GRANDSLAM PRESSURE 

(NI ANN ENCARNACION)

MAS tumindi ang pressure sa San Miguel Beer na masungkit ang ikalawang grandslam title sa Philippine Basketball Associaiton (PBA) matapos maibulsa ang Commissioner’s Cup title kontra TNT Katropa.

Unang napanalunan ng Beermen ang Philippine Cup title kontra sa Magnolia Hotshots sa decider Game 7 noong Mayo bago tinalo ang TNT Katropa sa Game 6 noong Biyernes at isukbit ang ikalawang titulo.

“Naabot na natin ang 2/3 ng target, 1/3 na lamang ang natitira,” sabi ni Robert Non, SMB’s representative sa PBA Board.

Hindi pa rin nakalilimutan ni Non ang masaklap na nangyari dalawang taon na ang nakararaan kung saan halos abot-kamay na nila ang grandslam subalit nabigo sa ikatlong at huling titulo na PBA Governors’ Cup nang matalo sa semifinals sa sister team Barangay Ginebra, na tinalo sa finals ang Meralco Bolts.

Limang koponan lamang ang naka-grand slam sa 43 taong PBA league; Crispa Redmanizers, Alaska, San Mig Coffee, at San Miguel team nina Ramon Fernandez, Hector Calma at Samboy Lim sa ilalim ni coach Norman Black noong 1989.

Sa apat na grandslam teams, tanging Crispa lang ang nakadalawang grandslam, at ito ang tatangkaing pantayan ng Beermen.

At para maisaktuparan ang kanilang misyon, kukunin ng Beermen ang serbisyo ng isang NBA G-League player sa katauhan ni Dez Wells para sa 2019 Governor’s Cup, ayon sa ulat ng Spin.ph.
Ang 27-anyos at 6-foot-5 na si Wells ay naglaro ng isang taon para sa Xavier bago lumipat sa Maryland kung saan siya tinanghal na First Team All-Big Ten ng coaches noong 2015.

Naglaro rin siya para sa Oklahoma City Blue sa NBA G-League bago sa Greece at Italy. Huli siyang naglaro para sa VL Pesaro sa Serie A sa Italy at nag-averaged ng 8.75 points, 3 rebounds at 1.25 assists.

Nabatid na maglalaro na ito para sa San Miguel sa East Asia Super League Terrific 12 sa Macau sa susunod na buwan (Setyembre).

Hindi makakasama sa Macau si June Mar Fajardo na inaasahang magpapahinga muna matapos ang Gilas Pilipinas obligations sa FIBA World Cup ngayong buwan, at Marcio Lassiter na nagpapagaling pa rin sa MCL sprain injury.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment