30th SEA GAMES: SIMULA NA NG TOTAL GUN BAN

guns

(NI JESSE KABEL)

SIMULA bukas (Nobyembre 20) ay mahigpit nang ipatutupad ng Philippine National Police ang total gun ban sa apat na rehiyon sa Luzon kaugnay sa seguridad na inilalatag para sa idaraos na 30th Southeast Asian Games.

Bahagi ng security blanket na inilatag ng PNP at maging ng Armed Forces of the Philippine ang pagpapairal  ng gun ban sa mga lugar na pagdarausan ng kada dalawang taon na biennial meet.

Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, iiral ang total gun ban partikular sa Region 4A o CALABARZON areas, National Capital Region (NCR)  Region 1 (La Union) at Region 3 (Central Luzon).

Nabatid na magtatalaga rin ang AFP-Joint Task Force NCR ng sapat na puwersa para ayudahan ang may 27, 440 pulis na idedeploy ng PNP para sa  SEA Games security kasama na rito ang mga escort sa mga convoy ng mga delegado ng iba’t ibang mga bansa na kasali sa SEA Games.

Ang gun ban sa apat na rehiyon ay ipatutupad simula sa November 20 (Miyerkules) hanggang sa December 14 (Sabado).

Ang pormal opening ceremony ng 30th SEA Games ay gaganapin sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan sa darating na Nobyembre 30, 2019 habang ang  closing ceremony ay gaganapin sa December 11.

Sa mga nakalipas na araw ay todo na ang mga aktibidad ng AFP at PNP bilang bahagi ng iba’t ibang uri ng paghahanda, kasama na rito ang send off ceremony sa mga pulis na itatalaga sa mga venues at mga magiging parte ng delegasyon sa biennial meet.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment