PUNDASYON NG BUHAY (2)

STEEL-1

TINIMBANG NGUNIT KULANG…

(NI MAC CABREROS)

NOON, hiniling ng Philippine Iron and Steel Institute (PISI) sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na harangin ang pagpasok sa Pilipinas ng tunawan ng bakal upang walang daya ang ginagamit sa pagtatayo ng  ng mga gusali at mga bahay subalit hanggang ngayon ay wala pang aksyon dito ang pamahalaan.

Batid ng grupo ni Mr. Roberto M. Cola, pangulo, na ang naturang hurno, saan ditiaogang sa China, ay walang sapat na kontrol sa sangkap at timpla sa paggawa ng bakal. Dito, hindi tiyak ang kalidad ng produkto.

May punto talaga, kung mahinang klase ang isang produkto, madaling masira. Ang resulta: peligro o trahedya.

Nagtagumpay ang China na ‘malusaw’ ang paggamit ng hurno sa kanilang bansa. Ngunit, malaking problema naman ang kinakaharap ngayon ng mga bansang pinagtambakan ng hurno katulad ng Pilipinas, Vietnam, Thailand, Indonesia, Malaysia at Myanmar (dating Burma). ‘Kinagat’ ng mga gumagawa ng bakal sa nabanggit na lugar at binili ang mga hurno dahil mura ang mga ito.

“’Yan ang problema ngayon,” deklara ni  Cola at binanggit na hindi construction-grade ang mga bakal na gawa sa hurnong galing China.

Ipinpursige ng grupo na gumamit ng electric arc imbes ang nasabing  hurno kung gustong masigurong de kalidad ang produktong bakal.

“In electric arc, there is a refining process while you melt the scrap that removes its impurities,” inihayag Ronald Magsajo, statistics committee chairman ng PISI.

Base sa ulat ng Glo­bal Steel Trade Monitor, umangkat ang Pilipinas ng 9.1 million metric tons ng bakal noong nakaraang taon.

Inihayag ng mga eksperto na hindi lamang sa panig ng mga manufacturer lalo ang gumagamit ng induction furnace ipupukol ang problema. Maari ring kagagawan ito ng mga mapagsamantalang negosyante gaya ng mga retailer. Inihahalo ang mahinang klaseng bakal sa magagandang klase na nagmumula sa ibang bansa.

Parang katulad rin ng ginagawa sa NFA rice na may suggested retail price na P27/kilo ay inihahalo sa magandang klase para maibenta ng mas mataas na presyo upang kumita ng malaki. Baga, tiba-tiba ang kita.

Puwede ring gawin ng mga kontraktor ang hokus-pokus na imbes na high grade ay low grade ang gagamitin para ‘makatipid pero mabubundat ang bulsa’.

Upang makilatis ang mga bakal sa merkado, nagpakalat ang PISI ng mga ‘field tester’ upang suriin ang mga nasa bodega ng mga retailer gaya ng hardware store.

At, natuklasang marami ang ‘tinimbang ngunit kulang’.  Kinumpirma rin mismo ng Department of Trade and Industry (DTI)  na may substandard na bakal sa merkado.

Kaya naman  kumikilos ngayon ang Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) nito para maiwasang makapasok sa merkado ang mga substandard na bakal. Masigasig din ang Bureau of Philippine Standards (BPS) sa pagsasagawa ng surprise audit sa mga pagawaan ng bakal.

Masusi rin ang pagkilatis nila sa bibigyan ng PS license.

Hindi tutol ang PISI sa hakbang ng DTI sa paghagupit ng latigo sa mga manufacturer at reseller. Pero, ayon sa grupo, pinakamabuting gawin o paraan para maiwasan ang paglipana ng substandard na bakay ay ang pag-ban o pag­lusaw din sa mga induction furnace sa bansa.

Batid kaya ng mga manufacturer at retailer gayundin ang mga kontrator ang Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines at National Building Code, kung saan itinatakda ang parusang ipapataw kapag hindi sinunod ang tamang patakaran at panuntunan o parameters alinsunod sa standard.

Ang kinatatakutan ng karamihan ay malalaman lamang na mahinang klase ang bakal kapag nangyari na ang hindi inaasahan at kung saan maituturing na huli na ang lahat.

Kaya, paano na ngayon ang Build! Build! Build! Program ng administrasyong Duterte? Kuwestiyunable rin kaya ang katatagan o tibay ng mga naipatayong istraktura ng pribadong sektor? Nakakasi­guro rin kaya na ligtas tayo sa ating bahay (kung sakaling lumindol)?

Kaya naman sinabi ni dating Senadora Nikki Coseteng na dapat malaman ang katotohanan upang Maitama ang mali.

Please follow and like us:
Read More

PUNDASYON NG BUHAY (1)

PUNDASYON

Kulay ang tinitingnan, ginagawang basehan

(NI MAC CABREROS)

ANG edukasyon ang matibay na pundas­yon sa magandang kinabukasan kaya nga ang mga magulang ay pinagbubuhusan ng luha, dugo at pawis ang pagtataguyod ng pag-aaral ng kanilang mga anak.

Ang pagmamahal ang nagbibigkis sa maayos at magandang pamumuhay ng pamilya at sa itinatayong bahay, ang matibay na mater­yales na gamit ang ‘nagsesemento’ upang maging matibay at matatag ang tahanan.

Pero paano nga ba kung sub-standard o mahina ang gamit na bakal para sa pundasyon?

Kamakailang, naiulat na ilang hardware sa La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte,

Cagayan, Nueva Ecija, Tarlac, Bataan, Zambales, Pangasinan, Mindoro, Batangas, Laguna, Cavite, Cagayan de Oro, Lanao del Norte, Agusan del Norte, Davao, Cotabato at Zamboanga ang nagbebenta ng mahinang klase ng bakal kaya naman nabulabog ang mga kinauukulan.

Kabilang sa naalarma si dating Senador Anna Dominique “Nikki” Marquez-Lim Coseteng nang magkonsulta sa kanya ang isang inhinyero para sa itinatayong gusali ng kanyang paaralan sa Quezon City.

“Mahalagang malaman ito ng publiko dahil napakalaki ang epekto nito sa buhay natin,” wika Coseteng sa isang panayam ng media. “Buhay natin ang nakataya dito,” dagdag nito.

“Paano kung bumagsak ang bahay o gusali dahil substandard ang ginamit na bakal?,” tanong nito kasabay nang pahayag na ang Pilipinas ay nasa ‘ring of fire’ at madalas na dalawin ng lindol.

Sa taya ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) maraming istraktura (bahay at gusali) ang ‘hahalik sa lupa’ at libu-libong katao ang masasawi kapag nagkaroon ng malakas na lindol bunsod ng paggalaw ng Marikina Valley Fault o West Valley Fault lalo na kapag umabot o hihigit sa intensity 7 ang lakas ng pag-uga.

Payo ng mga awtoridad (bukod sa mga nararapat na gawin bago, habang at pagkatapos ng lindol) na umiwas magpatayo mismo sa linya ng fault o sampung metro mula sa fault. Higit sa lahat, matibay ang itatayong bahay o gusali.

Pero, paano kung mahinang klase ang mga mater­yales na gagamitin gaya ng bakal (at maging ang semento na mayroon na ring apog o alikabok ang laman)?

Ayon pa kay dating Sen. Coseteng, ang kawalan ng tamang ‘labelling’ ang dahilan kung bakit ‘naipupuslit’ o naibebenta sa merkado ang mga mahinang klaseng bakal.

Sinabi ng dating mambabatas na tanging ‘color coding’ o pintura ang palatandaan ng kalidad ng bakal at hindi nakatatak mismo sa bakal. Mahirap makilatis kung ‘ano ang alin’.

Sa ganitong sistema, pahayag pa ni Coseteng, mada­ling ‘sabihin’ na 60 porsyento ang kalidad ng bakal kahit ito’y 40 porsyento lamang. Ang ginagawa ng mga manufacturer ay ‘pinoproseso’ upang ‘magmukhang’ de kalidad ang bakal ngunit sa loob nito ay ‘ampaw’.

Sabagay, may punto nga naman. Malinaw na isa itong uri o paraan ng panloloko ng mga negosyante sa publiko. Halimbawa: Kung ang barya na gawa sa Nordic gold ay hinaluan ng purong ginto ay ‘magmukha’ na itong ‘tunay’ at high grade na ginto at maibenta nang mas mataas na pres­yo.

Ganito rin sa bakal, tubong lugaw ang mga negos­yante dahil ang 40% na klase ng bakal ay maibebenta sa mas mataas na presyo dahil ‘sasabihin lamang’ na 60 porsyento ito alinsunod sa pintura na kulay berde.

Paano nangyari?

Base sa pagtaya ng eks­perto, nagsimula ito nang itambak sa mga bansa sa Hilagang-Silangang Asya kabilang ang Pilipinas ang induction furnace o hurno sa paggawa ng bakal. Bunsod ito nang i-ban ng China ang paggamit ng naturang steelmaking equipment noong 2017.

Noong Enero 2018, naabisuhan ang gobyerno ng Pilipinas hinggil dito sa pamamagitan ng sulat ng Phi­lippine Iron and Steel Institute o PISI kay Environment Secretary Roy A. Cimatu. Hinihi­ling ng grupo na harangin ang nasabing pagpapasok sa Pilipinas ng nabanggit na tunawan ng bakal.

Binanggit ng grupo na ang naturang hurno ay ginagamit ng mga maliliit na pagawaan ng bakal. Nais ng grupo na matiyak na magagamit lamang ang hurno sa nararapat na paggamitan gaya ng paggawa ng cast products, ferroalloys na may tamang sangkap at stainless steel.

Please follow and like us:
Read More