2020 TOKYO OLYMPICS: 70 PINOY ATHLETE SASABAK SA QUALIFYING EVENTS

(NI ANN ENCARNACION)

MAHIGIT 70 atletang Pinoy ang sasabak sa qualifying events para sa 2020 Tokyo Olympics mula sa iba’t ibang National Sports Associations (NSAs).

Sa Hulyo 2020 na ang 2020 Tokyo Olympics kaya nagkukumahog na ang mga pambansang atleta na makapasa sa qualifying events para sa pinaka-prestihiyosong sports tournament sa buong mundo.

Target ng Pilipinas na makapagpadala ng maraming Filipino athletes sa kada apat na taong torneo kasunod ng matagumpay na kampanya sa nagdaang 30th Southeast Asian Games, kung saan naging overall champion ang bansa.

Pitong weightlifters, sa pangunguna ni Rio de Janeiro silver medalist Hidilyn Diaz at kapwa Olympian Nestor Colonia, ang magpapasimula sa kampanya ng Pilipinas para makakuha ng tiket sa 2020 Tokyo Olympics sa pagsalang sa qualifying meet na Roma 2020 World Cup sa Enero 27-31.

Kukumpletuhin naman  ni SEA Games gold medallist Kristel Macrohon at silver medallist Elreen Ando ang anim na IWF sanctioned events sa pamamagitan ng pagsabak sa 2020 Asian Weightlifting Championships sa Nur-Sultan, Kazakhstan sa Abril 20-25, kasama sina Maryflor Diaz, John Ceniza at Jeffrey Garcia.

Pangungunahan nina reigning world champion Nesthy Petecio at Eumir Marcial ang national boxers na sasagupa sa Asia-Oceania Olympic qualifying meet sa Pebrero 3-14 sa Wuhan, China at panghuli sa world Olympic qualifying tournament sa Mayo 13-24 sa Paris, France.

Tatangkain naman ni SEAG double-gold medallist sprinter Kristina Knott na mag-qualify sa Olympics sa pagtakbo sa Asian Athletics Indoor Championships sa Hangzhou, China sa Pebrero 12-13.

Kasama ni Knott na lalaban sa China si pole vaulter Natalie Uy at marathoner Cristine Hallasgo, na nag-dethrone sa dating SEA Games marathon queen na si Mary Joy Tabal.

Maging ang mga golfer na sina Yuka Saso, Dottie Ardina at Bianca Pagdanganan, at karatekas Joane Orbon, Junna Tsukii, Sharif Afif at Jamie Lim ay susubukan na mag-qualify sa 2020 Olympics.

Kabilang pa sa naghahangad makakuha ng tiket sa Tokyo ay sina judoka Kiyomi Watanabe,  BMX cyclist Daniel Caluag, at swimmers James Deiparine at Remedy Rule.

Related posts

Leave a Comment