“ATTRACTION” NG SEA GAMES

seagames12

 SA darating na Southeast Asian Games, kung ikaw ay atleta at hindi basketball, boxing, football o volleyball ang sport mo, malamang ay hindi ka mabigyan ng sapat na pansin.

Alam naman natin lahat na established na ang apat na sports sa Pilipinas dahil ito ang mga paboritong panoorin o laruin ng Pinoy.

Ngunit ngayong SEA Games, pagkakataon na para maipakilala sa mga Pinoy sports fans ang iba pang games sa biennial meet.

Aminin man natin o hindi, may mga sports na imbes na ang laro ang sundan nga mga fans, mas kinagigiliwan nilang masilayan ang kagandahan at kagwapuhan ng mga atleta.

Pero imbes na kutyain natin ang mga sports fans dahil sa tila mali ang kanilang dahilan para manood ng sports, mas mabuti pa na gawin itong pagkakataon para makakuha ng sapat na atensyon.

Hindi naman kaila na ang football, bago tuluyan itong akapin at intindihin ng mga Pinoy, mas unang napansin ang tikas ng magkapatid na Phil at James Younghusband at binudburan pa ng ilang mga European-based Filipino players.

Kinalaunan, natuon na ang pansin ng mga fans sa tunay na ganda ng laro hanggang sa tuluyan nang maka-attract ito ng pure football Pinoy fans.

oOo

Ngayong SEA Games, ilan sa mga sports ay magpaparada ng kanilang mga pambato na hindi lamang magbibigay ng gold medals kungdi sapat na atensyon na din dahil sa kanilang angking kagandahan at kagwapuhan.

Isa na dito si world-rated Karateka Joane Orbon na ipinanganak sa California buhat sa mga magulang na nanggaling ng Bicol at Ilocos.

Umabot sa top 10 ang ratings ng Pinay karateka na mala-Miss Universe ang tindig at itsura nang ito ay miyembro pa ng United States Federation.

Tiyak na mapapamahal agad si Orbon sa mga Pinoy fans dahil sa desisyon nito na iwan ang mas makinang na career sa US at irepresenta ang Pilipinas hindi lamang sa SEA Games kungdi maging sa 2020 Tokyo, Olympics.

Nitong November 13 lamang ay inilabas ng World Karate Federation (WKF) ang desisyon na kilalanin si Orbon bilang atleta ng Pilipinas.

Gaganapin ang mga karate events ng SEA Games sa World Trade Center sa Pasay City

oOo

Sa lahat ng mga sports sa SEA Games, ang skateboarding ang nagnanais na mabago ang imahe pagdating sa paningin ng mga Pinoy.

Sa matagal na panahon, kinunsidera bilang mga “pasaway” sa kalsada ang mga skateboarders ngunit sa Asian Games success ni Margielyn Didal ay unti-unti nang nakakakuha ng respeto ang nasabing sport.

Ngayong SEAG, makakatuwang ni Didal sina Jaime De Lange at Tomas Romualdez pagdating sa paghakot ng medalya at mga karagdagang fans.

Sina De Lange at Romualdez ay maglalaro sa Downhill Skateboarding o ang pagkarera sa kabundukan gamit ang kanilang skateboarding.

Paborito si De Lange sa nasabing event dahil sa international experience kumpara kay Romualdez ngunit tiyak na guguluhin ng dalawa ang isipan ng mga female fans na manonood ng kanilang event dahil wala kang itulak kabigin pagdating sa tikas nilang dalawa.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment