ANCAJAS, RODRIGUEZ TULOY ANG BAKBAKAN

Ancajas VS Rodriguez-2

MAGKAKASUBUKAN na ng husay at lakas sina IBF super flyweight champion Jerwin Ancajas at Jonathan Javier Rodriguez ng Mexico.

Ayon kay MP Promotions president Sean Gibbons, nakatakdang magharap sina Ancajas at Rodriguez sa MGM Grand sa Las Vegas bilang main undercard ng Tyson Fury-Deontay Wilder grudge rematch sa Pebrero 23 (Manila time).

Kung matatandaan, ang 28 anyos na si Ancajas ay dapat sanang magdepensa kay Rodriguez noong Nobyembre 2. Subalit kinansela ang laban nang mabigong makakuha ng US visa ang Mexican boxer.

Bunga nito, napilitan si Ancajas na dumayo sa Puebla, Mexico noong Disymebre 7 para labanan si Chilean Miguel Gonzales, na kanyang tinalo via 6th round TKO.

Iyon ang ikawalong sunod na title defense ng Filipino champion na may 32-1-2, 22 KOs na kartada.

Samantalang ang 24-anyos na si Rodriguez ay may 21-1, 15 KOs at sinasabing pinakamabigat na makakalaban ni Ancajas.

Ang huling nakalaban ng Mehikano na si former world title contender Felipe Orucuta ay na-comatose matapos ang kanilang laban. Pero nakarekober rin ito.

Bilang paghahanda naman sa kanyang nalalapit na 9th defense, nakipag-sparring si Ancajas noong Huwebes sa ka-stable niyang sina Daniel Lim at John Mark Alimane sa loob ng 6 rounds, ayon sa manager nila na si Joven Jimenez. (VT ROMANO)

Please follow and like us:
Read More

3 LABAN SUSUUNGIN NI ANCAJAS SA 2020

(NI DENNIS IÑIGO)

TATAPUSIN lang ang Pasko ni International Boxing Federation super flyweight champion  Jerwin Ancajas bago magsimula sa kanyang preparasyon para sa kanyang susunod na makakalaban sa 2020.

Magiging abala si Ancajas, na matagumpay na naidepensa ang kanyang titulo sa Mexico, sa susunod na taon kung saan inaasahang sasabak siya sa tatlong laban.

Sa ngayon, dahil Christmas holiday, nasa relax mode pa ang IBF champ at kanyang  chief trainer na si Joven Jimenez sa Survival Camp sa Magallanes, Cavite.

Nakatakda silang pumunta sa Bukidnon at iba pang parte ng Mindanao, bago mag-Pasko kasama ang kani-kanilang pamilya.

Ngunit kinabukasan (Disyembre 26) ay agad nilang sisimulan ang preparasyon para sa susunod na laban ni Ancajas sa Marso 2020.

Ayon kay Jimenez, base sa pakikipagusap niya kay Sean Gibbons, presidente ng MP (Manny Pacquiao) Promotions, posibleng ang susunod na makakalaban ni Ancajas ay isang  Japanese o Mexican challenger.

Tinalo ni Ancajas ang Chilean challenger na si Miguel Gonzalez sa pamamagitan ng 6th round stoppage noong  Dis. 7 (Dis. 8, Philippine time) sa Puebla City, Mexico.

Lubhang na-impressed si Gibbons sa Panabo City pride kaya’t gusto nito na magkaroon ito ng tatlong laban sa susunod na taon, kabilang na ang unification title duel laban sa kasalukuyang champions sa ibang major boxing associations.

Ayon kay Ancajas, may nalalabi pang isang laban sa kanyang kontrata sa Top Rank Promotions, nakahanda siyang harapin kung sino man ang mapipili ni Gibbons na makakalaban niya.

Please follow and like us:
Read More

ANCAJAS MAGDIDIKTA NG LABAN

(NI EM RUBIN)

HINDI magmamadali si IBF Super Flyweight World Champion Jerwin Ancajas sa kanyang pakikipagsagupa kay Miguel Gonzalez ng Chile sa Disyembre 7 sa Puebla, Mexico.

“Pag-aaralan po muna niya sa early rounds po, katulad sa mga ginagawa niya lagi,” ayon sa trainer at manager ni Ancajas na si Joven Jimenez sa isang text message mula sa California.

“Hindi po siya magmamadali pero siya agad ang magdidikta simula round 1,” paliwanag nito.

Dagdag ni Jimenez, handa si “Pretty Boy” na lumaban ng 12 rounds sa ikawalong pagdepensa niya ng kanyang 118-pound na titulo, na pagmamay-ari nito noon pang 2016.

“Hindi po namin pinaplanong pabagsakin ang kalaban. 12 rounds po ang plano namin palagi, pero kung may pagkakataon, papasukin ni Jerwin ang kalaban,” ani Jimenez.

“Nakita po namin may lakas ang kalaban. Kaya hindi po basta-basta pababagsakin.”

Wala naman nakikitang problema si Jimenez sa pagkuha ng timbang ng 27-anyos na Pinoy champion, na dapat ay noon pang Nobyembre 2 lumaban kontra Jonathan Rodriguez ng Mexico.

Sa ngayon aniya, tumitimbang ng 122 pounds ang pambato ng Panabo City.

Nasa tapering stage na si Ancajas, at light sparring na lamang ang ginagawa.

Ayon pa kay Jimenez, Disyembre 1 sila tutungo sa Mexico, ilang araw bago ang laban.

Please follow and like us:
Read More

UNIFICATION BOUT TARGET NI ANCAJAS

(NI EM RUBIN)

PUNTIRYA ngayon ng kampo ni IBF Super Flyweight World Champion Jerwin Ancajas ang isang unification title fight kontra WBC titleholder Juan Francisco Estrada ng Mexico.

Ayon sa trainer/manager ni Ancajas na si Joven Jimenez, tatlong pangalan ang kanilang pinagpipilian – Estrada, Andrew Moloney ng Australia at Alexandru Marin ng Romania.  Pero kung sila ang masusunod, ani Jimenez, ang titulo ni Estrada ang kanilang pupuntiryahin.

“Yun ang nine-negotiate ng Top Rank, isa sa mga nine-negotiate nila,” wika ni Jimenez sa ginanap na Philippine Sportswriters Association Forum. “Kami ni Jerwin gusto namin yung Estrada. Excited kami ‘don.”

Dagdag niya, posibleng malaman na sa loob ng dalawang linggo kung kailan ang susunod na laban ng 27-anyos na Filipino champion.

Huling lumaban si Ancajas Mayo ngayong taon sa Stockton, California kung saan dinispatsa niya si Ryuichi Funai sa loob ng anim na round para mapanatili ang kanyang IBF 115-pound belt.

Bago ito ay inagaw naman ng 29-anyos na si Estrada (39-3, 26 KO) ang WBC championship kay Srisaket Sor Rungvisai ng Thailand noong Abril sa pamamagitan ng unanimous decision para maging two-division world champion.

Inamin ni Ancajas na itinuturing niyang isang magaling na boksingero ang Mexicano, pero  tiwala umano siya sa kanyang coach at sa kanyang kakayahang manalo sa laban.

“Sa lahat ng mga laban namin, pinapanood namin yung laban ng kalaban tapos pinag-aaralan namin ni coach kung ano ang gagawin.  Ituturo ni coach kung anong galaw na gagawin sa taas ng ring.  Kaya naniniwala akong kaya naming matalo si Estrada,” ayon kay Ancajas, may record na 31-1-2 na may 21 knockout.

“Kung sakaling matuloy, isang karangalan para sa akin na makaharap ang isang magaling na boksingero,” sabi pa ng Pinoy champ.

 

Please follow and like us:
Read More

IBANG DISKARTE NI ANCAJAS

jerwin12

(NI DENNIS INIGO)

NAGTUNGO na noong Martes ang kampo ni IBF super flyweight  champ Jerwin Ancajas sa Estados Unidos upang ipagpatuloy ang kanyang pagsasanay para paghandaan ang pagdepensa ng kanyang titulo sa Mayo 4 sa Stockton, California.

Bagama’t nagwagi via unanimous decision ang 27-anyos na si Ancajas, dismayado pa rin siya sa naging resulta ng kanyang nakaraang  laban kaya’t puspusan ang ginawa niyang ensayo sa kanyang bagong training hub sa  mismong Marine Base Gen. Gregorio Lim sa Ternate,  Laguna.

“Alam ko po maraming nadismaya sa last bout ko. Kaya naisip ko na hindi pala talaga biro ang title na hawak ko. Dapat madepensahan ko ng maayos kasi pangalan po ng bansa natin ang nakataya dito,” ayon sa pambato ng Panabo City.

Makakaharap ni Ancajas si Japanese challenger Rhuichi Funai,  kasalukuyang kampeon din sa Japan at taglay sa ngayon ang 4 stars rating pagdating sa kanyang mga laban.

Ikinatuwa naman nina coach Joven Jimenez at American matchmaker Sean Gibbons ang pagkakaroon ng disiplina sa matinding huling tatlong linggong training si Ancajas, na isang Reserved Officer, bago ang pagtulak nito sa USA.

Dumaan sa kabuuang 10 kilometrong pagtakbo Martes,  Huwebes at Sabado  si Ancajas bukod pa sa kanyang shadow boxing at heavy bag punching practice sa isang maliit na boxing ring sa ilalim ng Java Tree.

Ipinagmalaki ni coach Jimenez na nakuha agad nila ang 125 lbs limit sa timbang ng pambato ng Pilipinas at nasa 90 porsyento nang redi ito. “90% na po ng training ‘yung nakukumpleto ko kaya alam ko po bago dumating yung mismong bout, kondisyon na po ako,” sambit ni Jimenez.

Pinatunayan naman ng mismong peronal nutritionist ni Ancajas na si Jeaneth Aro na ilang linggo pa bago ang nasabing labanan ay nakuha na agad nito ang kanilang target na timbang na 125 lbs. “I am actually telling him kung saan siya kumportable, yun ang susundin namin na diet niya. And I am happy to announce na achieved na niya agad ang target weight namin na 125 lbs, less than three weeks before the bout. So talagang effective yung training niya, and maganda yung disiplina niya sa sarili niya. But I told him na kumain na muna ng kaunti ngayon tapos before April 23 kailangan 125 na siya ulit,” pahayag ni Aro.

 

Please follow and like us:
Read More