COMMISSIONER’S CUP FINALS GAME 1: SIMULA NA NG GIYERA

(NI ANN ENCARNACION)

HINDI pa man nakapagpapahinga ay agad nang sasabak sa panibagong ‘digmaan’ ang San Miguel Beer kontra TNT Katropa sa pagsisimula ng kanilang best-of-seven Commissioner’s Cup championship series.

Ganap na 6:30 ng gabi sa Araneta Coliseum magsasagupa ang nagbabalik sa kampeonato makalipas ang dalawang taon na Katropa laban sa naghahangad na muling maka-grandslam na Beermen.

Nagawang ibulsa ng Beermen ang ikalawang silya sa kampeonato matapos nitong tuluyang takasan ang Rain Or Shine Elasto Painters, 98-95, sa Game 4 ng kanilang best-of-five semifinals Biyernes ng gabi.

Nauna rito ay sinipa naman ng KaTropa noong Huwebes ng gabi sa Game 4 din ang Barangay Ginebra, 103-92.

Gaya ng mga naunang games sa kanilang semifinal series ng ROS, naghabol na naman ang Beermen sa ikaapat na paghaharap nila bago nanalo sa E-Painters.

Inaasahang magiging kapanapanabik ang bakbakan ng TNT at SMB na parehong may dating NBA player na import sa katauhan nina Terrence Jones ng Katropa at Chris Mccollough ng Beermen.

Isa pang kaabang-abang sa finals matchup ng dalawang team ay si Terrence Romeo. May gusto ba siyang patunayan sa pakikipagsagupa sa dating ballclub na ipinamigay siya sa SMB?

“Wala sa akin yun. San Miguel vs TnT,” giit ni Romeo. “Wala, normal game. May the best team win.”

Matatandaan na si Romeo ang dating franchise player ng Katropa ngunit nagkaroon sila ng  “fall-out” kaya’t nagdesisyon ang koponan na i-trade siya sa Beermen kapalit nina Brian Heruela, David Semerad, at future first round pick (2020).

At mula sa pagiging bida sa TNT ay naging supporting role na lang si Romeo sa SMB. Sa kabila nito ay masaya ang 27-anyos na guard na sa wakas ay nakaranas mag-champion noong 2019 All Filipino Cup matapos ang anim na taong paglalaro sa PBA.

“Mahirap silang kalaban. Kailangan mag-focus kami, kailangang makagawa kami ng magandang game plan para sa kanila,” pag-amin ni Romeo. “Siyempre hindi magiging madali, lahat maganda yung nilalaro. Any given night puputok yung locals nila.”

Batid din nito na hindi sila maaaring magrelaks kontra sa Katropa kahit sa unang bahagi ng game, gaya nang nangyari sa serye nila ng Elasto Painters.

“Pag nalamangan kami ng TNT, hindi namin masasabi kung kaya namin ulit bumalik kasi sobrang organized ng TNT. Every possession nila, very organized sila.”

Ayon pa kay Romeo, “I’m sure hindi magiging madali ito kasi sobrang ganda ng nilalaro ng TNT. Kaya kailangan paghandaan namin sila.”

Related posts

Leave a Comment