WARRIORS SINUWAG NG TAMARAWS

(PHOTO BY MJ ROMERO)

NAKASUNGKIT ng panalo ang Far Eastern University laban sa University of the East, 81-65, sa UAAP basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum kahapon.

Inakay ang Tamaraws sa panalo nina Wendell Comboy at L-Jay Gonzales nang umiskor ang mga ito ng 24 at 14, ayon sa pagkakasunod.

Ito ang career-best nina Cowboy na nagtala ng 6-of-9 shooting sa tres, at Gonzales na nagposte rin ng walong rebounds, walong assists at tatlong steals.

“At least naka-isa na kami, but sinasabi ko na sa mga players, play every play, play every possession,” sabi ni FEU coach Olsen Racela.

Kinamada ni Senegalese Alex Diakhite ang 19 sa kanyang kabuuang 21 points sa second half, na sinamahan pa ng 15 rebounds at apat na shot blocks, ngunit hindi ito naging sapat para maipanalo niya ang Red Warriors, ngayon ay may 0-2 panalo-talong kartada.

Halos ganito rin ang kinalabasan ng salpukan ng FEU at UE sa UAAP Season 82 women’s basketball makaraang payukuin ng una ang huli, 70-59.

Nanguna si Clare Castro na nagpakawala ng 20 puntos, 13 rebounds, at anim na blocks para sa unang panalo ng Lady Tamaraws.

“Wala silang malaki, so kailangan natin gamitin si Clare,” sabi ni Lady Tamaraws coach Bert Flores. “Pag nilabas mo si Clare, halos bulilit na ang players namin eh.”

Nag-ambag naman si Choy Bahuyan ng 16 points, anim na rebounds, tatlong steals at dalawang assists habang nagdagdag si Fatima Quiapo ng 12 points, anim na rebounds at apat na assists para sa FEU.

Nagtala naman ng double-double si Princess Pedregosa para sa UE sa kanyang 21 points, 14 rebounds, dalawang assists at dalawang steals habang ang teammate niyang si Jearzy Ganade ay may 14 points at 14 boards.

Related posts

Leave a Comment