UAAP SEASON 82 SEMIFINALS: LAST CHANCE SA UST, UP

INAASAHANG magiging mas mainit ang bakbakan ng UST at UP sa kanilang do-or-die game bukas (Nobyembre 13) sa Mall of Asia Arena.

Ang mananalo ang siyang makakabangga ng undefeated Ateneo de Manila University sa best-of-3 finals.
Umabante ang fourth-seeded UST sa semifinals stepladder kontra UP makaraang talunin ng Growling Tigers ang No. 3 Far Eastern University, 81-71, noong nakaraang Miyerkoles.

May twice-to-beat advantage ang No. 2 Fighting Maroons at nangangailangan lang ng isang panalo papasok sa finals ngunit binigo sila sa ikatlong pagkakataon ng Growling Tigers, 89-69, Linggo para makapwersa ng decider game.

Bago ito, tinalo ng UST ang UP sa dalawang beses na paghaharap nila sa elimination round, 85-69 sa first round, at 84-78 sa second round.

Bumida para sa UST ang Season 82 MVP na si Soulemane Chabi Yo na tumipon ng double-double 17 points at 15 rebounds.

Nag-ambag din ang tandem nina Rhenz Abando at Mark Nonoy ng kabuuang 33 points at 11 rebounds, habang nagdagdag si Sherwin Concepcion ng 12 points, kabilang ang crucial 3-pointers sa final quarter, at  Renzo Subido 8 points at 12 assists para sa Growling Tigers.

“It’s all about execution. Execution on both defense and offense. We executed our game plan and lahat ng instructions ko, sinusunod ng mga players. We were connected out there,” sabi ni UST coach Aldin Ayo matapos ang kanilang panalo.

Maganda ang naging simula ng Growling Tigers nang kumunekta ng triples nina Subido at Rhenz Abando na nagpaabante sa UST 19-13 sa opening quarter.

Pagdating ng third quarter, lumobo na ang lamang ng UST, 52-33, ngunit sa pangunguna ni UP Maroons’ Bright Akhuetie bahagyang naibaba ito sa 57-46, 1:15 ang nalalabi sa oras.

Naibaba pa ng Maroons sa single digit ang lamang ng Tigers nang pumasok ang floater ni Kobe Paras, 72-63, 3:14 ang nalalabi sa last quarter.

Ngunit magkasunod na pumukol ng tres sina Concepcion at Nonoy upang muling dumistansiya ang UST, 78-63, at mula rito ay hindi na sila nahabol ng UP. (PHOTO BY MJ ROMERO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment