GINEBRA, NORTHPORT UNAHAN SA SEMIFINALS

(NI ANN ENCARNACION)

AGAWAN sa krusyal na unang panalo ang Barangay Ginebra at NorthPort sa mas pinaikling 2019 PBA Governor’s Cup semifinals simula ngayong gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Ganap na alas-6:30 ng gabi magsisimula ang mas maikling best-of-three semis sa pagitan ng Gin Kings at Batang Pier.

No.4 team ang crowd favorite Kings habang No. 8 naman ang Batang Pier sa pagtatapos ng elimination round.
Bitbit ang two-games incentive, tinapos ng Ginebra ang pangarap na grandslam peat ng sister team nitong San Miguel Beer sa quarterfinals match-up nila.

Na-upset naman ng NorthPort ang No.1 team sa third conference na NLEX Road Warriors at tinuldukan ang inaasam nitong finals appearance.

Lubhang nakapagpahinga ang mga Batang Pier matapos ang matagumpay na quarterfinals campaign nila, na maaaring maging advantage o disadvantage sa kanila.

Samantala, kapaligtaran naman ang Gin Kings na ang ilang players at maging ang coach nito na si Tim Cone ay naging abala sa katatapos lang na 2019 Southeast Asian Games, kung saan napanatili ng Gilas Pilipinas ang paghahari sa men’s basketball event.

Kaya naman inaasahang sasandigan ni Cone ang momentum ng kanyang mga player na hindi mapasusubaliang malaki ang naitulong upang masungkit ng Gilas ang gintong medalya sa SEA Games.

Ang magwawagi sa best-of-three semifinals sa pagitan ng Ginebra at NorthPort ay makakasagupa naman ang magwawagi sa pagitan ng Meralco Bolts at TNT Katropa.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment