NINJA ‘KO’ KAY PACIO

joshn123

(NI EM RUBIN)

PINATULOG ni Joshua “The Passion” Pacio si Yosuke “The Ninja” Saruta para angkining muli ang ONE Strawweight World Title sa co-main event ng ONE: Roots of Honor, Biyernes ng gabi sa Mall of Asia Arena.

Sa ika-apat na round ng laban, sapul ng matinding tuhod ni Pacio ang walang-depensang ulo ni Saruta, na sumalampak sa sahig ng cage at di na kinailangan pang bilangan.

Dahil sa panalo, umakyat sa 14-3 ang record ng 23-anyos na Team Lakay star, at bumalik sa koponan ang isa sa apat na world title na nawala sa kanila nitong 2019.

“Speechless (ako) at napakasaya kasi wala nang duda yung mga tao. Satisfying win hindi lang para sa akin kundi para rin sa team ko kasi we worked hard for it and yung errors na nagawa ko (dati) nai-tama ko,” ayon kay Pacio sa ginanap na post-fight press conference.

Hindi tulad ng una nilang bakbakan, walang alinlangan ngayon si Pacio sa kanyang pag-atake, lalo na’t walang humpay sa pagsigaw ng kanyang pangalan ang kanyang mga kababayang nasa loob ng arena.

Maliban sa isang suntok mula kay Saruta na yumanig kay Pacio sa unang round, kontrolado ng Pinoy fighter ang laban sa pamamagitan ng kanyang striking at counter punching.

Hindi rin umubra si Saruta sa pag-takedown kay Pacio, dahil ilang beses na nadepensahan ito ng ngayo’y two-time champion.

Sa main event naman, pinabagsak ni defending Featherweight World Champion Martin “The Situ-Asian” Nguyen si Narantungalag Jadambaa sa second round para depensahan ang kanyang trono.

Nasaktan muna ng Vietname-Australian na si Nguyen si Jadambaa ng isang leg kick. At habang iniinda ng Mongolian challenger ang sakit, lumipad ang kampeon at nagpakawala ng isang malakad na flying knee para i-knockout ang kalaban.

Ito ang ikatlong panalo ni Nguyen dito sa Pilipinas, na nagpa-angat sa kanyang record sa 12-3.

“I’m an adopted Filipino,” biro ng 30-anyos na si Nguyen matapos ang kanyang panalo.

Wagi rin ang isa pang Team Lakay fighter na si Edward “The Ferocious” Kelly nang kunin nito ang second-round TKO na panalo kontra Sung Jong Lee ng South Korea sa main undercard

Hindi naman pinalad ang kuya niyang si Eric “The Natural” Kelly, na nakatikim ng kanyang ika-anim na sunod na pagkatalo – knockout sa unang round laban kay Kwon Won Il ng South Korea sa huling laban ng preliminary card.

At sa unang sagupaan sa prelims, nagtala ng first-round submission na panalo si Ramon “The Bicolano” Gonzales kontra Akihiro “Superjap” Fujisawa ng Japan.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment