DUTERTE MANONOOD NG GILAS VERSUS ITALY 

(NI ANN ENCARNACION)

MATAPOS sabihin na hindi mananalo ang Gilas Pilipinas, bumawi si Pangulong Rodrigo Duterte at nagpahayag na panonoorin niya ang laban ng national team kontra Italy sa 2019 FIBA World Cup sa Foshan, China.

Ito ang tiniyak ni dating Special Assistant to the President at ngayo’y Senador Christopher Lawrence Go matapos na laitin ng pangulo ang Gilas Pilipinas.

“Panonoorin talaga niya (Duterte) ang laban natin kontra Italy dahil importante ito sa kailangan na dalawang panalo para makapasok tayo sa susunod na round. Napagkuwentuhan nga namin na huwag na natin isipin ang Serbia dahil talagang malakas pero dito sa Italy ay may mas tsansa tayo kaya gusto niya manood,” aniya.

Ipinaliwanag ni Go na susuportahan ng pangulo ang national team sa World Cup dahil makakasabay ito mismo sa ikalimang pagbisita nito sa China para makipagpulong kay President Xi Jinping.

Kasalukuyang nasa training camp sa Spain ang Gilas at noong Martes ng gabi (Miyerkules sa Pilipinas) ay kanilang tinalo, 102-80, ang Congo sa isang tune-up match sa Palacio Multiusos de Guadalajara.

Pinamunuan ni naturalized player Andray Blatche ang national team sa tinipong 25 puntos, nagdagdag si Japeth Aguilar ng 22, at 16 puntos si Mark Barroca.

Lahat ng 10-player pool ng Gilas ni coach Yeng Guiao ay nakaiskor laban sa ranked 82nd sa mundo na Congo.
Ilang oras bago ang tune-up game ng Gilas at Congo, nagbiro ang Pangulong Duterte na walang tsansang manalo ang Gilas sa World Cup.

“Problema unang kalaban natin Italy. Wala, talo tayo, walang laban,” sabi ni Duterte Martes ng gabi sa oathtaking ng Filipino-Chinese businessmen sa Malacanang.

“We will lose dito sa Italya. Ang lalaki kaya niyang mga %@#$ na yan,” sabi ni Duterte.

Nabatid na Italy ang unang makakalaban ng Gilas sa FIBA World Cup.

Related posts

Leave a Comment