WALANG TIGIL NA TANGGALAN NG MGA MANGGAGAWA SA HANJIN – PHILS. 

HANJIN WORKER

(Ni Nelson S. Badilla / Ikaapat na bahagi)

KAHIT maraming rek­lamo laban sa Hanjin Heavy Industries Company Inc. – Phi­lippines (Hanjin – Phils.), kailanman ay hindi sumingit sa isipan ng mga manggagawa na malugi upang magsara ang nasabing dayuhang kompanya.

Ito’y dahil hangad ng mga manggagawa na magkaroon ng trabaho na mayroong regular na kita kahit hindi lampas sa binabanggit ng Saligang-Batas ng Pilipinas na suweldong nakabubuhay ng pamilya.

Kaso, habang patuloy na gumagawa ang mga manggagawang Pilipino ng mga barkong pang-internasyonal ang kalidad ay unti-unting na­lagasan ang kanilang puwersa.

300 MANGGAGAWA ANG NATIRA

Batay sa iba’t ibang impormasyong galing sa Department of Labor and Employment (DOLE), Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), Fede­ration of Free Workers (FFW) at mismong Hanjin – Phils., umabot sa 30,000 ang pinakamalaking bilang ng mga manggagawang nagtrabaho sa Hanjin – Phils. na ipinarating sa media.

Ang bilang na ito ang pinakamalaki sa lahat ng kompanya at korporasyong nakabase sa Subic Bay Free Port.

Dahil sa bilang na ito, ipinagyabang ni SBMA Chairman Wilma Eisma ang Hanjin – Phils. sa napakagandang naiambag ng kompanyang ito sa mga manggagawa at kanilang mga pamilya, sa kita ng SBMA at ekonomiya ng bansa.

Ngunit, nakarating sa media na tinatayang 300 manggagawa na lamang ang natira ngayong Marso sa Hanjin – Phils.

Ayon sa mga manggagawa mismo ng Hanjin – Phils., tinanggal ang 3,000 manggagawa bago magtapos ang Pebrero.

Ang 3,000 manggagawa ay ang iwinasiwas sa media ng pamunuan ng Hanjin noong Enero na tatanggalin nila bago sumapit ang Marso upang mabawasan ang sakit ng ulo ng naturang kompanya sa mga bayarin at pagkakautang pa nito.

Naganap nga ang bantang ito ilang araw bago matapos ang Pebrero.

Matatandaang inalis din ang 7,000 manggagawa ng Hanjin noong Disyembre ng nakalipas na taon.

Kung 10,000 lahat ang natanggal mula Disyembre hanggang Pebrero, ibig sabihin umabot sa halos 20,000 manggagawa ng Hanjin – Phils. ang tinanggal na sa kompanyang ito bago pa man naganap ang tanggalan ng 7,000 manggagawa noong Disyembre ng nakalipas na taon.

Ayon sa balitang lumabas sa media, ang 3,000 manggagawang sinibak nitong Pebrero ay pini­lit na lumagda sa isang dokumentong inilabas ng pamunuan ng Hanjin hinggil sa kanilang pag-alis sa Hanjin.

Lumagda ang mga manggagawa, sapagkat ang pangako ng pamunuan ng Hanjin – Phils. ay babayaran sila.

NAGTANGGAL NG MGA MANGGAGAWA DAHIL NALUGI ANG HANJIN

Nang magsimula ang operasyon ng Hanjin sa Pilipinas noong 2008 hanggang nitong nakalipas na taon, umabot lahat sa 121 barko ang natapos ng kompanya.

Kaya, inaasahang kumita nang malaki ang Hanjin – Phils.

Ngunit, idiniin ng pamunuan ng Hanjin na totoong nalugi ang kompanya.

Noong Enero ng taong kasalukuyan, naghain ng petisyon ang pamunuan ng Hanjin – Phils. sa Olongapo Regional Trial Court hinggil sa corporate rehabilitation ng nasabing kompanya.

Idiniin sa petisyon nito na lugi raw ang Hanjin.

Sa kanyang petisyon, ipinaliwanag ng Hanjin – Phils. na “The application for commencement of the rehabilitation process is filed for rehabilitation proceedings in accordance with the Financial Rehabilitation and Insolvency Act of the Philippines and is similar to the corporate rehabilitation procedure under the Law on the Debtor’s Rege­neration and Bankruptcy [Ang aplikasyon para sa daraanan ng proseso ng rehabilitasyon ay inihain para sa hakbanging muling pagbuhay ng kompanya alinsunod sa Financial Rehabilitation and Insolvency Act ng Pilipinas at kapareho sa proseso ng rehabilitasyon ng korporasyon na nakabatay sa  Debtor’s Regeneration and Bankruptcy].”

Kaugnay nito, lumabas sa media ang balita hinggil sa kalagayan ng Hanjin na mayroon itong pagkakautang na $412 milyong lahat sa limang bangko sa Pilipinas at mahigit $900 sa ilang bangko sa South Korea.

Ang limang bangkong pinagkakautangan ng Hanjin – Phils. ay ang Banco de Oro Universal Bank (BDO Unibank), Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC), Bank of the Philippine Islands (BPI), Metrobank Corporation (Metrobank) at Land Bank of the Philippines (LBP).

Maraming nagulat sa bali­tang ito, sapagkat mahigit 120 barko ang tinapos ng Hanjin – Phils. sa nakalipas na taon.

Ang totoo, mayroon pang tatlong barkong tinatapos ang Hanjin – Phils., ngunit ang inihagis na bomba ng dayuhang kompanya sa media ay magsasara na ito dahil nalugi at maraming utang.

WALANG DAPAT IPAG-ALALA ANG MGA BANGKO

Nang lumabas ang suliraning ito ng Hanjin, mabilis na inihayag sa media ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa pamamagitan ng deputy governor nito na si Chuchi Fonacier na “wala raw dapat ipag-alala” ang industriya ng bangko sa Pilipinas hinggil sa pagsasara ng Hanjin – Phils. samantalang multi milyon ang pagkakautang nito sa limang malalaking bangko sa bansa.

Sinabi pa ni Fonacier na ang $412 milyong kolektibong utang ng Hanjin ay katumbas lamang ng 0.24 % sa kabuuang 2.48 porsiyentong utang mula sa foreign currency deposit unit (FCDU).

Gayunpaman, idiniin ng opisyal ng BSP na mahigpit nilang binabantayan ang kahihinatnan ng diskarte ng Hanjin, kasabay ng kanilang pag-alalay at pagtulong dito upang mabayaran ang limang bangko mula sa magaganap na pagsalba rito.

Ang mga pahayag na nagtatanggol sa mga bangkong pinagkautangan tulad ng inilabas na “opisyal na paha­yag” ng BSP ay siyang ikinababanas ng Federation of Free Workers (FFW).

Ayon sa pangulo ng FFW na si Atty. Jose Sonny Matula, ang unang dapat na tinutulungan ng pamahalaan ay ang mga manggagawang nawalan ng trabaho at hindi iyong mga bangko.

Kapag natapos ang pananagutan ng Hanjin – Phils. sa mga manggagawa nito ay saka isunod ang mga bangkong pinagkautangan ng nasabing kompanya. (Itutuloy)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment