasabing ahensiya.

Kinumpirma nina Ragos at Ablen ang inilatag ni Senador Richard “You Know Me” Gordon na li­tanya ng korapsyong umabot kay De Lima.

Patunay na ang katiwalian at korapsyon sa BuCor at NBP ay hindi limitado sa dalawang ito kundi abot hanggang pinuno ng DOJ.

Idiniin muli ni Ragos na sangkot si De Lima sa transaksyon sa operasyon ng iligal na droga sa NBP.

Sa nasabing pagdinig, muling ipinakita at idiniin ng Blue Ribbon Committee na matagal na ring pinamumunuan ni Gordon na ang katiwalian at korapsyon sa NBP at BuCor na iligal na droga ang pinagtutuntungan ay kasama ang kalihim ng DOJ.

Ang kalihim ng DOJ ay siyang pinuno ng hepe ng NBP at pinuno ng BuCor.

Itinatanggi ni De Lima ang akusasyon laban sa kanya.

Nang maging pangulo ng Republika ng Pilipinas si dating Davao City Mayor Rodrigo Duterte, ang kauna-unahang itina­laga niyang kalihim ng DOJ ay si Atty. Vitaliano Aguirre.

Naunang pumutok ang korapsyong kinasangkutan ni De Lima noong Ika-17 Kongreso na nauwi sa pagsasampa ng kasong kriminal laban sa kanya at pagkakulong dahil sa iligal na droga.

Pagkatapos ni De Lima, nagpatuloy ang samu’t saring katiwalian at korapsyon sa NBP at BuCor.

Nagpatuloy rin ang transaksyon ukol sa iligal na droga.

Ngunit, hindi nabanggit ang pangalan ni Justice Secretary Aguirre kahit isang beses na kumita siya mula sa katiwalian, korapsyon at iligal na droga mula sa NBP at BuCor.

Ngayon, pumutok ang bilihan ng “Good Conduct Time Allowance” (GCTA) upang makalaya ang mga bilanggong kilalang drug lord at nakagawa ng mga karumal-dumal na krimen, kabilang na si dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez at Janet Lim Napoles, ngunit hindi rin nabanggit ang pangalan ni Secretary Menardo Guevarra.

Wala ring nagsabing nanghingi si Guevarra kahit kaninong tao sa NBP at BuCor ng lingguhang tara o “limang manok” (limang milyon) sa mga opisyal ng dalawang ahensiya.

Nangangahulugan bang hindi nasangkot ang kalihim ng DOJ sa katiwalian at korapsyon sa NBP at BuCor kahit napaka­tagal nang umiiral ito, maliban noong si De Lima ang kalihim ng DOJ?

Nangangahulugan din bang hindi korap at hindi mukhang pera sina Aguirre at Guevarra?

Maganda kung ganoon, sapagkat nakasusulasok na pangyayari na ultimong ang kalihim ng DOJ ay regular na nakatatanggap ng milyun-milyong salaping nakararating mula NBP at BUCOR. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More

WALANG MGA PERMIT ANG POGO SA EASTWOOD CITY

BAKBAKAN NATIN

ALAM naman nating lahat na ang pagtatayo ng kahit anong negosyo ay kailangan ng kaukulang mga permit.

At hindi lang permit sa pagnenegosyo kundi maraming hinihingi ang pamahalaan, alinsunod sa itinakda ng iba’t ibang batas.

Sa Quezon City, partikular sa Eastwood City sa Libis, ay mayroong mga nagnenegsyong pasok sa tinatawag na Philippine offshore gaming operators (POGO).

Ang mga ito ay ang Omniworld Enterprise, Inc., Singtech Enterprise Inc. at Great Empire Gaming and Amusement Corp.

Sa rekord ng tanggapan ni Mayor Josephine Belmonte, nadiskubreng ang Omniworld, Singtech at Great World ay walang locational clearance, sanitary permit, environmental clearance, ­occupational permits para sa mga manggagawa ng mga ito at iba pa.

Ang mga nabanggit na permit ay napakahalaga sa pagnenegosyo, ngunit wala ang tatlong nasabing “legal gaming and gambling” ng nasabing mga permit.

Sobrang konsintidor si Belmonte, sapagkat hindi niya ipinasara ang Omniworld, Singtech at Great World kahit napakaraming nilabag ang tatlong ito.

Sa halip, binigyan ni Belmonte ng 15-araw mula Agosto 26 upang tumugon ang tatlong ­kumpanya.

Kapag malambot ang alkalde sa mga abusado ay siguradong may mga kumpanyang aabuso at patuloy na lalabag sa batas.

Kung napalusutan si Mayor Herbert Bautista dahil sa mga korap niyang opisyal, dapat tapangan na ni Belmonte ngayon.

Tiyakin niyang huwag siyang mapalulusutan ng mga korap na opisyal ng kanyang administrasyon.

Sa tingin ko, kahit mabawasan ang kita ng pamahalaang lokal ng Quezon City at ­matigil ang pagtatrabaho ng mga kawani ng tatlong ­kumpanya ay dapat ipinatigil ang operasyon ng mga ito at pinagmulta.

Payagan na lamang silang buksan kapag nagkaroon na ng mga permit na kailangan sa pagnenegosyo.

Maliban sa mga ­kumpanya sa POGO, napakaraming negosyo sa Quezon City na kulang-kulang ang permit tulad ng mga Spa, beer house, KTV at iba pa.

Dapat sipagan na ng administrasyon ni Belmonte ang paglilinis sa establisimiyento sa lungsod upang higit na lumaki ang kita ng pamahalaang lokal kada taon.

Pakilusin ni Belmonte ang Business Permit and Licensing Office (BPLO) upang gampanan nito ng tapat at seryoso ang kanyang gawain, tungkulin at obligasyon.

Sa panahon kasi ni Bautista, napakatalamak ng katiwalian at korapsyon sa BPLO.

Kailangan, mawala na ito sa panahon ni Mayor Joy Belmonte! (BAKBAKAN NATIN / Nelson Badilla)

Please follow and like us:
Read More

DOLE AT PCAB WALANG AKSYON LABAN SA DATEM INC.

BAKBAKAN NATIN

KAHIT kailan ay huwag nating kalimutan na napakahalaga at estratehiko ang papel na ginagampanan ng mga manggagawa sa ating lipunan.

Kung wala ang manggagawa, pihadong walang kikilos upang sumulong, umunlad at umasenso ang isang bansa.

Hindi rin uunlad, aangat at aasenso ang buhay ng mga kapitalista kung walang manggagawa.

Kaya, hindi dapat pinababayaan at winawalanghiya ng mga kapitalista ang kanyang mga manggagawa.

Hindi rin dapat balewalain at pabayaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Contractor Accreditation Board (PCAB) ang mga manggagawa, kabilang na iyong nakabase sa industriya ng konstruksiyon.

Nitong nakalipas na linggo, nanawagan ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa DOLE at PCAB na rebyuhin at pag-aralan ang lisensya at akreditasyong ibinigay sa Datem, Inc. matapos makarating sa TUCP ang impormasyong mayroong mga manggagawa ang naturang kompanya na namatay habang nagtatrabaho sa mga proyekto nito.

Ang Datem, Inc. ay isang malaking construction firm.

Ayon sa TUCP, maraming paglabag sa “labor standards and construction occupational safety and health protocols” ang Datem, Inc.

Hindi raw iniuulat ng Datem, Inc. sa pulisya at DOLE ang mga namamatay nitong mga manggagawa habang nagtatrabaho, patuloy ng TUCP.

Sabi ni Alan Tanjusay, tagapagsalita ng TUCP, hindi pa umaaksyon ang DOLE at PCAB sa kanilang mga reklamo laban sa Datem, Inc. hanggang sa kasalukuyan.

Hindi ako nagtataka kung hanggang ngayon ay walang aksyon ang DOLE sa panawagan at kahilingan ng TUCP, sapagkat madalas namang matagal kumilos ang DOLE.

Malaki na nga ang problema ng mga manggagawa laban sa halos lahat ng kapitalista sa iba’t ibang panig ng bansa, lalo pang dagdag ng sakit ng ulo ang mga opisyal ng DOLE dahil sa kanilang pagpapabaya sa mga manggagawa.

Hindi ko kabisado ang PCAB, ngunit mukhang kahawig nito ang DOLE, sapagkat hanggang ngayon ay hindi iniintindi ng mga opisyal ng PCAB ang panawagan at kahilingan ng TUCP.

Ang panawagan ng TUCP ay seryoso at malaking usapin dahil tungkol ito sa mga namatay na mga construction worker ng Datem, Inc. at sa mga batas-paggawa na nilabag umano ng nasabing kompanya.

Kailangang umaksyon ang DOLE at PCAB upang malaman at matukoy nang eksakto kung mayroong batayan ang reklamo ng TUCP laban sa Datem, Inc. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More

TIYAKING MATIBAY ANG EBIDENSIYA

BAKBAKAN NATIN

BUGBOG-SARADO na naman ng Senado ang isang ahensiya ng pamahalaan dahil sa katiwalian at korapsyon.

Sa pagkakataong ito ay ang Bureau of Corrections (BuCor) na nagkataong tinanggal na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pinuno nitong si Nicanor Faeldon.

Nabunyag sa media na napakalaking bilang mula sa libu-libong bilanggo na napalaya mula noong 2014 dahil sa konsepto ng “good conduct time allowance” (GCTA) na siyang nilalaman ng Republic Act. No 10592 ay hindi kuwalipikado, sapagkat pawang sangkot sila sa mga karumaldumal na krimen at hindi nagpakita ng totoong magandang asal sa loob ng mga kulungan ng BUCOR tulad ng New Bilibid Prison (NBP).

Ang matindi sa GCTA ay mayroon palang katapat na halaga ito upang makalaya ang isang bilanggo kahit hindi siya kuwalipikado.

Ibig sabihin, mayroong kumikita sa GCTA.

Mayroong katiwalian at korapsyon!

Pokaragat na ‘yan!

Mayroon nang ilang taong lumantad upang patunayang “for sale” ang GCTA.

Magaling kung ga¬yon!

Ngunit, ang posis¬yon ko rito ay dapat tiyaking mayroong matibay na ebidensiya laban sa mga korap na opisyal at kawani ng BuCor na kumita mula sa GCTA.

Idiniriin ko ito, sapagkat napakarami ng imbestigasyong isinagawa ang Senado sa nakalipas na mga taon hinggil sa samu’t saring katiwalian at korapsyon sa kahit anong ahensiya ng pamahalaan, ngunit wala namang nangyayari sa bandang huli.

Tingnan ninyo ang Bureau of Customs (BOC) kung saan si Faeldon din ang pinuno nang imbestigahan ng Senado at Kamara de Representantes ang P6.4 bilyong halaga ng shabu na nakalusot sa matatalas na mga mata ng mga taga-BOC at ang talamak na “tara system.”

Ngunit, anong nangyari kay Faeldon at mga kasamahan niya sa Magdalo na dinala niya sa BOC?

Hindi ba’t napawalang sala ang kaso nila, samantalang hindi pa ito nakararating sa Office of the Ombudsman.

Isinalang din noon ng Senado ang mahigit P10 bilyong pork barrel na kinasangkutan ni Janet Lim Napoles, ng mga senador at kongresista, ngunit wala pang napatunayang nagkasala na mga senador at kongresista na sangkot sa nasabing mahigit P10 bilyong pork barrel.

Naging mainit at malaliman din ang imbestigasyon ng Senado tungkol sa “fertilizer scam” na kinasangkutan ni Gloria Macapagal Arroyo at iba pang matataas na opisyal ng Department of Agriculture (DA), ngunit sa bandang huli’y napawalang sala rin sila ng Sandiganbayan bunga ng kakapusan ng matibay, malakas at sapat na ebidensiyang magdidiin kina Arroyo at mga kasama hinggil sa nasabing fertilizer scam.

Kaya, tulad ng mga nakaraang putok na putok at masyadong maingay na imbestigasyon sa Senado ay mauuwi rin sa wala ang imbestigasyon ng Senado ngayon hinggil sa garapalang mabilis na pagpapalaya sa mga drug lord at mga taong gumawa ng mga karumal-dumal na krimen tulad ng pangingidnap, panggagahasa at pagpatay alinsunod sa GCTA.

Napakaganda sana ng ginagawa ng mga senador, sapagkat nalalaman ng publiko kung sinu-sino ang mga kriminal at mga magnanakaw ng pera ng pamahalaan mula sa mga opisyal at kawani ng BuCor, ngunit nakadidismayang isipin dahil nakikita nating sa bandang huli ay idedeklara ng Sandiganbayan na inosente silang lahat.

Pokaragat na ‘yan! (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More

HIGIT P17B PORK BARREL ILAAN SA MGA PASYENTE

BAKBAKAN NATIN

NAPAKARA­MING nakaratay na mga pasyente na pawang mahihirap sa mga pampublikong ospital sa iba’t ibang bahagi ng bansa araw-araw.

Ngunit, kahit sa pampublikong ospital na ginagamot ang mga pas­yente, malaki pa rin ang kanilang babayaran.

Ang sinasabi nating malaki ay hindi isang li­bong piso ang halaga kundi mahigit P50,000 hanggang mahigit P100,000 ang babayaran.

Syempre, hindi sila makalalabas ng ospital kapag hindi nagbayad ng kahit magkano bilang paunang bayad, tapos magbibigay na ng “promis­sory note” na babayaran ang balanse sa takdang araw na hindi lalampas sa isang buwan mula sa paglabas ng pasyente sa ospital.

Napakalaking problema talaga ng mahihirap kapag sila ay nagkakasakit dahil sa sobrang mahal ng presyo ng mga gamot.

Ano pa kaya kung sila ay maospital ng ilang araw.

Naniniwala akong malaki ang maitutulong ng mga mambabatas sa kanila.

Ang bawat isa sa 24 na mga senador ay P200 milyon ang pork barrel bawat taon, samantalang P100 milyon naman sa 305 kongresista.

Bawasan natin ng kalahati ang P200 mil­yon ng mga senador at pagsama-samahin natin itong lahat ay aabot sa P2,400,000,000.

Kung P50 milyon naman ang ibabawas sa pork barrel ng bawat kinatawan ng mababang kapulungan ng Kongreso ay aabot ito sa P15,250,000,000 sa kabuuang lahat.

Kung pagsasamahan natin ang dalawa ay aabot ito sa kabuuang P17,650,000,000.

Napakalaking halaga nito upang maging pondo upang tulungan ang libu-libong pasyente, kundi man, milyun-milyon.

Sa pondong ito kukunin ang pambili ng mga gamot, bayad sa paggamit ng kuwarto mula sa ilang araw na pagkakaospital ng mga pasyente, bayad sa mga doktor at iba pang bayarin.

Kung mayroong pondong nakatabi para sa kanila, siguradong wala nang iintindihing iba pa ang mga kamag-anak ng mga pasyente kundi bantayan, asikasuhin, alagaan at magdasal sa Panginoong Diyos upang mapabilis ang paggaling ng mga may sakit.

Hindi ba’t maganda ang ganitong ideya?

Alam kong maraming mambabatas na sasabihing mali at isang napakalaking kalokohan ang nasabing ideya, sapagkat P50 milyon ang mawawalang pera sa mga kongresista at P100 milyon naman sa mga senador.

Mas mainam ang binabanggit ko kaysa makurakot lang ang pork barrel ng mga mambabatas na matatakaw sa pera. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More

OPISYALES NG NISSAN PHILS. NILABAG ANG REVISED PENAL CODE

BAKBAKAN NATIN

ISANG tagumpay na itinuturing ng Broadway Motor Sales Corporation ang pagharap ng mga opis­yal ng Nissan Philippines Inc. sa Manila Regional Trial Court dahil sa kasong kriminal na isinampa laban sa kanila.

Ang mga inaasahang haharap sa Branch 30 sa Setyembre 4 ay sina Ramesh Narasimhan (da­ting presidente at mana­ging director ng Nissan Phils.), Jonathan Aguilar, Francis Ang at Abner Brio­nes alinsunod sa kasong kriminal bilang 19-04170.

Ang kasong kriminal ng Nissan ay batay sa reklamo ni Leoncio Lei Yee, Jr., pangulo ng Broadway Motor Sales Corporation laban sa naturang dambuhalang kompanya ng mga sasakyan.

Batay sa dokumento, ang Broadway Motor Sales Corp. ay “franchise holder” ng Nissan Dealership sa bansa sa loob ng mahigit 41 taon.

Nakasaad sa reklamo ni Yee, hiniling ng Nissan Philippines na magsagawa ang Broadway Motor Sales Corp. ng “renovation” sa kompanya nito na umabot sa P28 milyon ang ginastos.

Labis ang sama ng loob ng pamunuan ng kompanya, sa pangunguna ni Yee, sapagkat biglang tinapos umano ng Nissan Philippines ang kontrata nito sa Broadway Motor Sales pagkatapos nitong tuparin ang kahilingan ng Nissan.

Ang pagputol sa kontrata ay nauwi sa ‘biglang namatay’ na negosyo ng Broadway Motor Sales.

Batay sa resolusyon ng prosecutors office, may “probable cause” upang kasuhan ang Nissan Phils. dahil sa paglabag sa Artikulo 318 ng Revised Penal Code.

Kaya, inakyat sa Manila RTC ang kasong “o­ther deceits” na paglabag sa Revised Penal Code laban sa Nissan Philippines Inc.

Walang ibang kahulugan ito kundi nakumbinsi ang piskalya sa mga ebidensiyang ipina­kita ng Broadway Motor Sales Corporation laban sa Nissan Philippines Inc.

Naniniwala si Yee na mananalo ang kanilang kaso laban sa Nissan Phi­lippines.

TOTOONG SERBISYO PUBLIKO ANG DAPAT GAWIN NI MAYOR CAYETANO

GINAGAMPANAN naman ni Mayor Lino Cayetano ang pagiging alkalde ng lungsod ng Taguig.

Si Lino ang pumalit sa hipag na si Mayor Ma. Laarni “Lani” Cayetano, sapagkat tumakbo at nanalo itong kinatawan ng ika­lawang distrito ng Taguig sa mababang kapulungan ng Kongreso noong eleks­yong Mayo 13.

Nanalo ring kinatawan ng unang distrito ng lungsod at bayan ng Pateros ang kuya ni Lino na si Alan Peter Cayetano.

Si Rep. Pia Cayetano ay naging senadora uli makaraang manalo sa nabanggit na halalan.

Ngayong alkalde na si Lino Cayetano ay higit na matindi ang hamon sa kanya kumpara noong direktor pa lamang siya.

Sa pagiging direktor ay maaaring kunan uli ang maling eksena sa pelikula o patalastas upang mapaganda ito.

Ngunit, sa pagiging alkalde ay hindi lahat ng desisyon at gagawin ng alkalde ay maaaring ulitin upang kagyat na iwasto ang maling kuha ng isang eksena sa pelikula.

Sa pagiging alkalde, hindi wastong paulit-ulit ang deklarasyong lilinisin ang mga estero, sapagkat pinatutunayang palpak o sadyang palabas lamang ang nasabing desisyon.

Kailangang patunayan ni Lino na totoong serbisyo publiko ang kanyang gagawin.

Alam ng mga residente ng Taguig na lahat ng kanal, estero, ilog at maging ang Laguna de Bay na bahagi ng Taguig ay ubod nang dumi at itim.

Alam nilang nanlilimahid ang mga kanal, estero, ilog at Laguna de Bay sa sobrang dami ng basura at ubod nang itim ang kulay ng tubig ng mga ito.

Pero, hanggang ngayon ay wala pang ginagawa si Mayor Cayetano hinggil dito.

Alam na alam din ni Lino na ang mga terminal ng traysikel sa harapan ng city hall ng lungsod ay nananatili hanggang kasalukuyan.

Ang mga terminal na ito ay madalas ireklamo noong panahon ni Lani, ngunit hindi pa rin ipinatatanggal ni Mayor Lino Cayetano hanggang nga­yon.

Ang Bayani Road na malapit sa C–5 ay ginawang terminal ng traysikel at taksi ang magkabilang gilid ng kalsada.

Paradahan din ng mga pribadong sasakyan ang kaliwang gilid ng nasabing kalsada.

Ang Meralco Road ay ginawang paradahan ng mga pribado at pangnegosyong sasakyan.

Ang harapan ng Dreamland Subdivision ay ginawang terminal ng taksi at pribadong sasakyan, kaya nahaharangan ang bahaging daanan ng mga tao.

Walang makasita rito kahit na ang mga barangay tanod dahil may mga gamit ang ilang tsuper ng taxi at pribadong sasakyan dito tulad ng balisong, tubo, icepick at iba pa.

Wala ring ginawa si Lino sa iba’t ibang klase ng iligal na sugal na nagkalat at namamayagpag sa mga pamayanan sa Taguig.

Kaya, walang dapat ipag­taka kung nababanas ang mga taga-Taguig kung bakit pa nanalong alkalde si Direk Lino Cayetano, samantalang hindi nila kakitaan ang taong ito ng totoong serbisyo publiko na ina­asahang dapat gawin ng isang alkalde. (BAKBAKAN NATIN /NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More

BILHAN NG KAMA ANG EAMC

BAKBAKAN NATIN

NOONG Agosto 8, bigla akong napunta sa East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City dahil itinakbo ang bayaw ko sa emergency room (ER) ng ospital na ito.

Habang binabantayan ko ang bayaw ko na naaksidente sa pag-angkas sa motor ay kitang-kita ko ang napakaraming pasyente na nag-aantay ng kamang mahihigaan habang inaantay na mailipat sila sa kuwarto.

Ang mga pasyente na pawang may edad na ang substansiyal na bilang sa kanila ay nakaupo sa wheelchair.

Kitang-kita ng dalawang mata ko ang kalunus-lunos nilang kalagayan.

Sa bawat araw na paglalagi sa ER ay P400 ang bayad na isasama sa kabuuang babayaran sa ospital bago mailabas ang pasyente.

Kapos din ang bilang ng mga doktor na mag-aasikaso sa mga pasyente.

Marahil ito ang ‘opisyal’ na dahilan ng pamunuan ng EAMC kung bakit hindi kaagad naaasikaso ang mga pasyente sa ospital na ito na pag-aari ng pamahalaan.

Iyong bayaw ko na dinala sa EAMC bago mag-ala-una ng madaling araw ay naasikaso naman agad, ayon sa katrabaho niyang nurse na kasamang nagdala sa bayaw ko sa nasabing ospital, sapagkat ang doktor na nag-asikaso sa kanya ay dating kasamahan nila sa Urology Center of the Philippines Inc. (UCPI).

Nabalitaan ko kasi sa mga kamag-anak ng isang pasyenteng nakasama ng bayaw ko sa Room 4003 na hindi agad inasikaso ang kanilang pasyente nang makarating ito sa ER ng EAMC kahit kitang-kita na napakaraming dugong lumalabas sa ulo ng pasyente.

Ang unang hakbang ay pinaupo sa wheelchair ang pasyente, pero walang nag-aasikasong doktor.

Kahit ilang beses na nagsisigaw at nangulit ang mga kamag-anak ng nasabing pasyente ay ayaw pa ring asikasuhin agad ang pasyenteng sobrang duguan ang ulo dahil sa matinding paghataw dito ng nangursunada sa kanya.

Kumilos lang ang mga doktor nang bibidyuhan ng kaanak ng ­pasyente ang biglang paghiga ng pasyente sa sahig dahil nahihirapan na ito sa kanyang pag-aagaw-buhay.

Ang sabi raw sa kanila ng mga nagtatrabaho sa ER ay bawal daw ang kanilang ginagawang pagbibidyo.

Tumigil ang pagbidyo nang paspasang asikasuhin ang nasabing pasyente.

Nakalabas na ng EAMC ang pasyenteng residente sa isang komunidad na malapit sa Commission on Audit (COA) sa Quezon City noong Agosto 20.

Kailangan bang magdagdag ng doktor sa ER ng EAMC o dagdagan ang tapat, seryoso at mapagpasyang pagkilos ng mga ito sa mga pasyenteng itinatakbo sa ER?

Kahit iyong ikalawa ang tamang sagot, palagay ko kailangang-kailangang dagdagan ang mga doktor upang wala nang palusot ang mga doktor dito kapag mayroong biglang dumating na pasyente sa emergency room.

Ang isa pang kapansin-pansin na malaswa sa EAMC – ER ay ang comfort room (CR) – napakarumi, may tae na hindi nililinis!

Dapat malinis ang CR.

Katunayan, dapat palagi itong malinis, sapagkat bahagi ang CR ng kabuuang pamamahala ng kalusugan ng mga ­pasyente.

May mga nagsabi sa akin na napakatagal nang problema sa EAMC ang kakapusan ng kama, napakakupad na serbisyo ng mga doktor at maruming CR.

Kaya, ang nakikita kong solusyon dito ay bawasan ng Department of Health (DOH) ang kanyang pondo sa pagbili ng bilyun-bilyong halaga ng mga gamot dahil bilyun-bilyong halaga rin ang nasasayang dito.

Ulitin ko ang minsang lumabas sa kolum kong ito noong Agosto 4 hinggil sa ulat ng COA na nabunyag na P55.7 bilyong halaga ng mga gamot ang nakaimbak sa bodega ng DOH mula 2015 hanggang 2018.

Ayon sa COA, P10 ­bilyong halaga ng mga gamot na nakaimbak sa bodega ng DOH ang nasayang noong 2015; P11.3 bilyon nang sumunod na taon; umakyat pa sa P16 bilyon noong 2017; hanggang sa ­naging P18.4 bilyon noong 2018.

Bawasan na ng DOH ang pagbili ng mga gamot upang huwag nang maulit ang ­pagsasayang ng multibilyong salapi ng pamahalaan kada taon.

Wala namang isang bilyon ang kabuuang halaga ng mga kamang bibilhin para sa ER ng EAMC at pasahod sa ilan pang doktor na idadagdag sa emergency room na ito. (BAKBAKAN NATIN / Nelson Badilla)

Please follow and like us:
Read More

ITAAS SA 40% ANG DISKUWENTO SA MGA GAMOT NG PWD

BAKBAKAN NATIN

MALAKING bagay ang 20 porsiyentong diskuwentong maibabawas sa mga bibilhin ng persons with disability (PWD) at senior citizens, alinsunod sa mga batas na inalaan sa kanila.

Ngunit, sa reyalidad ay kulang pa ang 20 porsiyentong bawas sa mga gamot, pagkain, bayad sa doktor at iba pa.

Malinaw ang probisyong nakasaad sa Republic Act No. 10754 o ang An Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disability (PWD) na 20 porsiyento ang diskuwentong bawas sa presyo ng gamot, pagkain, bayad sa doktor at iba pa.

Maganda sa unang tingin at tila maganda rin sa pandinig dahil mababawasan ang ibabayad.

Ngunit, kung kukuwentahin lalabas na maliit ang 20%.

Kung ang PWD ay hindi istable ang pag-iisip, siguradong mayroong maintenance ang nasabing tao.

Kaya, buwan-buwan din siyang bibili ng gamot at kokunsulta o magpapatingin sa doktor.

Magastos din, ngunit bahagi na ng buwanang gastos dahil obligado ang mga magulang na ­mayroong anak na PWD na bumili ng mga gamot at ipatingin ang anak.

Kaya, kulang na kulang ang 20 porsiyentong diskuwento.

Kailangan talagang itaas ito sa 40%.

Ang 40 porsiyento ay malaking bagay para sa mga magulang ng PWD o mismong sa mga PWD.

Hindi kabawasan ito sa mga kompanya ng gamot, sa mga doktor, sa mga ospital at iba pa, sapagkat hindi naman malaki ang populasyon ng PWD.

Hindi rin malaki ang populasyon ng mga taong hindi stable ang pag-iisip.

Kaya, napapanahon na upang amyendahan ang R.A. 10754.

Sinu-sino kaya sa 24 na mga senador at 305 na mga kongresista ang maglalabas ng panukalang amyendahan ang nasabing batas?

Totoong hindi kontrobersiyal ang kalagayan ng PWD, partikular, sa ­usapin ng kanilang gastusin ngayong panahon.

Ngunit, ang kanilang interes at pangangailangan ay napakahalaga sa lahat ng panahon.

Hindi kailangang may pumutok na kontrobersiya sa sektor ng PWD upang kumilos, magpasya at tugunan ng mga kasapi ng Ika-18 Kongreso ang kanilang napakaraming pangangailangan tulad ng pagtataas sa 40% ng diskuwentong matatanggap nila sa pagbili ng mga gamot, pagkain, bayad sa doktor at marami pang iba mula sa kasalukuyang 20 porsiyento.

Hindi kailangang mayroong mamatay sa sektor ng PWD ­(partikular sa mga hindi stable ang pag-iisip), hindi makalabas ng ospital, hindi makabili ng gamot, makulong o anomang negatibong pangyayari upang bigyan sila ng konkreto, sapat at kaukulang pansin bago ­kumilos ang mga kasapi ng Ika-18 Kongreso.

Magkaisa at magtulungan tayo upang makamit ang panawagan at adbokasiya kong “Itaas sa 40% ang diskuwento sa mga gamot ng PWD.”  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More

PINAHANGA KAMI NI DR. PEDRO LANTIN III

BAKBAKAN NATIN

SI Dr. Pedro “Perry” Lantin III ay kilalang Urologist.

Direktor si Dr. Lantin ng Urology Center of the Philippines Inc. (UCPI) na matatagpuan sa Quezon City.

Konektado rin siya sa East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City rin.

Hindi ko kilala si Dr. Lantin.

Ang nakakikilala nang personal sa kanya ay ang kapatid kong nurse na si Lorna.

Kilala rin siya ng mommy ko na si retiradong Registered Nurse Virginia Badilla.

Personal ding kakilala ng mommy ko ang tatay ni Dr. Lantin dahil naging propesor niya ito noon sa San Juan de Dios Hospital School of Nursing.

Ang bayaw kong si Raymund Toledo ay matagal na ring nurse sa UCPI.

Sa kanyang pagtatrabaho sa UCPI, nakasisi­guro akong mahusay, tapat, seryoso at masigasig na ginampanan ni Raymund ang kanyang mga gawain, tungkulin at obligasyon bilang nurse.

Ngayong taon, nagpasyang magtrabaho sa ibang bansa si Raymund upang ihanda ang kanyang sarili at ang asawa niyang si Teacher Mayeng sa kanilang kinabukasan lalo pa’t magkakaroon na sila ng anak sa darating na Oktubre.

Nag-resign ang bayaw ko dahil magtatrabaho na siya sa ibang bansa.

Ayaw mang iwanan ni Raymund ang UCPI, obligado siyang magtrabaho sa ibang bansa habang bata pa siya bilang paghahanda sa kinabukasan ng kanyang pamilya.

Ang problema, ilang oras matapos siyang mag-resign noong Agosto 7 ay naaksidente siya madaling araw ng Agosto 8.

Itinakbo siya sa EAMC.

Napakalala ng sinapit ng bayaw ko.

May dugo sa puno ng utak niya, banggit ng doktor na tumingin sa kanya.

Malala ang sitwasyon ni Raymund.

Itineks ko sa misis ko na “okey ang vital signs ni Raymund, pero unconscious siya.”

Tinawagan ng misis ko ang mother ko kung saan binanggit ang kalagayan ni Raymund habang nasa EAMC.

Agad tinawagan ng mommy ko ang UCPI at pinatiyak niya sa kanyang nakausap na nurse na makarating kay Dr. Lantin ang sinapit ni Raymund.

Hindi nagtagal, tinawagan ako ng chief nurse ng UCPI at sinabing paparating si Dr. Lantin sa EAMC, pero unang dara­ting sa EAMC ay ang ilang doktor ng UCPI na pinapunta ni Dr. Lantin upang tingnan agad ang kalaga­yan ni Raymund.

Dumating si Dr. Lantin sa EAMC kung saan nakita niya ang masamang kalagayan ng kanyang nurse na nagpaalam na sa UCPI ilang oras pa lang ang nakalipas.

Agad nagbigay ng direktiba si Dr. Lantin ng mga kagyat na dapat gawin upang matiyak ang kaligtasan ni Raymund.

Ang esensya ng kanyang direktiba ay bigyan ng prayoridad ni Raymund.

Naniniwala ako, ang kanyang asawa, mga kapatid, mga bayaw at mother ko na kung hindi dumating si Dr. Lantin ay posibleng operahan na si Raymund at hatiin ang ulo upang ‘gamutin’ ang pagdurugo sa bandang puno ng kanyang utak – P500,000 rin daw ang halaga nito.

Nadaan sa gamot hanggang sa tumigil ang pagdurugo sa bandang puno ng utak ng bayaw ko.

Matapos niyan ay ilang ulit ding dinalaw pa at inalam pa ni Dr. Lantin at ng kanyang mga doktor ang kalagayan ni Raymund.

Nailabas na namin si Raymund noong Agosto 21 at nga­yon ay nagpapagaling na siya.

Kaming pamilya ni Nurse Raymund Toledo ay lubos na pinahanga ni Dr. Lantin, sapagkat hindi siya naningil ng kanyang professional fee.

Hindi rin naningil ng professional fee ang mga doktor ni Dr. Lantin sa UCPI na nag-asikaso at tumingin sa kanya.

Tapos, nagbigay pa si Dr. Lantin ng tulong pinansiyal na malaking halaga bilang pan­dagdag sa bayarin sa EAMC.

Nagbigay din ng tulong pinansiyal ang mga kasamahan ni Raymund sa UCPI.

Bukod sa maraming Salamat, hindi ko alam kung ano ang eksaktong salita na gagamitin ko na angkop sa ginawang kabutihan at pagmamahal ni Dr. Lantin, ng mga doktor sa UCPI, ng mga kasamahan ni Raymund sa UCPI dahil sa ginawa nilang pag-aasikaso, pag-aalaga at pagpapakita ng pagmamahal sa bayaw ko.

Bihira ang mga katulad ni Dr. Lantin na busilak ang puso.

Malaking tulong ang pinansiyal na ibinigay ni Dr. Lantin at ng mga kasamahan ni Raymund sa UCPI.

Mahigit P8,000 ang naibawas dahil sa PhilHealth (Philippine Health Insurance Corporation), P10,000 ang itinulong ng Department of Health (DOH), malaki rin ang ibinawas ng Social Service Department ng EAMC.

Kaya, malaki rin ang naibawas sa kabuuang bayarin.

Kung walang tulong sina Dr. Lantin, mga kasamahan ni Raymund sa UCPI, ang diskuwento mula sa PhilHealth, tulong ng DOH at Social Service Department ng EAMC, hindi makalalabas ang bayaw ko, sapagkat napakalaking halaga pa rin ang binayaran ni Mrs. Mariel Toledo.

Syempre, regular pang magpapatingin si Raymund hanggang tuluyang gumaling kaya gagastos pa rin siya.

Dapat, mayroong mabago sa usapin ng gastos ng mga pasyenteng mahihirap, sapagkat masyadong magastos ang maospital kahit na ang ospital ay kontrolado at pag-aari na ng pamahalaan tulad ng EAMC.  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More

PANAHON NANG LUMABAN SA CPP-NPA-NDF!

BAKBAKAN NATIN

ITO ang panawagan ni Relizza Lucena sa mga magulang.

Ito rin ang panawagan ng League of Parents of the Philippines (LPP) sa lahat ng Pilipino.

Si Relizza ang ina ni Alicia “AJ” Lucena na narekrut ng Anakbayan, organisasyon ng mga mag-aaral na pinaniniwalaang isa sa mga organisasyong binuo, kontrolado at pinatatakbo ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Si AJ na isang Grade 11 student ay “missing” na simula noong Hulyo 19 ng kasalukuyang taon, ayon kay Relizza.

Ang masakit sa ina, biglang sumulpot ang kanyang anak at inginuso ng mga may hawak sa kanya sa media kung saan sinabing hindi siya sari­ling pag-aari ng kanyang mga magulang kundi anak siya ng lipunan.

Dumaan lang daw siya sa sinapupunan ng kanyang ina.

Tiyak ganito rin ang paninindigan ng iba pang estudyanteng narekrut ng Anakbayan at Kabataan party-list.

Syempre, masakit kay Relizza ang pahayag na ito lalo pa’t nabatikos si AJ ng maraming tao at mga magulang sa media, sapagkat sa isang iglap ay biglang nagbago ang kanyang pagkakaintindi at pananaw hinggil sa relasyon sa pagitan ng anak sa magulang at anak sa lipunan.

Kahit sinong magulang ay hindi matatanggap ang pahayag ni AJ, sapagkat mistulang inabandona nito ang kanyang magulang.

Ngunit, hindi kasalanan ni AJ, kundi ng mga taong nagbigay ng ‘bagong oryentasyon’ patungkol sa kanyang relasyon sa kanyang mga magulang at lipunan.

Wala namang masama kung nakumbinsi at narekrut si AJ sa Anakbayan, sapagkat naniwala siyang ‘wasto’ ang mga ipinaglalaban nito.

Naniwala siya sa mga ipinaliwanag ng mga taong nagrekrut sa kanya na kailangang baguhin ang dekandenteng lipunang mayroon tayo.

Kahit ako ay naniniwalang dapat magkaroon ng “tunay na pagbabago” sa napakaraming aspeto sa ating lipunan.

Ngunit, hindi tamang umabot ito sa puntong baguhin din ang pananaw at relasyon ng anak sa kanyang mga magulang at lipunan.

Pakatandaan, ang magulang ay nahihirapan din sa mga kapalpakang matagal nang nagaganap sa ating bansa.

Matagal na ring akay-akay ng mga magulang ang napakaraming isyung nagpapahirap sa kanila bilang manggagawa, manggagawang bukid, magsasaka, mangingisda, guro, propesor, journalist, kawani ng pamahalaan at marami pang iba.

Ngunit, mali ang Anakbayan, Kabataan party-list at iba pang organisasyong naniniwala sa isinusulong ng CPP, New People’s Army (NPA) at National Democratic Front (NDF) na “pambansang demokrasya” sa pamamagitan ng pagsusulong ng “armadong pakikibaka” na nakapaloob sa konseptong “pangmatagalang digmaang bayan” na isaksak sa isipan ng kabataan na tratuhin ang kanilang mga magulang na hindi pag-aari ang kanilang anak kundi anak o pag-aari sila ng lipunan.

Ang anak at magulang ay parehong bahagi ng lipunan.

Ang anak at magulang ay parehong mayroong papel, tungkulin at obligasyong dapat gawin sa lipunan upang umayon ang lipunang ito sa interes, pangangailangan at kagalingan ng lahat ng mamamayan ng bansang ito – hindi lang ng ilang komunistang nagpapasarap sa The Netherlands at mga kongresistang kabilang sa Makabayan Bloc.

Hindi dapat rekrutin at akayin si AJ at iba pang katulad niya na maging kasapi ng NPA upang isulong ang armadong pakikibaka luma sa kalunsuran patungong kanayunan.

Kahit si Sarah Jane Elago ay hindi nagpadestino sa NPA kundi nagsilbi siyang kinatawan ng Kabataan party-list sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Si Terry Ridon ay hindi rin naging NPA upang isulong sa kanayunan ang armadong pakikibaka matapos ang kanyang termino bilang kinatawan ng Kabataan sa Kamara del Represen­tantes.

Si Terry ay itinalagang tagapangulo ng Presidential Commission on Urban Poor (PCUP) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi nagtagal si Terry sa PCUP, sapagkat tinanggal siya ni Duterte dahil sa katiwalian at korapsyon.

Madalas magpunta si Terry at ang kanyang pangkat sa ibang bansa na ikinagalit ni Duterte, sapagkat nasasayang ang salapi ng pamahalaan na galing din sa mamamayang pinaglilingkuran ni Atty. Terry Ridon.

Kahit si Tedy Casiño ay hindi namundok upang humawak ng baril matapos ang kanyang termino sa Kamara bilang kinatawan ng Bayan Muna at matapos hindi nanalong senador noong halalang 2013.

Hindi rin pinasali ni Casiño ang kanyang mga anak sa NPA.

Ngunit, bakit ang mga katulad ni AJ Lucena ang magtutungo sa kabundukan?

Hayaan n’yong ilatag ko rito ang pahayag ng LPP na posibleng sagot sa naturang katanungan: “Isa sa mga hot base of recruitment ng komunis­tang grupo ay [ang] sektor ng kabataang estudyante dahil sa pagiging idealistic at kapusukan ng sektor.

Gamit ang taktikang legal front recruitment, sinasakyan ng komunistang teroristang grupo ang mga lehitimong issues ng sektor [ng kabataan] gaya ng tuition fee, academic rights of students, campus freedom, educational system at iba pa.

Magsisimula silang magpukaw ng damdamin sa pamamagitan ng issues na malalapit sa kabataan at ika­wing ito sa mga pambansang usapin. Ang pinakadulo nito ay [ang] paglalatag sa armadong pakikibaka at pagsapi sa NPA na siyang tanging solusyon sa pambansang krisis.”

Ang pagiging idealistic at kapusukan ng kabataan ay katangiang sinusunggaban ng mga komunista, rebelde at te­roristang grupo upang iwanan ng kabataan ang kanilang mga magulang, pamilya at pag-aaral tungo sa pagsusulong ng ideo­lohiyang ikinintal sa isipan ng kabataan na gagabay habang hawak-hawak nila ang baril.

Kaya, hayaan ninyong ulitin at idiin ko ang panawagan ni Relliza Lucena at LPP: “Panahon nang lumaban sa CPP-NPA-NDF!”  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More

25 PULIS-CAVITE TINANGGAL NI COL. SEGUN

BAKBAKAN NATIN

ANG paglilinis sa Philippine National Police (PNP) ay pangunahing adyenda ni General Oscar Albayalde upang matanggal ang mga opisyal at tauhan ng nasabing sangay ng pamahalaan na batugan, natutulog, sangkot sa iligal na droga at iba’t ibang gawaing kriminal.

Kaya, dapat lahat ng hepe ng iba’t ibang yunit ng PNP ay kumikilos upang malinis na ang hanay nito.

Ang alam kong masigasig sa paglilinis ay si Major General Guillermo Lorenzo Eleazar, direktor ng National Capital Region Police (NCRPO).

Ang maganda kay ­Eleazar ay wala itong pini-pili, sapagkat kahit na heneral ay tinatanggal niya sa puwesto basta nagkamali, nagkasala at umabuso ito sa kanyang kapangyarihan.

Maliban sa kanya, alam kong marami ring opisyal ang tumatalima sa direktiba ni Albayalde.

Isa na riyan si Col. William Segun, direktor ng PNP – Cavite.

Hindi lang nababalita nang husto sa media, sa PNP – Cavite pala ay mayroong 25 pulis ang ­tinanggal ni Segun sa puwesto.

Ang dahilan ay “natutulog habang nasa duty,” banggit ni Segun.

Ang desisyon ni Segun ay kapag inabutan niyang natutulog ang pulis sa loob ng istasyon ng pulisya sa kanyang pag-ikot, siguradong aalisin na niya ito sa puwesto.

Ang mabilis na pagkilos ni Segun laban sa mga batugang pulis ay kailangang-kailangan at siyang nararapat sa ­paglilinis ng PNP.

Kaya, hindi maipagkakailangang tama ang ginagawa ni Segun at direksyon na kanyang tinatahak tungo sa patuloy na pagsasaayos ng liderato ng PNP sa organisasyon ng pambansang pulisya.

Bukod sa pagsibak sa puwesto ni Segun sa 25 pulis, aktibo rin sa iligal na droga ang PNP – Cavite.

Kaya, kapag naging “PNP Chief” na si Eleazar, isa si Segun sa kanyang maaasahan. (BAKBAKAN NATIN /Nelson Badilla)

Please follow and like us:
Read More

MALIGAYANG KAARAWAN FPJ

BAKBAKAN NATIN

SIGURADONG ipagdiriwang ang kaarawan ni Fernando Poe Jr. (FPJ) ngayong araw (Agosto 20) kahit matagal na siyang namayapa.

Ito’y dahil napakaraming nagmamahal kay FPJ na itinuturing na “Hari ng Pelikulang Pilipino.”

Sa pagdiriwang ng kanyang ika-80 taong kaarawan, tiyak akong payak lamang ito, ngunit makabuluhan.

Dapat lang naman na ipagdiwang ang kaarawan ni “Da King” dahil hanggang ngayon buhay na buhay pa rin ang alaala ng nag-iisang hari ng pelikulang Pilipino sa kanyang milyun-milyong tagahanga at tagasuporta.

Kung nabubuhay si FPJ, marami pa siyang gagawing pelikula kahit nasa edad 80, sapagkat napakayaman ng kanyang utak at imahinasyon.

Ang mga millennial na halos hindi na rin inabutan si FPJ ay hindi maitatangging kilala rin ang Da King dahil sa mga sikat na pelikulang paulit-ulit na inilalabas sa telebisyon.

Paulit-ulit na ipinalalabas ang kanyang mga pelikula, sapagkat hindi maipagkakailang magaganda at makabuluhang lahat.

At patuloy pa ring tinatangkilik dahil hindi nakakaumay.

Bago pa sumikat bilang “Cardo Dalisay” si Coco Martin, pinasikat na ito noon nang todo-todo ni FPJ.

Hindi rin malilimutan ang mga bantog na linya ni FPJ sa pelikulang “Batas sa Aking Kamay” na “Hindi ako kumakain ng bigas, major. Sinasaing ko muna…”

Sa pelikulang “Iyo ang Tondo, Kanya ang Cavite” na “Kung sa Cavite hindi ka nagsisimba, dito sa Tondo magsisimba ka nang may bulak sa ilong.”

Ang sagutan nilang dalawa ni Sharon Cuneta na (Sharon): “Ang problema sa ‘yo ang aga mong ipinanganak!”

(FPJ): “Ang problema naman sa yo, huli ka na nang ipanganak,” sa pelikulang “Kahit Konting Pagtingin.”

Hindi rin malilimutan ang linyang: “Pinuno mo na ang salop judge, malapit na kitang kalusin” sa pelikulang “Kapag Puno na ang Salop.”

Ganoon din ang mga dayalogo nila ni Efren “Bata” Reyes, ang kilalang living legend ng billiards sa bansa, sa huling “Parkers,” ang huling pelikula ni FPJ.

Kaya, kahit wala na si FPJ ay hindi ako magtatakang mananatili siya sa isipan at puso ng mga Pilipino, sapagkat nag-iisa lang ang Fernando Poe Jr.

Kung nabubuhay pa ngayon si FPJ, tiyak na isa ako sa mga magtitiyagang makipagsiksikan sa mahabang pila makapanood lang ng bagong pelikula ni FPJ kaparis ng ginagawa ko noong bata pa ako na pumipila sa sinehan tuwing Pasko upang mapanood ang bawat yugto ng kanyang obrang “Ang Panday.”

Sa kanyang mga pelikula, maraming iniwang alaala si FPJ sa mamamayang Pilipino.

Nariyan ang pagkapit ng mahigpit at pagtindig sa tamang prinsipyo at paninindigan sa bawat pakikibaka at hamon sa buhay.

Kasama rin ang pagbibigay ng inspirasyon sa kanyang mga tagahanga kung papaano lumaban nang tama at matuwid laban sa mga mapang-api at makapangyarihang tao sa bansa.

Ang prinsipyong “hindi palulupig dahil sa ikaw ay mahirap” ay naging tatak ni FPJ para ang lahat ng mga api ay lumaban at manindigan nang tama sa buhay.

Dahil dito, naging bahagi na si FPJ ng buhay at puso ng napakaraming Pilipino.

Kaya, pihadong milyun-milyong Pilipino ang babati ng maligayang kaarawan kay FPJ ngayong araw. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More

TALAMAK ANG KORAPSYON SA DPWH

BAKBAKAN NATIN

NAKASASABIK ang iaanunsyo ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) tungkol sa dalawang miyembro ng gabinete ng administrasyong Duterte na iniimbestigahan ng ahensiya tungkol sa korapsyon.

Sabi ni PACC Commissioner Greco Belgica, nasa “final stage” na ang imbestigasyon laban sa dalawa.

Pinag-aaralan na lang ang “penalties” na ipapataw sa dalawa, tugon ni Belgica.

Sino kaya ang dalawang ito?

Syempre, hindi na kasama si Secretary Emmanuel Piñol, sapagkat lumitaw sa imbestigasyon ng PACC na hindi ito nagpayaman habang kalihim ng Department of Agriculture (DA).

Ang paglilinis sa pangalan ni Piñol ay nakasaad sa PACC Resolution No. 14, series of 2019 na inilibas nitong Hunyo 10 ng taong kasalukuyan.

Tinanggal na siya sa DA ni Pangulong Rodrigo Duterte at itinalagang hepe ng Mindanao Development Authority (MDA).

Ang alam kong napabalita sa media na iniimbestigahan ng PACC ay sina Secretary Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment (DOLE), Isidro Lapeña ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at National Commission on Indigenous People (NCIP) Chairman Leonor Oralde-Quintayo.

Ang kaso ni Lapeña ay may kinalaman sa ismagling ng P6.4 bilyong shabu.

Tungkol naman sa reklamong pangingikil ng P6.8 milyon sa Azizzah Manpower Services kaugnay sa pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa ang imbestigasyon ng PACC laban kay Bello.

Walang detalyeng nakarating sa media hinggil sa partikular na kasong kinasangkutan ni Quintayo.

Marahil, ito’y dahil sa hindi sikat na opisyal si Quintayo – ‘di tulad nina Piñol, Lapeña at Bello.

Masuwerte itong si Secretary Mark Villar, sapagkat hindi ito napapabalitang nasangkot sa anomang katiwalian at korapsyon simula nang maging kalihim ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH), samantalang alam ng publiko na talamak ang katiwalian at korapsyon sa DPWH.

Hindi naman tayo ipinanganak kahapon hinggil sa beteranong katiwaliang nangyayari sa DPWH.

Ang DPWH ay palaging pasok sa sarbey tungkol sa katiwalian at korapsyon sa pamahalaan.

Mayroon ngang balita dati na may ilang ‘matitikas’ na matataas na opisyal sa DPWH na hindi pwedeng “exempted” sa komisyon sa malalaking proyekto ng DPWH.

Kung wala mang reklamo ng katiwalian at korapsyon laban kay Villar, hindi nangangahulugang literal na wala ng katiwalian at korapsyon sa DPWH.

Kung hindi man isinasalang sa tinatawag na “lifestyle check” si Villar, hindi rin ibig sabihin na walang tiwali at korap na opisyal sa DPWH.

Tanungin natin sina DPWH – NCR Director Ador Canlas at Assistant Director Juby Cordon kung tama ako o mali.

Tanungin din natin sina DPWH – Region 4 – A Director Samson Hebra at Assistant Director Yolanda Tangco.

Sila ay pawang beterano na sa DPWH.

Ang mga opisyal at inhinyero sa DPWH ay kilalang-kilala ang mga beteranong kontraktor.

Magpapalit-palit man ng mga pangalan ng kompanya ang mga kontratistang ito ay pihadong malalaman ng mga opisyal at inhinyero sa DPWH ang mga ito.

Ang mga kontratistang ito ay sumasalang sa subasta bago manalo at makuha ang proyekto.

Dito na sa proseso ng pagsusubasta ng proyekto ng DPWH ‘niluluto’ ang korapsyon.

Dapat iniimbestigahan din ng PACC kahit hindi kasapi ng gabinete ni Duterte, sapagkat napapalitan at natatanggal ang mga miyembro nito alinsunod sa kagustuhan ng pangulo ng bansa.

Matanggal man ang isang kalihim ng kagawaran, hindi awtomatikong natatanggal ang katiwalian at korapsyon.

Tandaan, hindi awtomatikong napapalitan at natatanggal ang mga “career officer” ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. (BAKBAKAN NATIN / Nelson Badilla)

Please follow and like us:
Read More

WALANG KORAPSYON SA PORK BARREL

BAKBAKAN NATIN

MAHUSAY talagang magsalita si House Speaker Alan Peter Cayetano, sapagkat ang kanyang sinasabi ay madalas malamig sa tenga na akala mo’y totoo o labas lang sa ilong.

Katulad ng pinakabagong pahayag niya na “zero corruption” o walang korapsyon sa pork barrel patungkol sa mungkahing P4.1 trilyong badyet ng administrasyong Duterte para sa taong 2020.

Hindi ko alam kung ano ang konteksto o pinagtuntungan ng kanyang nakakikiliting panawagan sa 304 niyang kasamahan sa Kamara de Representantes – kung ito ba ay may kinalaman sa pork barrel sa badyet ngayong 2019 o pork barrel sa mga nakaraang badyet ng pambansang pamahalaan o batay sa kanya mismong karanasan bilang kongresista at senador.

Alam naman ng lahat na tatlong dating senador ang sinampahan ng kasong katiwalian, korapsyon at pandarambong kaugnay sa pork barrel.

Si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ang isa sa kanila na naabsuwelto sa isa sa kanyang mga kasong katiwalian at korapsyon.

Muling nanalong senador si Revilla nitong nakalipas na halalan.

Si Senador Joel Villanueva naman ay nahaharap din sa kasong katiwalian at korapsyon na nadiskubre ng Office of the Ombudsman sa kanyang pork barrel noong kinatawan pa siya ng Citizens’ Battle Against Corruption (CIBAC) sa Kamara.

Alam din ng lahat na ang pork barrel ay isa sa mga pinagkukunan ng ­karagdagang yaman ng mga mambabatas, ngunit wala pang kongresista at senador ang naparurusahan sa ­pangungurakot sa kanilang pork barrel.

Si Cayetano na kinatawan ng unang distrito ng lungsod ng Taguig at bayan ng Pateros sa mababang kapulungan ng Ika-18 ­Kongreso ay umapela sa kanyang mga kapwa ­kongresista na walang korapsyon sa pork barrel sa badyet ng pambansang pamahalaan para sa susunod na taon.

Ang kanyang pahayag ay pagtalima raw ng mga kongresista sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang korapsyon sa pamahalaan.

Sa mungkahing P4.1 trilyong badyet, aabot sa kabuuang P35.2 bilyon ang pork barrel o pondong ­isiningit sa mga proyekto ng mga mambabatas.

Sa naturang badyet, P100 milyon ang pork barrel ng bawat isa sa 305 ­kongresista at P200 milyon sa bawat isa sa 24 senador.

Sa P100 milyon ng kongresista, P70 milyon dito ay para sa “hard projects” o proyektong pang-imprastraktura (kalsada, tulay at kahawig na mga proyekto), samantalang ang P30 milyon ay para sa “soft projects” tulad ng proyekto sa edukasyon at tulong medikal.

Sa P200 milyon ng bawat senador, P100 milyon para sa hard projects at P100 milyon para sa soft projects.

Sa multi milyong ­salaping ito sa mga proyekto ng mga mambabatas, paano matitiyak na walang korapsyon ang kongresista at senador gayong hindi naman inilalantad sa publiko ang detalye ng gastos sa bawat proyekto?

Ang totoo, isang malaking hamon sa media ang pahayag ni Speaker Cayetano upang makatulong na hindi kukupitan ang ­bawat P100 milyon ng ­kongresista at P200 milyon ng bawat senador.

Kaya, isa ako sa magbaban-tay sa takbo ng pork barrel ng mga mambabatas. (BAKBAKAN NATIN / Nelson Badilla)

Please follow and like us:
Read More

HINDI INANGKIN NI GEN. ELEAZAR ANG TAGUMPAY NG NCRPO

BAKBAKAN NATIN

KAHIT sinong tao ay pihadong matutuwa kapag nakatanggap ng pagkilala at parangal, lalo na kung nagmula ito sa pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Tiyak, ipagmamalaki ang kanyang nagawa kung bakit siya nakatanggap ng parangal.

Ngunit, kakaiba si Major General Guillermo Lorenzo Eleazar.

Sa pagdiriwang ng ika-118 anibersaryo ng paglilingkod ng pulisya sa bansa, kinilala at pinarangalan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) bilang “Best Regional Police Office” mula sa napakara­ming regional police office ng Philippine National Police (PNP).

Ang nagbigay ng plake ng pagkilala at gantimpala sa pagiging “pinakamahusay na regional police office” ay mismong si Pangulong Rodrigo Duterte.

Natural, nagbigay ng pahayag si Eleazar sa nakamit na tagumpay ng NCRPO sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Ang maganda sa kanyang pahayag, hindi inangkin ni Gen. Eleazar ang tagumpay ng NCRPO.

Unang-una, kinilala ni Eleazar ang lahat opis­yal at kawani ng NCRPO bilang pagpapahalaga sa kanilang mga nagawa kung bakit “sa wakas” naging numero uno ang NCRPO.

“I commend all the officers, men and women of our different districts for a job well done. You do us proud and you ins­pire everyone to continue to raise the bar of excellence in the performance of your tasks, our tasks. I congratulate you all,” tugon ng heneral.

Karamihan ng pulis na kabilang sa iba’t ibang yunit ng NCRPO, kundi man lahat, ay mayroong ginawa upang matugunan ng NCRPO ang kanyang gawain, tungkulin at obligasyon sa bawat pamayanan, residente at negos­yante sa labing-anim na lungsod at isang bayan sa Metro Manila.

Sila ang naging sandigan at dahilan ng pamumuno ni Eleazar sa NCRPO.

Sila ang pinagsilbihan ng NCRPO sa ilalim ng liderato ni Eleazar.

Pinasalamatan din niya si Duterte dahil sa “vision he has for our country – a drug free country that shall be capable to stand on its own one day.”

“By zeroing in on the illegal drug trade as a priority of his administration, President Duterte is the first president of our republic to have a diffe­rent and unique platform upon which everything else should follow and fall into place – peace and order, economic development and ultimately self-sustainability. For sure, in the area of peace and order, our President is pro­ving himself absolutely correct,” saad ni Eleazar.

Pinasalamatan din niya ang pangulo sa pagtataas nito ng sahod ng mga pulis.

Ganito ang banggit ni Eleazar tungkol sa bagay na ‘yan: “By rai­sing our salaries and allowances, he gave us the chance to lessen the financial stress among our personnel, thereby impro­ving every police officer’s productivity. In Metro Manila, where the cost of living is higher than most regions, the salary adjustment is very meaningful. But most of all, in increasing our salaries, the President re-instilled the pride and self-respect of all members of the PNP,” wika niya.

Tinukoy din niya ang nagawa ni dating pambansang pinuno ng PNP sa pagsasabing “former PNP Chief and now Senator Ronald “Bato” dela Rosa, whose task was to launch the war against illegal drugs – a first in our country. His firm resolve to make sure that the war against illegal drugs does not flop in an early stage [wa]s another significant step that… led to this milestone for NCRPO.”

Pinahalagahan din niya ang paglulunsad ni General Oscar Albayalde ng “internal cleansing” sa PNP.

Sa paglilinis sa PNP, walang dudang si Eleazar ang katangi-tangi sa aspetong ito, sapagkat siya lang ang heneral at hepe ng isang pang­rehiyong tanggapan ng PNP ang naging tapat, seryoso at mapagpasyang nagtanggal ng mga pulis na kriminal kung mag-isip at kumilos.

Hindi siya nagdalawang-isip na sibakin sa puwesto ang mga pumalpak na mga hepe ng mga police station.

Kahit heneral at bata ni Albayalde ay tinanggal ni Elea­zar sa puwesto.

Ang tinutukoy ko ay si Brig. Gen. Christopher Tambungan na tinanggal ni Eleazar sa pagiging direktor ng Eastern Police District (EPD) makaraang mapatunayang sinaktan nito ang isang babaeng pulis.

Hindi rin niya binalewala at kinaligtaan ang media.

Ani Eleazar: “I wish to share this award with all our Media friends. It is our Media friends who helped me project to our people, that hey, there is a new PNP evolving, one that will truly serve and protect you.”

“It is our Media friends who help reincarnate in the hearts of our Filipino people, their trust and confidence in their policemen so that now, our people are more cooperative in giving information and reports that lead to faster crime solution. This is why Crime is continually on the descent.”

“Through all these, it is our Media friends who are finally telling the people, the President was right, and continues to be right after all. The beauty of this is that the people really feel the positive changes in peace and order in their daily lives,” paliwanag ng heneral.

Kinilala rin ni Eleazar ang mga pamahalaang lokal at mga residente sa Metro Manila na nagpamalas ng “increasing faith and trust in NCRPO.”  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More

AKSYON NI MAYOR ZAMORA

BAKBAKAN NATIN

ISA sa mga ‘isinilang’ na alkalde nitong nakalipas na halalan ay si Francis Zamora.

Tinalo niya si Konsehala Janella Estrada, anak ni dating Senador Jose “Jinggoy” Estrada at apo ni dating Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sa pagkaalkalde ng lungsod ng San Juan, balwarte ng pamilya Estrada-Ejercito simula noong 1969 hanggang nitong Mayo 13, taong ito.

Sa kanyang pag-upo bilang alkalde ng San Juan, sigurado akong mayroon nang ginawa si Zamora, ngunit hindi lang naibabalita araw-araw sa media at naipakakalat sa social media.

Isa sa mga ginawa na ni Zamora ay ang paglalabas ng Executive Order No. FMZ – 007 na ang pamagat ay “An Order Suspending Pay Parking in All the Streets of the City of San Juan, Metro Manila.”

Ang EO FMZ – 007 ay pagtalima ni Zamora sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na angkinin ng pamahalaan ang lahat ng pampublikong lugar at espasyo mula sa mamamayan at mga negosyanteng pinagkakitaan ang mga ito.

Sa pag-isyu ng kautusan, aabot sa P2.5 milyon ang mababawas sa kita ng pamahalaang lokal ng San Juan kada buwan mula sa nakukolekta nito sa mahigit 300 parking slots sa mga kalsada ng lungsod.

Sabi ni Zamora, isasakripisyo ng kanyang administrasyon ang P2.5 milyon na magreresulta naman sa mabilis na daloy  ng mga sasakyan at makaaalis ng stress sa mga motorista.

Totoo ang puntong ito ni Zamora, sapagkat higit na mainam ang desisyon niya kahit nabawasan ang kita ng pamahalaang lokal ng ilang milyon kung ang kapalit naman nito ay karagdagang kita sa ekonomiya dahil bibilis ang takbo ng mga sasakyan at mawawala ang trapik na dahilan kung bakit stressed ang mga motorista.

Ulitin ko ang banggit ni Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 22 na P3.5 bilyon ang halaga ng perang hindi pumapasok sa ekonomiya ng bansa dulot ng napakalalang trapik sa National Capital Region (NCR).

Isa sa mga tinamaan ng kautusan ng alkalde ay ang Annapolis Street.

Syempre, inaasahan ng lahat, kasama na ang kolumnistang ito, na ipatutupad ng mga traffic enforcer ang nasabing EO FMZ – 007.

Ang totoo, dito magkakasubukan kung istriktong maipatutupad ang nasabing kautusan, lalo pa’t mayroon palang tatamaang mga negosyante.

Ang mga negosyanteng ito ay pinagkakakitaan pala ang mga bangketa na pag-aari ng pamahalaan.

Sa pagpapatupad ng nasabing kautusan sa pangunguna mismo ni Mayor Zamora nitong Agosto 5 ay nadiskubreng pinagkakakitaan ng mga may-ari ng ilang establisimyento ang bangketa ng Annapolis Street.

Base sa isiniwalat ng negosyanteng si John de Castro sa media, P5,000 bawat buwan ang ibinabayad niya at ng mga nakatira sa Richbelt Terraces sa paggamit ng bangketa sa harapan ng gusali na ito at iba pang bayarin.

Ang bangketa sa harapan ng Richbelt Terraces ay pampublikong lugar, ngunit pinagkakakitaan ng mga negosyanteng tulad ng mga nagmamay-ari ng Richbelt Terraces kung sa kanila nga napupunta ang ibinabayad ni de Castro at iba pang tenants ng gusali.

Napakalinaw na labag ito sa batas, ngunit napakalinaw ring pinagkakakitaan ang mga bangketa.

Ang tanong ngayon ay: “Ilan lahat ang mga kaparis ng Richbelt Terraces na pinababayaran kada buwan ang kanilang bangketa sa mga naninirahan sa nasabing condominium?”

Kailangan ang mapagpasyang hakbang dito ni Mayor Zamora.

Kailangang kumilos din dito ang Sangguniang Panlungsod na pinamumunuan ni Vice-Mayor Warren Villa, lalo pa’t nasaksihan at narinig niya mismo ang inihayag ni De Castro sa media na P5,000 ang ibinabayad niya sa bangketang katapat ng Richbelt Terraces upang regular na makaparada ang kanyang sasakyan sa nasabing bangketa.

Ngayong mabilis na umaksyon si Mayor Zamora upang matanggal ang mga sagabal sa mga kalsada ng San Juan, ano kaya ang susunod niyang hakbang laban naman sa mga negosyanteng pinagkakakitaan ang mga lugar at espasyong pag-aari ng pamahalaan?

Malalaman natin sa mga susunod na araw.  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More

P55.7B GAMOT NAKAIMBAK SA MGA BODEGA NG DOH

BAKBAKAN NATIN

ANO ba talaga ang ginagawa ng pamunuan ng Department of Health (DOJ) sa salapi ng mamamayan na inilalaan dito ng Kongreso taun-taon?

Isa sa mga gawain ng DOH na nilalagyan ng pondo ay ang mga gamot nitong ipinamamahagi sa mahigit 42,000 barangay sa bansa at daan-daang pampublikong pagumutan.

At hindi maliitan ang perang ito, kundi bilyun-bilyon ang halaga.

Makikita naman ito sa rekord ng DOH at maging sa General Appropriations Act (GAA) na ipinapasa ng Kongreso kada taon.

Ngunit, bilyun-bilyong salapi ng mamamayan ang nasasayang kada taon dahil nakaimbak lamang ang mga gamot ng DOH sa kanilang mga bodega.

Sa datos na inilabas ng Commission on Audit (COA), umabot ito sa kabuuang P55,700,000,000 mula 2015 hanggang 2018.

Isa-isahin natin: P10 bilyon noong 2015; P11.3 bilyon nang sumunod na taon; umakyat pa sa P16 bilyon noong 2017; hanggang sa naging P18.4 bilyon noong 2018.

Batay sa ganitong pangyayari, naniniwala ang COA na tataas pa ito ngayong taon at sa mga susunod pang taon.

Maliban sa nasabing halaga, nadiskubre rin ng COA para sa taong 2018 ang P30 milyong halaga ng mga gamot na ipinamahagi na sa iba’t ibang institusyon para sa development ng kalusugan, mga bahay-rehabilitasyon at mga pampublikong pagamutan ang “expired” na.

Bukod sa nasabing P30 milyong halaga ng expired na mga gamot nitong 2018, P367.1 milyong halaga ng mga gamot na nadiskubre ng COA na malapit nang mawalan ng bisa.

Totoong malaking suliranin ng pamahalaan ang nasasayang na mga gamot na bilyun-bilyon ang halaga na matagal na ring nangyayari sa DOH.

Nakababahala ito, sapagkat napakaraming maaaring paggamitan ng P55.7 bilyon, ng P30 milyon at P367.1 milyon.

Tiyak mayroong problema rito, sapagkat hindi magkakaganito taun-taong kung wala.

May problema sa dami ng pare-parehong klase ng mga gamot na inihahanda ng DOH para ipamahagi sa parehong mga institusyong pangkalusugan sa buong bansa.

Magbibigay ako ng sitwasyon baka makatulong.

Halimbawa, sa 28 barangay sa Lungsod ng Taguig, ilang tao ang nabibigyan ng mga gamot tulad ng metformin, losartan, amlodipine, simvastatin at iba pa kada buwan?

Dumarami ba ito bawat buwan o nababawasan ang dossage?

Ilan ang sumasailalim sa anim na buwang gamutan ng tuberculosis bawat barangay?

Dumarami ba ito o hindi?

Naibibigay ba ang lahat ng gamot na kailangan ng mga taong kailangan ng “maintenance” dahil sa kanilang sakit tulad ng diabetes, sakit sa puso at iba pa.

Anu-ano ba ang mga mahal na gamot na hindi naibibigay ng bawat barangay, ngunit maraming nakaimbak sa mga bodega ng DOH?

Sa nag-iisang pampublikong pagamutan ng Taguig, anu-ano ba ang mga gamot na madalas ibigay ng mga doktor?

At anu-ano ang hindi, sapagkat walang ibinigay ang DOH.

Kailangang nakamapa kada buwan ang bilang ng mga bibigyan ng mga gamot bawat buwan ng iba’t ibang klaseng gamot upang matukoy kung ilan ang popondohan ng DOH.

Matrabaho ito, ngunit kailangan upang mabawasan kundi kayang matuldukan ang suliranin sa labis-labis na mga gamot na bilyun-bilyon ang halaga ang nasasayang, sapagkat nakaimbak nga ang mga ito sa mga bodega ng DOH.

Ang P10 bilyon hanggang P18.4 bilyon ay napakalaking halaga upang tustusan ang mga gamot na kailangan bawat buwan ng mga pasyenteng nakararanas ng depresyon, bipolar at kahawig na mga sakit.

Napakamahal ng mga gamot ng mga pasyenteng mayroong ganitong karamdaman.

Tapos, napakamahal din ng bayad sa ospital at doktor.

Ngunit, hindi ito maibigay nang libre ng pamahalaan, partikular ng DOH.

Sa nabibiling gamot ng DOH sa mga kompanya ng mga gamot, bilang ng mga pasyente at pamamahagi lang ba may problema rito o mayroong kumikita rito, kaya palaki nang palaki ang halaga ng mga gamot na nasasayang?

Napakaraming isyung dapat halukayin, busisiin, sipatin at alamin upang matumbok ang puno’t dulo nito.

Upang matukoy kung ginagawang ‘gatasan’ ang pondo ng DOH para sa mga gamot.

Malalaman natin kung masasagot ang napakaraming katanungan at pagdududa sa nagaganap na kalokohan sa DOH tungkol sa paglalagay ng bilyun-bilyong halaga ng mga gamot sa kanilang mga bodega sa isasagawang imbestigasyon ng Senado, alinsunod sa resolusyong inihain ni Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara.  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More

TULDUKAN ANG BENTAHAN NG ILIGAL NA DROGA SA BASECO COMPOUND

BAKBAKAN NATIN

MASUSUBUKAN ang galing ng Philippine Drug Enforcement Agency (PNP) at Manila Police District (MPD) kung kaya ng dalawang armadong yunit na ito ng pamahalaan na tuldukan ang bentahan ng iligal na droga at adiksyon sa Baseco Compound sa Maynila.

Nasabi ko ito, sapagkat mahigit na tatlong taon ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga, ngunit hanggang ngayon ay nananatiling talamak ang bentahan ng shabu sa Baseco Compound.

Ang pitong araw ay utos ni Manila Mayor Isko Moreno sa PDEA at MPD upang malinis na ang Baseco Compound na tinawag niyang “most drug-affected area” sa Maynila.

Ang Maynila ay kabisera ng Pilipinas simula pa noong panahon ng pananakop at paghahari ng Kastila sa Pilipinas.

Sabi ni Moreno, bukod sa talamak na bentahan ng droga ay mayroon ding mga residente sa Baseco Compound na mayroong sariling mga baril.

Ayon sa direktor ng PDEA sa National Capital Region na si Joel Plaza, “in between moderately and seri-ously drug-affected” ang suliranin sa iligal na droga sa Baseco.

Ibinunyag din ni Plaza na mayroon ilang opisyal sa mga barangay na nakasasakop sa Baseco Compound ang sangkot sa bentahan ng iligal na droga.

Sino kaya ang mga hinayupak na ito?!

Malalaman natin sa susunod na mga araw makaraang tiyakin ni Plaza na kikilos ang PDEA bilang pag-talima sa utos ng alkalde.

Abangan din natin kung kikilos ang MPD na nasa ilalim ng liderato ngayon ni Brig. Gen. Vicente Danao Jr. upang ‘makalaya’ na ang Baseco Compound mula sa iba’t ibang krimen.

Ang problema sa MPD ay ‘malamya’ ang pagkilos nito laban sa mga iligal sa Baseco Compound kahit maging si Danao na ang direktor ng MPD.

Ang balita kasi ay matindi raw si Danao noong nakadestino pa siya sa Davao City.

Ngunit, nang mapuwesto sa MPD ay hindi naman ito nakita at napatunayan ng mga taga-Maynila na malambot din ito pagdating sa iligal na sugal sa Baseco Compound tulad ng video karera machines.

Marami sa VK operation na ito ay hawak ng mga pulis.

Pero, ang sabi sa akin ng ilang kaibigan sa Maynila ay literal na wala nang iligal na sugal sa lungsod.

Ganoon ba?!

E, ano itong nabalitaan kong patuloy ang EZ2, Pic 2 at Ending ng mag-asawang alyas

“Sonny” at alyas “Medi.”

Tapos, sa likuran pa ng Police Station 7 nagrerebisa.

Gusto nating tuluyang matigil na ang iligalidad ng dalawa, lalo pa’t nasa likuran lang daw ng PS – 7 ang pagrerebisa.

Gusto nating maganap ang utos ni Moreno na matuldukan na ang iligal na droga sa Baseco Compound para ikabubuti ng mga residente sa nasabing pamayanan, lalo na ng mga bata.

Ngunit, mas mainam ang gagawing paglilinis sa Baseco Compound kung mahuhuli ng mga operatiba ng PDEA at MPD ang mga drug lord at kanilang mga protektor.

Magiging walang saysay ang operasyon ng PDEA at MPD kung maliliit lang na tulak at adik ang masasakote nila, sapagkat nangangahulugang magpapatuloy lang ang bentahan at adiksyon sa Baseco Compound.  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More

ONG KING GUAN BAYARAN MO NG P1.44M ANG MGA MANGGAGAWA NG KENTEX!

BAKBAKAN NATIN

NAIBALITA, ngunit hindi naging patok na paksa sa social media ang desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng 57 manggagawa ng Kentex Manufacturing Corporation.

Mas nabanggit pa ang inihain uli ni Senador Joel Villanueva na napakapalpak niyang panukalang batas hinggil sa kontraktuwalisasyon na pabor na pabor sa mga kapitalista.

Ang desisyon ng mataas na korte sa kaso ng Kentex ay pabor sa mga manggagawa, sa pagkakataong ito.

Ayon sa Korte Suprema, dapat bayaran ni Ong King Guan, general manager at finance officer ng Kentex Manufacturing Corporation, ng P1.44 milyong sahod at iba pang benepisyo ang 57 manggagawa ng Kentex na bahagi ng 72 manggagawang nasunog nang maipit sa nasusunog na pabrika ng nasabing pagawaan ng mga tsinelas sa lungsod ng Valenzuela noong Mayo, 2015.

Sa naturang desisyon, idiniin ng korte na mali ang hatol ng Court of Appeals (CA) noong Marso 27, 2017 dahil inalis nito ang pananagutan ni Ong King Guan sa hindi tamang pagpapasahod at pagbibigay ng mga benepisyo sa mga manggagawa sa Kentex.

Banggit ng Korte Suprema, “[CA has] committed serious error when it ordered the discharge or release of Ong from the obligations of Kentex,”sapagkat ang desisyon ng Department of Labor and Employment – National Capital Region (DOLE-NCR) noong Hunyo 26,2015 ay “already final and executory.”

“Indeed, the DOLE-NCR took no action at all on Ong’s motion for reconsideration; in fact, it categorically informed Ong that his resort to the filing of a motion for reconsideration was procedurally infirm. The June 26, 2015 Order having become final, it could no longer be altered or modified by discharging or releasing Ong from his accountability,” tugon ng mataas na korte.

Ang sahod lamang ng mga manggagawa sa Kentex ay P202.50 kada araw.

Pokaragat na ‘yan!

Suweldo bang makabubuhay ang tawag sa P202.50 bawat araw?!

Kaya, ang pinakamahusay na dapat gawin ni Ong King Guan ay bayaran ang 57 manggagawa ng Kentex Manufacturing Corporation ng P1.44 milyon.

Sa pagkapanalo ng mga manggagawa, hangad nilang manalo rin ang kasong isinampa nila sa ilang opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) at mga opisyal ng Kentex kabilang ang general manager at finance officer na si Guan sa Valenzuela City Regional Trial Court.

Humihingi ang mga pamilya ng mga biktima ng P2 milyong bayad sa bawat namatay na manggagawa at P7.5 milyon para sa “moral and exemplary damages in the civil case.”

Sumulong at lumaban kayong mga manggagawa ng Kentex laban sa mga umapi at nanamantala sa inyo hanggang sa makamit ninyo ang lahat ng inyong kagustuhan.

Sa inyong patuloy na paglaban, makakamit n’yo rin ang katarungan na ipinagkait sa inyo ng mga may-ari ng Kentex Manufacturing Corporation.

PALITAN NA ANG WARDEN NG QCJ!

POR dios, por santo!

Natakasan ng dalawang “persons deprived of liberty” (PDL) ang Quezon City Jail (QCJ) na pinamumunuan ni Supt. Ike Enriquez.

Ang mga nakatakas noong Sabado bandang 4:00 ng umaga ay sina Mamerto Valenzuela at Dennis Valdez.

Nahaharap sa kasong panggagahasa si Valenzuela, samantalang hinggil sa iligal na droga ang asunto ni Valdez.

Ayon sa imbestigasyon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), tumakas ang dalawa sa pamamagitan ng pagdaan sa drainage system ng QCJ na lumabas sa manhole.

Biyernes na ngayon, hindi pa rin nadadakip sina Valenzuela at Valdez.

Noong Marso, bago maghalalan ay itinalaga ng direktor noon ng BJMP na si Chief Supt. Deogracias Tapayan si Enriquez kapalit ni Supt. Ermilito Moral.

Mula noong naluklok si Enriquez, marami nang nangyayaring hindi maganda sa QCJ na isa sa mga dahilan kung bakit nasisira ang imahe ng BJMP kahit anong gawing hakbang ng kasalukuyang direktor nito na si Chief Supt. Allan Iral.

Una, nagrereklamo ang mga PDL sa hindi makatao umanong pamamalakad sa QCJ tulad ng pagbibigay ng pagkaing masasabing hindi pagkain ng tao.

Pangalawa, nagrereklamo rin ang mga jail officer dahil hindi ayos ang kanilang allowance – ‘di tulad noong panahon ni Moral na hindi lang ayos, kundi ayos na ayos.

Ikatlo, may nahuli nang PDL na nakuhaan ng iligal na droga.

Ikaapat, matagal na umalingasaw ang mabahong amoy galing sa loob ng QCJ bago ito ipinalinis ilang linggo na ang na-kalilipas.

At ang ikalima ay ang pagtakas ng dalawang PDL.

Totoong wala pang pumuputok na balita hinggil sa katiwalian at korapsyon sa QCJ sa panahon ni Enriquez, ngunit napa-karaming dahilan na ang nakasisira sa QCJ, sa partikular, at sa BJMP, sa pangkalahatan, simula noong maupo si En-riquez.

Kaya, tingin ko’y dapat nang tanggalin si Enriquez sa QCJ.

Wala akong masamang tinapay kay Enriquez, sapagkat wala naman siyang personal na kasalanan upang batikusin ko ang kanyang pamamalakad.

Trabaho ko bilang kolumnista na magpahayag ng aking pananaw sa ngalan ng malayang pamamahayag.

Naniniwala akong higit na magiging epektibo si Enriquez sa tanggapan sa BJMP – NCR kaysa manatili siya sa QCJ. (BAKBAKAN NATIN / Nelson Badilla)

Please follow and like us:
Read More

P213.3 – B CAVITE LRT LINE PROJECT MAPUPUNTA SA KOMPANYA NG PAMILYA VILLAR

BAKBAKAN NATIN

BAHAGI ng pagkakamit ng tagumpay ang pagbagsak sa ilang pagkakataon sa buhay ng kahit sinong nilalang.

Ang madalas ngang banggitin ng mga dalubhasa sa larangan ng “pamamahala” at “liderato” ay walang tagumpay kung hindi pumalpak o bumagsak.

Alam kong alam ito ni dating Senate President Manny Villar na hindi nakamit ang kanyang pangarap na maging pangulo ng Pilipinas matapos matalo sa halalan noong 2010 kina Benigno Simeon Cojuangco Aquino III at Joseph Estrada.

Ngunit, nakaporma naman nang husto hindi lamang si Villar, kundi ang kanyang pamilya ngayong panahon ni Pangulong Rodrido Duterte.

Ang kanyang maybahay na si Senadora Cynthia Villar ay muling nanalong senador nitong nakalipas na halalan.

Ang matindi ay nanguna sa pagkasenador si Villar.

Dahil dito, may kumalat agad na balita na tatakbong pangulo si Cynthia Villar sa 2022.

Ibig sabihin ba nito iaatras ng pamilya Villar ang orihinal nilang plano na patakbuhing bise-presidente si Mark Villar matapos itong italaga ni Duterte bilang kalihim ng Department of Public Workers and Highways (DPWH)?

Ang kanyang anak na si Camille Villar ay nagwagi namang kongresista para sa Las Piñas.

Kahit walang posisyon sa pamahalaan si Manny, nananatili siyang tagapangulo ng Nacionalista Party (NP).

Si Manny rin ang boss ng Villar Group of Companies.

Isa sa mga kompanya ng pamilya Villar ay ang Prime Asset Ventures Inc. (PAVI).

Ayon sa balita, seryoso ang PAVI na makakuha ng proyekto sa ilalim ng programang Build, Build, Build (BBB) ng administrasyong Duterte.

Sa pamamagitan ng PAVI, puntirya ng pamilya Villar na makuha ang P213.3 bilyong halaga ng proyektong Cavite LRT Line project.

Binubuo ito ng Cavite LRT Line 6-A na may halagang P56.3 bilyon at Cavite LRT Line 6-C at Sucat Line 6-B na P157 bilyon ang halaga.

Mukhang ibibigay ito ng DPWH dahil si Mark Villar ang hepe ng naturang ahensya.

Masama ba kung makuha ng pamilya Villar ang multi bilyong proyekto habang ang anak nina dating pangulo ng Senado na si Manny Villar at Sendora Cynthia Villar at kapatid ni Rep. Camille Villar na si Sec. Mark Villar ang kalihim ng DPHW?

Mayroon bang katiwalian at korapsyon kung sakaling ibigay sa PAVI ang proyektong P213.3 bilyon ang halaga?

Kayo na ang sumagot.

Basta ang alam ko ay ang DPWH ang nagpapatupad ng programang BBB ng administrasyong Duterte.

Ang milyun-milyon hanggang bilyun-bilyong halaga ng mga proyektong pasok sa BBB ay naglalayong pabilisin ang pagsulong at pag-angat ng ekonomiya sa maraming panig ng bansa.

Napakalaking halaga ang ginagamit na pondo sa bawat proyekto kung saan ang iba ay galing sa pondo ng pamahalaan at inutang sa mga bangko at pampinansiyang institusyon.

Kaya, sana walang maganap na katiwalian at korapsyon mula simula hanggang dulo ng bawat proyekto.

DRUG-FREE NA ANG BRGY. MANGGAHAN SA LUNGSOD NG PASIG!

ISA sa mga notoryus na barangay sa lungsod ng Pasig ang Brgy. Manggahan kung iligal na droga ang pag-uusapan.

Isang alyas “Jojo” ang balitang-balita na tulak sa barangay na ito.

Ngunit, hindi pa nahuhuli ng mga pulis, sapagkat mayroong ‘nangangalaga’ at ‘nagpoprotekta’ kay Jojo.

Ang tagapangalaga at tagaprotekta ni Jojo ay mayroon umanong mataas na posisyon sa Brgy. Manggahan.

Pokaragat na ‘yan!

Madalas pagbagsakan ng shabu ni Jojo ay ang Napico.

Kahit masigasig ang mga pulis sa Pasig laban sa iligal na droga ay hindi matapus-tapos ang bentahan at adiksyon sa nasabing barangay.

Hindi rin masukul-sukol si alyas Jojo.

Kaya, mayroong mga nagugulat sa deklarasyon ni Kapitana Shiela de Asis na “drug-free” ang Barangay Manggahan.

At mukhang mapatutunayan raw ito sa pamamagitan ng kanyang kaibigang si Aida Concepcion ng Anti-Drug Council.

Si Concepcion ang naghahanda ng mga kaukulang papeles na “opisyal” maidedeklarang drug-free ang isang barangay sa Pasig.

Maganda kung literal na walang tulak ng droga at adik sa Brgy. Manggahan at marami pang barangay sa Pasig, sapagkat nangangahulugang matagumpay ang adyenda ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga sa naturang barangay.

Ngunit, napakalaking panloloko sa publiko at pamahalaang lungsod kung ipipilit na malaya na sa iligal na droga, samakatuwid, ligtas na sa kasamaaan ang kahit anong barangay sa Pasig, kabilang na ang Manggahan na pinamamahalaan ni De Asis, kapalit ang P500,000 pabuya mula sa pamahalaang lungsod.

Sinu-sino ang makikinabang at maghahati sa P500,000 upang igiit na drug-free ang Brgy. Manggahan, samantalang talamak pa rin ang bentahan at adiksyon sa nasabing lugar?

Kailangang iparebyu at paimbestigahan ni Mayor Ma. Regis “Vico” Sotto ang pabuyang P500,000 sa mga drug-free na barangay sa lungsod.

Ang proyektong ito ay nagsimula sa natalo sa pagkaalkalde na si Robert “Bobby” Eusebio.  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More

IMPLEMENTASYON NG MGA BATAS-PAGGAGAWA ANG KAILANGAN

BAKBAKAN NATIN

MALINAW na ang lahat na si Pangulong Rodrigo Duterte ay wala talagang balak maisakatuparan ang isa sa kanyang mga pangako noong nangangampanya pa siyang maihalal na pangulo ng Pilipinas noong eleksyong 2016 matapos niyang ‘barilin at patayin’ ang mungkahing Security of Tenure and End of Endo Act of 2018.

Dahil sa ginawa  niya, tiyak akong hindi paninirang puri kay Duterte kung babansagan siya ng mga organisadong manggagawa na “makakontraktuwalisasyon.”

Alam naman ng mga lider-manggagawa na tulad nina Wilson Fortaleza ng Partido Manggagawa (PM) at Atty. Jose Sonny Matula ng Federation of Free Workers (FFW) na napakaraming butas ng panukalang batas para matiyak ang regularisasyon sa trabaho ng mga manggagawang kontraktuwal ang kalagayan, ngunit nanawagan pa rin sila kay Duterte na aprubahan ito upang maging ganap na batas.

Mula sa nasabing ‘batas,’ itutuloy pa rin ng PM, FFW at iba pang organisasyon ng mga manggagawa na kabilang sa Nagkaisa Labor Coalition na pinamumunuan din ni Matula ang laban upang ang Ika-18 Kongreso ay palakasin pa ang depektibong Security of Tenure and End of Endo Act of 2018.

Kaso, binaril at pinatay nga ito ni Duterte.

Higit na pinakinggan ni Duterte ang mga Pilipino at dayuhang kapitalista at economic managers niyang sagad-saring makakapitalista tulad ni National Economic Development Authority (NEDA) Secretary Ernesto Pernia.

Naniniwala si Duterte na “the sweeping expansion of the definition of labor-only contracting destroys the delicate balance and will place capital and management.”

Wala namang dapat ikagulat sa ginawa ni Duterte, sapagkat lahat ng mga naging pangulo sa bansa mula kay Emilio Aguinaldo hanggang kay Benigno Simeon Cojuangco Aquino III ay pumanig, nanindigan at ipinagtanggol ang mga kapitalistang Pilipino at dayuhan.

Kaya, isang malaking kabalbalan kung naniniwala tayong mga Pilipino na magiging kakaiba si Duterte sa lahat ng mga naging pangulo ng bansa.

Ayon sa mga kapitalistang tulad ni Sergio Ortiz – Luis Jr., pangulo ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) at Philippine Exporters Confederation, Inc. (PECI), maraming batas para matigil ang napakatalamak na kontraktuwalisasyon sa Pilipnas.

Ang tinutukoy niya ay ang Labor Code of the Philippines, Department of Labor and Employment – Department order No. 174 (DOLE – DO 174) at Executive Order No. 51 (EO 51).

Idiniin ni Ortiz-Luis at mga kaparis niyang lider ng mga kapitalista na ang ipinasang Security of Tenure and End of Endo Act of 2018 ng Ika-17 Kongreso ay kaparehas lamang ng mga nilalaman ng Labor Code, DOLE – DO 174 at EO 51.

Kaya, hindi na kailangan ang bagong batas, sapagkat sa naturang tatlong batas ay “patay na” ang kontraktuwalisasyon sa Pilipinas, pahayag ni Ortiz -Luis.

Iginiit din ng mga tulad ni Ortiz – Luis na ang kailangang gawin ay “istriktong implementasyon” ng mga batas.

Solidong kinatigan ito ng napakaraming organisasyon ng mga kapitalista, kabilang ang mga samahan ng mga dayuhang namumuhunan sa bansa tulad ng American Chamber of Commerce.

Sa isang banda, tama si Ortiz – Luis, sapagkat ang nilalaman ng Labor Code, DOLE – DO 174 at EO 51 ay nagmula sa nakasaad at ipinag-utos ng Saligang-Batas sa pangulo ng Pilipinas, mga opisyal ng pamahalaan, mga mambabatas at kapitalista na protektahan ang mga manggagawang Pilipino.

Ibig sabihin, walang kontraktuwalisasyon, sapagkat hindi protektado ang mga manggagawa sa ganitong sistema.

Kung tapat at seryoso si Ortiz – Luis sa kanyang pananaw, magkusa ang ECOP at PECI na makipagtulungan sa mga lider-manggagawa upang maisakatuparan ang lahat ng probisyon ng Labor Code, DOLE – DO 174 at EO 51 upang totoong “mamatay na” ang kontraktuwalisasyon sa Pilipinas.

Tingnan natin kung totoo ang itinambol ni Ortiz-Luis at iba pang mga kapitalista sa media.  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More