MAGARBO, MATINDING PAKULO SA SEAG OPENING CEREMONIES

SEA GAMES-5

WALANG kaduda-dudang may mga isinagawang matitinding pakulo ang organizers sa pagbubukas ng seremonya ngayon ng 30th Southeast Asian Games sa Philippine Arena.

Tiyak na magarbo ang opening rites, na ayon sa ating source, ay lubos na magugustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bukod sa mamamalas ng mga opisyal sa isports at maging ng mga atletang ipaparada ng labing-isang kasaping bansa sa Timog-Hilagang palakasan sa Asya,  pinag-aralan din ng organizers ang masinop, masigla at kaligtasan ng bawat isa sa biennial meet na inaasahang panonoorin ng milyon-milyong katao sa iba’t ibang bansa.

Kasado na maging ang mga sasakyan para sa mga opisyal at atletang tutuungo sa Philippine Arena,  maayos ang lahat sa venue,  nakahanda ang PNP,  MMDA at mga enforcers na mangangalaga sa kaayusan ng trapiko at kaligtasan ng mga sasaksi sa kapaligiran ng venue. Tinitiyak din ng mga kinauukulan na hindi makakaporma ang mga mapagsamantalang tao sa kainitan ng pagbubukas ng kada-dalawang taong palakasan hanggang sa pagsasara ng palaro sa Subic sa Disyembre 11.

Ilan sa magpapasigla sa sinasabing makasaysayang okasyon ay ang traditional dance ng mga Filipino, grand parade ng 11 bansang kasapi ng SEAG,  torch relay na siyang magiging simbolo sa pagbubukas ng ‘urna’, mga mensahe ng ibat ibang bisitang sports officials at ang pinakaabangan na maningning na fireworks display.

Ang lahat ng mga ito ay masasaksihan ng ating mga kababayan, sa labas man o sa loob ng inyong tahanan,  basta’t huwag nyo lang kaliligtaan na tumutok sa inyong mga telebisyon o radyo. Siyempre pa sa mga livestreaming na daan para mapanood din ang SEAG opening ceremonies sa iba’t ibang panig ng mundo.

At upang hindi kayo mapag-iwanan ng mga impormasyon hinggil sa mga resulta at kaganapan sa kasagsagan ng mga laro,  humanap kayo ng mga kopya ng Saksi Ngayon at Diaryo Bomba upang masundan ninyo ang mga balita sa mga hinahangaan nyong atleta na makikibaka sa mga atleta sa Southeast Asia.

Ipagdasal at suportahan po natin ang ating Team Pilipinas. Samahan natin sila para: WE WIN AS ONE!

Ngayon pa lamang ay pinasasalamatan na natin ang ating mga atleta at sports officials,  partikular si PSC Chairman William “Butch” Ramirez,  na ang talagang hamon ay kamkamin ang pangkalahatang kampeonato ng 30th Southeast Asian Games. Mabuhay po kayo at ating mga Pilipinong atleta!

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment