PHOENIX, MERALCO PWERSADONG MANALO

(NI ANN ENCARNACION/PHOTO BY MJ ROMERO)

KAPWA puwersado ang Phoenix Pulse Fuelmasters at Meralco Bolts na ipanalo ang kanilang magkahiwalay na laban ngayong gabi sa Cuneta Astrodome upang manatiling buhay ang tsansa na makapasok sa susunod na round ng 2019 PBA Commissioner’s Cup.

Pilit babangon ang Fuelmasters sa nalasap na  kabiguan sa pagsagupa nito sa napatalsik nang NLEX Road Warriors sa ganap na alas-4:30 ng hapon bago sundan ng pagsasalpukan ng Bolts at nasa ikalawang puwesto na North Port Batang Pier sa ganap na alas-7:00 ng gabi.

Nalasap ng Fuelmasters ang masaklap na 108-128 kabiguan kontra San Miguel Beer kung saan hindi man lamang ito nakatikim ng kalamangan at nahulog pa sa ikawalong puwesto sa 4-6 panalo-talong kartada.

At kahit out of contention na ang Road Warriors ay ayaw pa ring magrelaks ng Fuelmasters.

“Hindi puwede na magkumpiyansa sa NLEX,” sabi ni Phoenix coach Louie Alas. “Gusto din nila na makapagbaon ng panalo bago makumpleto ang lahat ng laro nila kaya kailangan na nasa 100% pa rin ang laro namin.”

Mas mabigat naman ang hamon na haharapin ng Bolts na makakasagupa ang matagal nakapagpahinga at nasa ikalawang puwesto sa team standings na Batang Pier.

Huling nabigo ang Bolts kontra Magnolia Hotshots, 88-99, sa out-of-town na larong ginanap sa MVA Gym sa Zamboanga upang mahulog sa ika-10 puwesto bitbit ang 3-6 kartada.

Matatag naman sa ikalawang puwesto at may twice-to-beat na bentahe sa quarterfinals ang Batang Pier na may 8-2 kartada matapos nitong huling biguin ang Columbian Dyip, 110-108.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment