OBIENA PASOK SA 2020 OLYMPICS 

(NI ANN ENCARNACION)

AWTOMATIKONG nag-qualify sa pole vault event ng 2020  Tokyo Olympics ang 23-anyos na Filipino athlete na si Ernest John Obiena.

Nagawa rin ng 6-foot-1 na si EJ na magtala ng bagong Philippine pole vault record na 5.81 metro sa pagsabak nito sa Isshatti In Plaza Tournament sa Chiara, Italy.

Ang Olympic Qualifying Standard ay 5.80 metro at dahil nahigitan ito ni EJ kaya’t pasok na siya sa kada apat na taong Olympics na gaganapin sa Tokyo, Japan sa susunod na taon.

Naluluhang sinabi ng ina nito na si Jeanette Obiena, tumawag sa kanya si EJ ganap na 4:35 ng madaling araw ng Miyerkoles at agad hinanap ang ama na si Emerson bago ibinahagi sa kanila ang magandang balita.

“Tumawag si EJ at around 4:35 am dito sa atin, around past 11 na or 12 midnight na doon sa Italy at hinanap agad ang papa niya. Tapos nagsalita siya na, Pa, nagawa ko na. Pasok na ako sa Olympics,” kwento ni Jeanette.

Nagawang matalon ni EJ ang 5.81 metro sa ikatlo at huling pagtatangka upang talunin ang limang iba pang world-class pole vaulters para sa gintong medalya.

Nasa ika-10 puwesto siya ngayon sa IAAF World ranking sa men’s pole vault kasalo si Kurtis Marschall ng Australia na nakapagtala rin ang 5.81 metro noong Pebrero 2.

Tinangka pa ni EJ na maabot ang 5.93 metro para tabunan ang Asian record sa naturang event subalit nabigo matapos na sumabit ang kanyang kamay.

Ang Asian record na 5.92 metro ay hawak ni Igor Potapovich ng Kazakhstan at naitala sa Stockholm, Sweden noong Pebrero 1998.

Kasalukuyang hawak ni Renaud Lavillenie ng France ang World record na 6.16 metro na naitala niya sa Donetsk, Ukraine noong 2014.

Unang nalampasan ni Obiena ang Asian Games pole vault record na 5.70 metro na itinala ni Seito Yamamoto ng  Japan noong Agosto 29, 2018 sa Jakarta, Indonesia.

Itinala din ni EJ ang personal best na 5.76 metro sa pagsabak nito sa 2019 World Universiade sa Naples, Italy noong Hulyo 12, 2019.

Nagawa rin ni Obiena magtala ng multiple feats sa 23rd Asian Athletics Championships (AAC) nang gumawa ng bagong national record at burahin ang 26- taon na AAC record na 5.70 metro ni Kazakhstan Grigoriy Yegorov noong 1993 sa Manila.

Related posts

Leave a Comment