‘STOP JONES AT ALL COST!’

(NI ANN ENCARNACION/PHOTO BY MJ ROMERO)

HINDI pa ‘panic mode’ ang San Miguel Beer lalo’t pangalawang game pa lang ngayon sa Commissioner’s Cup best-of-seven final series nila ng TNT Katropa, ngunit matindi ang hangarin ng Beermen na maitabla ang serye.

At upang magawa ito, kailangan ng SMB na madepensahan ng husto si Katropa import Terrence Jones, pinulutan ang Beermen sa Game 1 ng serye nang magposte ng almost perfect game 41 points, 12 rebounds, at walong assists sa 109-96 win ng team noong Linggo.

Ginawa naman ni San Miguel Beer coach Leo Austria at ng kanyang players ang assigment nila laban sa TNT, subalit sadyang hindi nila kinaya ang dating Houston Rockets player.

“The problem is they have Jones, and he really took over,” ayon kay Austria.

“Magaling talaga at ang dami niyang dala-dala sa team–puntos, pasa, depensa at rebounds,” pagamin ni SMB’s Arwind Santos.

Ngunit kaya naman umanong talunin ang Katropa basta’t mapigilan lang nila si Jones o ang local players ng TNT.

“Sa Game 1 maganda ang laro ni Jones, maganda pa laro ng locals,” ani Santos. “Kailangan hindi dapat ganun ang mangyari. Kung ma-off namin import, okay lang maganda laro ng local. Kung ma-off namin local, dapat ‘yung import, hindi na. Mamimili kami sa side na ‘yun.”

Ayon sa ilang basketball analysts, malaking paktor sa pagkatalo ng Beermen ang kawalan nila ng pahinga lalo’t isang araw lang ang pagitan ng huling semifinal game nila kontra sa Rain or Shine Elasto Painters at unang game sa final series nila ng Katropa.

Kaya naman ngayong nakapagpahinga na ang SMB, inaasahang mas handa na silang sagupain ang TNT, na sasandal pa rin kay Jones at local players na sina Jayson Castro, RR Pogoy, Troy Rosario at Don Trollano.

Related posts

Leave a Comment