MATAPOS ANG 14 TAON: PILIPINAS NAKABALIK SA TUKTOK

(NI VT ROMANO)

SA pagtatapos ng 30th Southeast Asian Games, matagumpay na nakabalik ang Pilipinas sa tuktok matapos tanghaling overall champion ng 12-day sports conclave.

Ikalawang beses ito ng Pilipinas, matapos angkinin din ang kampeonato noong 2005 edition na dito rin ginanap.

Kung noong 2005, 113 ginto (85 silvers at 93 bronzes) ang napanalunan ng mga atletang Pinoy, ngayong edisyon ay nakakolekta ang bansa ng 149 golds, 117 silvers, at 119 bronzes mula sa 56 sports events.

Sinimulan nina John Rambo Chicano at Kim Mangrobang ang pagkolekta ng ginto nang mawalis ang men’s at women’s triathlon.

Sinundan ito ng Filipino dancers na nagkamit ng 10 sa dancesport event. Ang nasabing event ay nagbalik sa regional biennial meet makaraan ang 12 taon.

Hindi nagpahuli si world champion gymnast Carlos Yulo nang humugot ng gintong medalya sa men’s all-around event.

Sa unang araw din ng kompetisyon ay nakakolekta ang Pilipinas ng 23 gold medals. Isang medalya lang ang kulang sa kabuuang 24 gold medals na naiuwi ng bansa mula sa 2017 Kuala Lumpur edition.

Nagpatuloy ang pananalasa ng mga Pinoy, muling nakakuha ng ginto si Yulo sa paborito nyang event na floor exercise kinabukasan.

Walang araw na nabokya ang Pilipinas sa gold medal.

Nagsipag-ambag din ang mga pambato sa weighlifting, wushu, taekwondo, swimming, karate, arnis, skateboard, surfing, chess, billiards, cycling, tennis, soft tennis, golf, basketball, obstacle course races at boxing na may pitong ginto, at iba pang events.

Hanggang sa huling araw ng kompetisyon ay nakahirit pa ng 12 golds ang Pilipinas mula sa jui-jitsu, kickboxing at athletics

Bilang centerpiece event, hindi nabigo ang mga kababayan natin nang sumungkit ng 11 ginto ang mga pambato sa athletics.

Binawi ni Fil-Am Eric Cray ang pagkaka-disqualify niya sa 100-meter heat, nang manguna sa 400-meter hurdles (50.21 seconds). Inangkoran din niya ang gold medal finish sa mixed relay team.

Gaya nang inaasahan, wagi rin si Olympic-bound pole vaulter EJ Obiena sa kanyang event.

Nagdeliber din si Kristina Knott nang mag-reyna sa 200-meter dash, bukod pa sa mga record na sinira nito sa heat pa lamang ng nasabing event. Maging ang mga hindi inaasahang maggo-gold na sina Clinton Bautista (110-meter hurdles), Melvin Calano (javelin throw), Aries Toledo (decathlon), Christine Hallasgo (women marathon), at Sarah Dequinan (heptatlon).

Nagdagdag naman ng tatlong ginto ang esports players kahit unang beses pa lamang silang sumabak sa biennial meet.

Matalo na sa lahat huwag lang sa basketball.

Kaya naman hindi lang isa kundi apat na gintong medalya ang sinungkit ng itinuturing na pambansang laro ng Pilipinas.

Sa ika-18 sunod na pagkakataon ay naghari ang Pinoy sa men’s 5×5 event nang talunin ang Thailand, 115-81 sa harap nang may 12,000 manonood na dumagsa sa mall of Asia Arena.

Ngunit ang pinakamalaking tagumpay ay nagmula sa women’s team na nangibabaw kontra Thailang, 91-71, sa kanilang final showdown.

Ito ang kauna-unahang pagkakataong nanalo ang Pilipinas sa women’s basketball event ng Games.
Nauna rito, hinablot din ng Pilipinas ang ginto sa 3×3 event. Tinalo nina CJ Perez, Chris Newsome, Mo Tautuaa at Jason Perkins ang Indonesia, 21-1.

Panalo rin ng ginto ang women’s team nina Afril Bernardino, Jack Animam, Clare Castro at Janine Pontejos laban sa Thailand, 17-13.

Ang tagumpay ng mga atleta ay sapat na upang matakpan ang hindi magandang balitang naglabasan bago pa man magsimula ang palaro.

Tunay na mga bayani ang mga atletang Filipino.

Related posts

Leave a Comment