SEA GAMES EQUIPMENT PARATING NA — RAMIREZ

poc

(NI ANN ENCARNACION)

GABI at araw na ginagawa ng Philippine Sports Commission (PSC) ang lahat ng paraan upang masiguro na darating sa takdang oras ang lahat ng gagamiting sports equipment para sa ika-30 edisyon ng Southest Asian Games.

Inihayag ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez na nagkausap ang task force na binubuo ng representante mula Philippine Olympic Committee (POC), Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) at pinamumunuan niyang PSC, kabilang ang iba’t ibang national sports associations (NSAs), para mapabilis ang proseso sa pagkuha ng lahat ng sports equipment para sa SEAG.

Nakipag-usap ang task force sa mga NSA officials sa billiards, ice skating, dancesport, shooting at windsurfing kaugnay sa procurement ng kanilang mga kailangang equipment.

Mayroon lamang 11 mula sa 57 na kasaling NSAs ang nakuha na ang kanilang kailangang equipment. Ang natitirang 46 ay pinoproseso pa.

Gayunman optimistiko si Ramirez na maidedeliber ang mga kagamitan sa tamang oras. “We’re looking at having everything delivered in our warehouse by November 15.”

Dagdag pa ng Chief de Mission ng Team Philippines, “The cooperation among the PSC, POC and PHISGOC is very solid and they are doing a good job screening all the equipment requirements and other requests of the NSAs. The SEA Games task force had gone full blast. We expect everything to be done by next week.”

Ilan sa kinakailangan pang bilhin ay equipment sa shooting, rowing, athletics, weightlifting, wrestling at gymnastics.

Kasama ang mga baril at bala, at practice ranges sa Subic at Philippine Marines headquarters sa Taguig, gagastos ang bansa sa shooting pa lang ng P73.9 milyon.

Sa rowing tinatayang P58.5 milyon,  athletics P43.1 milyon, weightlifting P35 milyon, wrestling P33.3 milyon, at gymnastics P33.1 milyon na ang gagastusin.

Pinakamura ang gastusin sa surfing P549,000, squash P535,000, netball P1 milyon, taekwondo P2.2 milyon, chess P2.3 milyon, jiu-jitsu P2.3 milyion at triathlon P3.9 milyon.

Nagtakda ang gobyerno ng kabuuang  P6.5 bilyon budget para sa paghohost ng Pilipinas sa 30th SEAG kung saan kalahati ay mapupunta sa procurement ng equipment para sa 57 kasaling NSAs.

Ang kada dalawang taon torneo ay magsisimula sa Nobyembre 30 sa Philippine Arena sa Bocaue,  Bulacan at magtatapos sa Disyembre 11.

Related posts

Leave a Comment