BEERMEN, KATROPA UNAHAN SA GAME 5: ‘TOSS COIN’

(NI ANN ENCARNACION/PHOTO BY MJ ROMERO)

“BACK to square one” ang TNT Katropa at San Miguel Beer matapos magtabla, 2-2, kaya’t inaasahang  mas magiging mahigpit ang sagupaan ng dalawang team sa krusyal na Game 5 ng 2019 PBA Commissioner’s Cup best-of-seven finals Miyerkoles sa Araneta Coliseum.

Mag-uunahan ang Katropa at Beermen na masungkit ang ikatlong panalo para magkaroon ng bentahe at makalapit sa Commissioner’s Cup crown sa alas-7:00 ng gabi.

Nagawang maitabla ng Beermen ang serye Linggo ng gabi matapos maisahan ang Katropa, 106-101.

Muling ipinamalas ni San Miguel big man June Mar Fajardo kung bakit siya ang natatanging five-time league MVP nang akayin sa panalo ang Beermen sa Game 4 at maitabla ang serye. Nagposte si Fajardo ng 22 points at seven rebounds sa harap ng 13,578 manonood na biggest “so far” sa mid-season conference at “largest finals attendance without Barangay Ginebra” simula noong Game 7 ng 2016 Philippine Cup finals sa pagitan ng San Miguel at Alaska.

“Buti nakuha namin yung panalong ito. Mahirap kasing mabaon sa 1-3, so buti naitabla namin yung series,” sabi ng 6-foot-10 Fajardo matapos ang laro kung saan ginawaran ng Best Player of the Conference si Jayson Castro at Best Import of the Conference si Terrence Jones, kapwa ng TNT Katropa.

Binigyan keredito naman ni Fajardo ang kanyang teammates sa magandang inilaro niya. “Hinahanap ako ng mga teammates ko. Kahit nagmimintis ako, pero hinahanap pa rin nila ako. Binibigyan nila ako ng kumpiyansa, kaya kailangan suklian ko yung tiwala nila.”

Inaasahang sasandigan din ng Beermen ang kanilang import  na si Chris Mccolough na nagtala ng 27 puntos, 22 rebounds, apat na assists, isang steal at isang block at nagbigay ng krusyal na pasa kay Fajardo na nagselyo ng kanilang panalo.

“We just have to play harder and tougher on both offense and defense,” sabi naman ni Katropa coach Bong Ravena.

Umaasa rin si Ravena na mas magkakapagpokus sa kanyang game ang kanilang import na si Jones, na laging may nakakabanggang Beermen, ang pinakahuli ay si Arwind Santos na nakasigawan niya.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment