GINTO SA 2020 OLYMPICS TARGET NG PHL ATHLETES

(NI ANN ENCARNACION)

MATAPOS ang matagumpay na kampanya sa Southeast Asian Games, target naman ng mga atletang Filipino ang 2020 Tokyo Olympics.

Optimistiko ang 387 national athletes na nanalo ng medalya sa 30th SEA Games na may tsansa silang maka-gintong medalya sa pinapangarap ng lahat ng mga atleta sa mundo na Olympics.

Personal na humarap ang mga naturang atleta kay Pangulong Rodrigo Duterte upang magpasalamat sa suporta nito sa kanila sa kada dalawang taong regional tournament kung saan tinanghal na overall champion ang Pilipinas.

“Nagpapasalamat po kami sa pagtulong sa amin ni Pangulong Duterte at pati na sa Philippine Sports Commission (PSC) sa pangangalaga nila sa amin. Gagawin po namin ang lahat ng aming makakaya para maibigay sa pangulo ang pinakamimithing unang gintong medalya sa Olympics,” sabi ng mga atleta sa pangunguna ng skateboarder na si Margielyn Didal ng Skateboarding and Roller Sports Association.

Pinasalamatan mismo ng mga pambansang aleta ang pagbibigay ng buong suporta ng PSC sa lahat halos ng mga pangangailangan simula sa paghahanda, pagsasanay, pagpapadala para lumahok sa kompetisyon, pagbibigay ng mahuhusay na pagkain at nararapat na kasuotan.

“Masayang-masaya ang pangulo lalo na noong makita niya ang mga atleta. Sumasayaw pa nga siya at pumalakpak noong ipakilala sa kanya ang lahat ng mga pambansang atleta. And then, after that, sinabi niya na agad susuportahan ang susunod na kampanya para sa Olympics,” ayon kay PSC Chairman William “Butch” Ramirez.

Mayroon nang dalawang atleta sa kasalukuyan ang Pilipinas na nakapagkuwalipika sa Olympics, sina pole vaulter Ernest John Obiena at men’s artistics gymnastics Carlos Yulo, habang umaasa ang PSC na aabot sa kabuuang 20 atletang Pinoy ang makakapasok sa kada apat na taong sports tournament.

Related posts

Leave a Comment