DURHAM PIPIGILAN

(NI ANN ENCARNACION)

IKALAWANG sunod na panalo na maglalapit sa kanila sa inaasam na kampeonato ang target ng TNT Katropa kontra Meralco Bolts ngayong gabi sa Game 2 ng kanilang best-of-five semifinals series sa 2019 PBA Governor’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Sasandigan muli ng Katropa ang import na si KJ McDaniels sa krusyal na laro sa ganap na 6:30 ng gabi, na maglalapit sa kanila sa unang kampeonato makalipas ang apat na taon.

Samantala, pipilitin ng Meralco na makabawi mula sa masaklap na kabiguan noong Linggo kung saan tinalo sila ng TNT, 103-94.

Binitbit ng dating Houston Rockets import na si McDaniels ang Katropa nang magtala ng 38 puntos, 14 rebounds, tatlong assists at tatlong blocked shots para angkinin ng koponan ang Game 1.

“Nothing to celebrate,” sabi ni TNT Katropa coach Bong Ravena. “Game 1 lang iyan, mahaba pa series.”

Inaasahan ni Ravena na hindi magiging madali ang pangalawang game lalo pa’t ipinakita ng Bolts ang matindi nitong kakayahan na makahabol mula sa 22 puntos na kalamangan.

“We’re glad we won because Game 1 of any series is very important,” ani Ravena. “We have to find ways to stop (Allen) Durham. Iyan ang problema namin so gagawan pa namin ng paraan.”

Sinabi pa ng TNT coach na kailangan nilang ma-limit ang scoring ni Durham.

“If we can stop Durham, mas easier para sa amin. We have to make stops, especially sa kanya.”

Nagtala ang Meralco import ng 32 puntos at 21 rebounds, at naging susi sa pagrally ng Bolts, na sa malas ay masyado nang huli kaya’t naitakas ng Katropa ang panalo.

Related posts

Leave a Comment