ARANETA, 2020 OLYMPICS CHEF DE MISSION

(NI ANN ENCARNACION)

ISANG dating atleta na naging national football striker ang magsisilbing chef de mission ng Team Pilipinas na sasabak sa 2020 Tokyo Olympic Games.

Ito ay matapos  italaga sa naturang posisyon ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino ang pangulo ng Philippine Football Federation (PFF) na si Mariano “Nonong” Araneta Martes ng umaga.

Inihayag mismo ni Tolentino ang pagkakapili kay Araneta sa harap ng 35 pangulo ng national sports associations (NSAs) sa isinagawang POC general assembly sa Diamond Hotel.

Unang  pagkakataon na uupo sa mataas na puwesto si Araneta na dating miyembro ng national football team noong 1975 hanggang 1985. Naglaro rin siya sa youth team ng Barotac Nuevo at University of the Philippines.

Naging miyembro rin siya ng U-Tex, CDCP at Philippine Air Force squad noong 1977 at 1983 Southeast Asian Games. Kabilang din siya sa 1983 squad na naglaro sa Asian football qualifiers para sa 1984 Summer Olympics.

Optimistiko si Araneta na magiging mabunga ang kampanya ang Pilipinas sa kada apat na taong torneo kung saan huling nakapag-uwi ng medalyang pilak ang weightlifter na si Hidilyn Diaz sa Rio De Janeiro.

Binalewala ni Tolentino ang naging tradisyon na sa POC na ang ikalawang vice president ang itinatalagang CDM sa Olympics.

“I didn’t expect,” ani Araneta sa kanyang bagong posisyon. “Anyway, whatever assignment that is given to us, we have to do our responsibility.”

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment