TAMPOK NA MGA BALITA NG 2019

BuCor-1

(Ni NELSON S. BADILLA / Huling Labas)

HINDI nawawala sa mga balita nitong 2019 ang talamak na korapsyon sa maraming ahensiya ng pamahalaan.

Ito’y dahil hindi agresibo si Pangulong Rodrigo Duterte sa problemang ito na ilang ulit na rin niyang tinitiyak sa media na ayaw niya ng katiwalian at korapsyon sa pamahalaan.

Narito ang ilan sa mga ahensiyang namumutakti sa katiwalian.

Korapsyon sa BUCOR

NAGING laman ng bawat pahayagan ang Bureau of Corrections (BuCor) at New Bilibid Prison (NBP) na nasa iisang lugar lang sa Muntinlupa City noong pinamumunuan pa ito ni dating BuCor Chief Nicanor Faeldon, na ilang beses naisa­lang ng Senate Blue Ribbon Committee  sa imbestigasyon dahil sa kaduda-dudang pagpapalaya ng libong mga bilanggo kaugnay sa batas tungkol sa good conduct time allowance (GCTA).

Naniwala ang ilang senador na posibleng mayroong kumitang opisyal sa BuCor dahil maging ang mga notoryus na bilanggo sa Maximum Security Compound ng NBP ay napalaya.

Muntik na ngang napalaya sina dating Calauan Laguna Mayor Antonio Sanchez at negosyanteng Janet Lim Napoles.

Bukod sa anomalya sa GCTA, sumambulat din sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee na napakatalamak pa rin ng korapsyon sa BuCor, NBP at maging NBP Hospital.

Patuloy pa rin ang transaksyon ng ilegal na droga mula sa NBP patungo sa mga galamay ng mga drug lord sa labas ng pambasang bilangguan.

Ang dahilan ay ang pagkakaospital sa NBP Hospital dulot nang napakasamang ka­ramdaman kapalit ang mala­king halaga sa doktor sa nasabing pagamutan.

Nadiskubre ring maging ang pera para sa pagkain ng mga bilanggo ay kinukurakot ng mga matatakaw sa pera sa BuCor at NBP.

Natanggal si Faeldon sa BuCor, ngunit hindi pinakasuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na siyang nag-talaga  sa mataas na posisyon sa nasabing ahensiya. Bago napunta sa BuCor si Faeldon, itinalaga ito ni Presidente Duterte sa Bureau of Customs (BOC) kung saan naisalang ito sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa talamak na katiwalian sa hinahawakan nitong tanggapan.

Ipinalit ng pangulo kay Faeldon si dating Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) jailwarden Supt. Ge­rald Bantag, kabilang sa Philippine National Police Academy- Kaagapay Class.

Tiniyak ni Bantag nang opisyal siyang gawing hepe ng BUCOR na “tatlong buwan” lamang niyang tatanggalin ang katiwalian, korapsyon at transaksyon ng ilegal na droga sa BuCor, NBP at NBP Hospital.

PNP, Ninja cops at ‘agaw-bato’

AGAW-BATONAWASAK ang imahe at kredebilidad ng Philippine Natio­nal Police (PNP) nang lumutang sa imbesti-gasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagkakaroon ng ‘Ninja cops’ na  mga tauhan ni General Oscar Albayalde noong 2013 na  siya  pa ang provincial director ng Pampanga.

Lumutang sa imbestigasyon ang operasyon ng “agaw-bato” kung saan mahigit 200 kilo ng Metham-phetamine hydrochloride (shabu o bato) ang nakumpiska sa bahay ng pinaniniwalang drug lord na si Johnson Lee sa isang subdibisyon sa Mexico, Pampanga subalit 36 na kilo lang ang idineklara ni P/Major Rodney Baloro IV, team leader ng drug unit ni Albayalde.

Ibinunyag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP, na inagaw at pinagkakitaan ng mga tauhan ni Albayalde ang mahigit 160 kilo ng shabu.

Noong 2016, tinawagan pa ni Albayalde ang noo’y regional director ng Central Luzon Police Office na si C/Supt. Aaron Aquino hinggil sa implimentasyon ng “dismissal order” laban sa kanyang mga tauhan na nasangkot sa operas­yong “agaw-bato,” samantalang regional director din naman si Albayalde  ng National Capital Region Police Office.

Lumabas na mistulang hinarap ni Albayalde ang dapat na kaparusahan kina Balo­ro. Dahil sa ibinunyag nina Magalong at Aquino, nasira ang pangalan at kredebilidad ni Albayalde.

Nagbitiw sa pagiging hepe ng PNP si Albayalde noong Oktubre 14, sa halip na hintayin ang kanyang pagreretiro noong Nobyembre 8.

Hanggang sa ngayon ay wala pang naitatalaga si Pangulong Duterte na kapalit ni Albayalde sapagkat wala siyang makitang “sobrang honest” na opisyal na puwedeng maitalagang PNP Chief.

Halalan 2019

MAYO naganap ang halalan kung saan pumili ang mga botante ng mga senador, kongre­sista at mga opisyal sa mga pamahalaang lokal.

Naging tampok na balita laganap na bilihan ng boto na naganap isang araw bago ang maghalalan at mismong araw ng halalan.

Kanya-kanyang batuhan ng akusasyon ang mga politiko na pareho rin naman ng nakalaban nila na namili ng boto. Ang usapan lang ay kung sino ang mas malaki ang pinakawalang pera sa pagbili ng boto.

Ang bilihan ng boto na isang porma ng korapsyon ay hindi nawawala hanggang ngayon.

P4.1 trilyong badyet, bukas sa korapsyon

Speaker Alan Peter CayetanoIPINAGMALAKI ni Speaker Alan Peter Cayetano na pasok sa deadline na Oktubre ang pagpasa ng House of Representatives sa panukalang P4.1 trilyong badyet ng administras­yong Duterte para sa 2020.

Sinabi ni Cayetano na mabilis na desisyon at aksyon ng Kamara sa ilalim ng kanyang liderato kasabay nang pagyayabang na walang pork barrel sa P4.1 trilyon badyet subalit nang nasa Senado ay natumbok ni Senador Panfilo Lacson na mayroong pagkukunan ng yaman ng mga tiwaling kongresista.

Binulalat ni Lacson ang kalokohan sa P4.1 trilyong badyet habang tinatalakay sa Senado, ngunit nailusot pa rin ng ilang kongresista ang P83.219 bilyon na siyang pagkukunan ng 742 proyektong nagkakahalaga ng P16.345 bilyon na isiningit sa ulat ng Bicameral Conference Committee (Bicam).

‘Ignorante’ si Robredo

NAPAKASIPAG magsalita ni Bise Presidente Ma. Leonora Robredo hinggil sa iba’t ibang isyu ng bansa subalit sa dalawang isyu ay papahiya ito.

Una ay tungkol sa ilegal na droga matapos siyang italaga ni Pangulong Duterte bilang ‘co-chairman’ ng Inter-Agency Committee on Illegal Drugs (ICAD).

Maraming inalatag si Rob­redo sa ICAD upang matiyak na “hindi madugo” ang kampanya laban sa droga at “ginagalang ang karapatang pantao ng mga  sangkot sa ilegal na droga” subalit kakasimula pa lang sa trabaho ay walang tigil na ito sa pagbibigay ng samu’t saring komento at kanyang adyenda sa ahensiya.

Lumitaw sa bandang huli na ginagamit lang ni Robredo ang pagkakataon upang pasikatin ang kanyang sarili at pagandahin ang kanyang imahe sa publiko.

Pangalawang isyu ay hinggil sa kontrobersiya ukol sa Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Servi­ces Inc.

LENI-2Binatikos ni Robredo si Pangulong Rodrigo Duterte matapos ideklara ng huli na hindi niya papayagang magbayad ang pamahalaan ng P7.39 bil­yon sa Manila Water at P3.4 bilyon sa Maynilad batay sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na hiningian ng tulong ng dalawang water concessionaires ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System.

Pinagsabihan ni Robredo si Duterte na “maghinay-hinay” at maging “kalmado” sa pagpuna sa Manila Water at Maynilad.

Maraming postibong resulta at epekto ang desisyon ng pangulo tulad ng hindi mababawasan ng P10.79 bilyon ang pera ng pamahalaan, hindi itutuloy ng Manila Water at Maynilad ang dagdag-singil sa Enero at nakansela ng MWSS ang pinalawig na kontrata ng dalawang kumpanya sa pamahalaan mula 2022 hanggang 2037.

Kaya, inakusahan si Rob­redo ng tagapagsalita ng pa­ngulo na si Atty. Salvador Panelo na ignorante sa isyu kaugnay sa kapakanan ng bansa.

Please follow and like us:
Read More

MAINIT NA BALITA NG 2019

(Ni NELSON  S. BADILLA / Unang Bahagi)

MARAMING pangyayari ngayong 2019 na siguradong mayroong direktang epekto sa bansa at mamamayan.May maganda ang epekto at mayroon ding masama bu­nga anomalya at korapsyon.

Isa-isahin natin.

Kontra Maynilad at Manila Water

HINDI tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) ng Singapore na magbayad ang pamahalaan ng P7.39 bilyon sa Manila Water Company Inc. at P3.4 bilyon sa Maynilad Water Services Inc. bilang kapalit sa umano’y perwisyong ginawa ng pamahalaan sa dalawang kumpanya makaraang hindi kilalanin at hindi ipatupad ang ilang probisyon ng nakasaad sa kontrata  sa pagitan ng dalawang kumpanya at gobyerno upang maging distribyutor ng tubig sa mga residente ng Metro Manila at mga karatig lalawigan.

Ang P7.39 bilyon ay ang kabuuang halaga ng ikinalugi ng Manila Water mula 2015 hanggang 2019  at ang P3.4 bilyon naman ang kabuuang halaga ng ikinalugi naman ng Maynilad mula 2013 hanggag 2017 dahil sa pasya ng Metropolitan Waterworks and Sewe­rage System – Regulatory Office (MWSS – RO) noon na huwag isama ang corporate income tax sa umentong hinihingi ng Manila Water at Maynilad sa buwanang bayad ng kani-kanilang kustomer.

Ayon kay Duterte, maraming probisyong “onerous” sa kontrata ng pamahalaan sa Maynilad at Manila  Water.

Sinabi rin ng pangulo na “matagal nang niloloko” ng dalawang kumpanya ang kanilang mga kustomer sa Metro Manila at mga katabing lalawigan dahil maging ang buwis na dapat ang Maynilad at Manila Water ang nagbabayad sa Bureau of Internal Revenue (BIR) mula sa kanilang bilyun-bilyong kinikita bawat buwan ay ipinapasa sa kanilang mga kustomer bilang pagsama sa binabayaran kada buwan ng bawat pamilya.

Nagsimula ang kontrata ng Manila Water at Maynilad sa pamahalaan, sa pamamagitan ng MWSS, noong 1997.

Hanggang 2020 ang haba ng kontrata ng dalawang kumpanya sa pamahalaan.

Ang pagsasapribado ng negosyong distribyusyon ng tubig sa publiko ay nakatali sa programang praybitisasyon ni Pangulong Fidel Ramos.

Pagkatapos nito, nabuo ang MWSS – RO.

Noong panahon ni Pangu­long Gloria Macapagal – Arroyo, pumayag ang MWSS na pahabain hanggang 2037 ang kontrata ng Maynilad at Manila Water matapos makumbinsi ng dalawang kum­panyang ito ang pamunuan ng MWSS na kailangang umabot hanggang 2037 ang kontrol ng nasabing mga kumpanya sa negosyong distribyusyon ng tubig sa Metro Manila upang mabawi ang kanilang puhunan at ginastos sa nasabing negosyo.

Noong panahong nagsampa ng kaso ang Manila Water dahil sa iginiit nitong pagkalugi mula noong 2015 hanggang 2019, kaya dapat silang bayaran ng pamahalaan ng P7.39 bilyon ay umabot sa P25 bilyon ang kinita ng kumpanyang pag-aari ng pamilya Ayala at mga dayuhang negosyante mula 2015 hanggang 2018, ayon na rin sa ulat ng Manila Water.

Ang Maynilad na nagdeklarang nalugi noong 2013 hanggang 2017 sa PCA ay kumita ng P36.7 bilyon ang kinabig nitong kita nasabing panahon.

Pabor na pabor sa mga residente ng Metro Manila at mga kalapit na lalawigan ang desisyon ni Duterte, sapagkat una ay pumayag na ang pamunuan ng Manila Water at Maynilad na hindi na nila itutuloy at igigiit pa ang desisyon ng PCA.

Ikalawa, inatras na rin nila ang umento sa babayarang tubig kada buwan simula Ene­ro na naunang pinayagan ng MWSS – RO.

Ikatlo, kinansela at pinawalang bisa ng pamunuan ng MWSS ang kontrata nito sa Maynila at Manila Water noong 2009 na palawigin hanggang 2037 ang kontrol ng dalawang kumpanya sa distribyusyon ng tubig sa kanilang mga kustomer.

At ikaapat, nagbuo na ang Department of Justice (DOJ) ng panel na mag-aaral, mag­rerebyu at magbabago sa kontrata ng pamahalaan sa Maynilad at Manila Water alinsunod sa direktiba ni Duterte.

Sinabihan ni Duterte si DOJ Secretary Menardo Guevarra na tiyaking walang nakasaad na mga probisyong “onerous” sa kontrata.

Ampatuan MassacreKatarungan sa Ampatuan Massacre

Disyembre 19, inilabas ni Quezon City Regional Trial Court Judge Jocelyn Solis – Reyes ang desisyon sa 57 counts ng murder charges na isinampa laban sa 198 tao sa pangunguna ng angkan ng Ampatuan sa Maguindanao dahil sa kanilang pagkakasangkot sa pagpatay sa 57 katao, 34  ay mga journalist (ngunit tinanggal ng huwes ang namatay ding mamamahayag na si Reynaldo Momay, sapagkat hindi natagpuan ang kanyang bangkay).

Sa 761-pahinang desisyon ni Solis – Reyes, 28 ang makukulong ng “reclusion perpetua” (habambuhay na pagkabilanggo na 40-taon ang katumabas ayon sa batas), pangunguna ng magkakapatid na Zaldy, Sajid at Andal Jr. Ampatuan.

Kasama rin ang kamag-anak nilang si Anwar Ampatuan Sr., Anwar Sajid “Datu Ulo” Ampatuan, Anwar “Datu Ipi” Ampatuan, Mohades Ampatuan at Misuari Ampatuan.

Labinglima ang makukulong mula anim hanggang 10 taon bilang “accessories” sa pagpatay ng 58 tao.

Umabot sa 54 ang nakalaya matapos  ipawalang sala ni Reyes dahil walang sapat na ebidensiyang nagdiin sa kanila sa kaso.

Batay sa rekord sa sala ni Reyes, 80 akusado ang malaya pa hanggang ngayon mula nang maganap ang Ampatuan Massacre noong Nobyembre 23, 2009, ilang buwan bago mag-eleksyon noong Mayo 2010.

Maraming tao at orga­nisasyon ang nagsabing na­naig ang katarungan sa naganap na masaker sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao, dahil 57 katao na kamihan ay mamamahayag, ang nabigyan ng hustisya dahil sa kawalan ng takot ni Judge Reyes na hatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang mga akusado, lalo na ang mga prinsipal na akusado na sina Zaldy, Sajid at Andal Jr.

Ngunit, hindi lahat masaya sa desisyon, sapagkat mayroong ilang kuwestyonableng desisyon tulad ng pagpapawalang sila ni Reyes kina Akmad “Tato” Ampatuan at Sajid Islam Ampatuan bagamat alam nila ang planong pagpatay, ngunit wala sa aktuwal na masaker.

Ipinahayag ni Esmael “Toto” Mangudadatu, asawa ng isa sa mga biktima ng masaker at kasalukuyang congressman sa 2nd district ng Maguindanao, na iaapila niya ang kaso ng dalawang Ampa­tuan na napawalang sala.

Subalit base sa batas, hindi na puwedeng maghain ng motion for reconsideration o iapela ang pagpapawalang sala sa kasong kriminal sapagkat iyon ay proteksyon na ng akusadong napawalang sala.

Ngunit, posible pa ring maisampa ang apila ng mga kamag-anak ng mga biktima kaugnay sa pagpapawalang-sala kung ito ay papanigan ng Office of the Solicitor General (OSG).

Sa nasabing desisyon ni Judge Reyes, napakahalagang mensahe na ipinakita nito na mayroong opisyal sa korte na hindi kayang patahimikin ng pera o matakot at umatras sa makapangyarihang mga politiko.

Pinatunayang mayroong huwes na kayang maglabas ng desisyong reclusion perpetua laban sa makuwarta at makapangyarihang angkan ng Ampatuan.

Bagamat, mayroong nakamit na katarungan laban sa karumal-dumal na krimen na isinagawa ng ilang miyembro ng angkan ng Ampatuan, hindi nangangahulugang tapos na ang politika ng personalidad, politika ng pera at kapangyarihan ng Ampatuan, sapagkat batay sa rekord sa Commission on Election (Comelec), mayroong 36 na mga Ampatuan ang nahalal sa iba’t ibang posisyon noong eleksyong 2019.

Napabalitang mayroong 597 bank accounts, 500 ektaryang lupain, 130 sasakyan, 420 mga baril at pribadong sundalo na daan-daan ang mga tauhan.

Hindi rin nangangahulugang wala nang magaganap na masaker bago maganap ang eleksyon.

Wala ring garantiya na ligtas na ang mga mamamahayag sa pagpatay at pananakot sa mga mayayaman at makapangyarihang tao sa bansa na walang alam na solusyon kundi patayin ang mga mamamahayag upang tuluyan nang manahimik.

SEA GAMES GOLDNanguna sa SEA Games

Sa 149 na gintong medalya, 118 na pilak at 121 tansong medalya, hinirang na numero uno ang Team Pilipinas sa Ika-30 taong South East Asian Games na isinagawa sa bansa mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Higit itong kahanga-hanga kumpara noong 2005 SEA Games kung saan host din ang ating bansa.

Sa nasabing palaro, numero uno rin ang Pilipinas matapos makakuha ng 113 ang nakuhang gintong medalya ng Pilipinas, 84 na pilak at 94 ang tansong medalya.

Ibig sabihin, patuloy ang paghusay at pag-angat ng kakayanan ng mga manlalarong Filipino.

Ang problema lang sa katatapos na SEA Games ay nabalot ito sa kontrobersiya dahilan upang imbestigahan ng Senado sa susunod na taon at titiyaking magigisa ang mga opisyal na may kinalaman  sa mga kaganapan sa pangunguna ni Speaker Alan Peter Ca­yetano, tagapangulo ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC).

Ang kontrobersiya ay magsisimula sa pagpapatayo ng National Government Administrative Center (NGAC) at dalawang sports events ng SEA Games sa New Clark City, Pampanga.

Ayon sa Bases Conversion Development Authority (BCDA), wala sa orihinal na plano ng MTD Capital Berhad ang konstruksiyon ng dalawang sports facilities na gagamitin sa SEA Games dahil ang pagtatayo  ng NGAC lamang ang plano ng MTD Capital Berhad.

Iginiit ng BCDA ang sports facilities kung saan pumayag ang MTD Capital Berhad.

Ngunit, literal na wala namang pera ang MTD Capital Berhad kaya sa mismong tulong ng BCDA napautang ang nasabing kumpanya ng P11 bilyon ng Development Bank of the Philippines (DBP) na ginamit nito sa pagpapagawa ng NGAC at dalawang sports venue para a SEA Games.

Umabot sa P8.51 bilyon ang nagastos ng MTD Capital Berhad.

Ang natitirang mahigit P2.5 bilyon ay tubo na ng MTD Capital Berhad matapos mabayaran ng BCDA ang P8.51 bilyon sa loob ng limang taon.            (Itutuloy)

Please follow and like us:
Read More