POLE VAULTER OBIENA NAKA-GINTO SA ITALY

(NI ANN ENCARNACION)

MULING nagtala ng panibagong personal best at national athletics record si Ernest John Obiena sa pole vault event Sabado ng umaga sa 30th Summer Universiade sa Napoli, Italy.

Walang pagsidlan ng katuwaan ang 23-anyos na si Obiena ng Chiang Kai Shek College at engineering student sa University of Santo Tomas sa pagtatala ng bagong Philippine record na 5.76 metro at masungkit ang ikalawang ginto lamang ng Pilipinas sa prestihiyosong torneo.

Kinulang ang natalon ni Obiena ng apat na pulgada sa Universiade Record na 5.80 metro na hawak ni Istvan Bagyula ng Hungary na naitala sa Sheffeild noong Hulyo 21, 1991. Bitbit pa rin ni Sergey Bubka ang World record sa 6.14 metro na itinala nito noong Hulyo 31, 1994 sa Sestriere, Ukraine.

Pumangalawa kay Obiena si Torben Blech ng Germany at pumangatlo si Ben Joren Broeders ng Belgium.

Ang gintong medalya ni Obiena ay naglagay sa  Pilipinas sa medal board ng torneo sa ika-38 puwesto na may natatanging napanalunan na isang ginto, 0 pilak at 0 tanso.

Nagawa din magwagi ni Obiena ng gintong medalya sa pagtalon sa 5.76 meters upang tabunan ang dati nitong national record na 5.71 na itinala nito sa Asian Athletics Championships sa Doha noong nakaraang Abril. Ang ginto ay nagtulak kay Obiena para makatuntong sa World Championships.

Ang ginto sa Universiade ay ikalawa ng Pilipinas  matapos unang magwagi ang chess grandmaster na si Wesley So noong  2013 bago ito tuluyang nagdesisyon na maglaro na para sa United States.

Related posts

Leave a Comment