WALANG KASONG KORAPSYON LABAN SA MGA TULFO

(Ni NELSON S. BADILLA /Ikalawang bahagi)

MISTULANG kumukulong tubig ang init ng isyu tungkol sa mahigit P60 milyong kinita ng Bitag Media Unlimited Inc. (BMUI) mula sa kontrata hinggil sa serye ng patalastas ng Department of Tourism (DOT) sa programang Kilos Pronto ng BMUI sa People’s Television Network Inc. (PTNI).

Maging ilang journalist ay binabatikos hindi lamang si Ben kundi ang mga magkakapatid na Tulfo (Ramon, Raffy at Erwin) dahil sa anomalyang bitbit ng P60 milyong kita ng BMUI.

Marahil, ang dahilan ay masyadong kontrobersiyal ang tindi ng tapang ng pambabatikos ng mga magkakapatid na Tulfo  laban sa mga tiwali at korap na mga opisyal ng pamahalaan, tapos kumita ng mahigit P60 milyon si Ben Tulfo habang ang kapatid niyang si Wanda Corazon Tulfo – Teo ang siyang kalihim ng DOT.

Paniwala ng mga journalist, napakalinaw ng anomalya.

DOJ, WALANG KASONG KORAPSYON LABAN SA MGA TULFO

Walang dokumento o anomang papel na magpapatunay na kumilos at nagsampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang Department of Justice (DOJ) laban kina Ben at Tulfo – Teo matapos maglabas ng “Notice of Disallowance” ang Commission on Audit (COA) noong Hunyo 5 ng nakalipas na taon.

Wala ring nakuhang impormasyon ang manunulat na ito na nag-utos si Justice Secretary Menardo Guevarra na “opisyal” niyang inatasan ang National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa kontro­bersyal na mahigit P60 milyong kita ni Ben mula sa P120 milyong kontrata ng patalastas sa pagitan ng DOT at PTNI.

Batay sa Notice of Disallowance ng COA, nadiskubre ng state auditors na maano­malya ang transaksyon ng PTNI at BMUI, sapagkat wala itong mga kaukulang dokumento sa pagkakaroon ng kontrata ng patalastas.

Ayon sa COA, walang naipakitang Memorandum of Agreement (MOA) o Certificate of Performance (COP) ang PTNI sa pagbabayad ng mahigit P60 milyon sa BMUI.

Ito ang malakas at matibay na batayan ng COA, kaya naglabas ito ng Notice of Disallowance sa DOT tungkol sa transaksyon.

“Due to the absence of the documents mentioned and the deficiencies noted, the accuracy, legality and validity of the payments made to Blocktimer BMUI in the amount of P60,009,560.00 could not be ascertained,” banggit ng COA.

Mismong mga tao sa accounting department ng PTNI ang umamin sa COA na walang MOA o COP ang sinasabing kontrata sa pagitan ng PTNI at BMUI.

Sa rekord ng PTNI, tatlong tseke ang inilabas nito para sa BMUI noong 2017 na ang kabuuang halaga ay P60,009,560.

Ang unang tseke ay P22,089,560 ang kabuuang halaga na inilabas noong Mayo 11, 2017 na may disbursement voucher number 17050779.

Ang ikalawang tseke na inilibas noong Nobyembre 8,2017 ay naglalaman ng P18,960,000 na mayroong disbursement voucher number 17102125.

Noong Disyembre 15 ng parehong taon inilabas ang tsekeng P18.96 milyon ang nakasulat na halaga na mayroong disbursement voucher number 17122485.

Idiniin ng COA maano­malya ang pagbibigay ng P60 milyon kay Tulfo, sapagkat labag ito sa Presidential Decree No. 1455, serye 1978 (Government Auditing Code) at ng COA Circular No. 2012-001.

Nakasaad sa mga ito ang mga rekisito at kailangang dokumento kapag naglalabas ng pera  sa ibang kumpanya ang kompanyang pag-aari at pinamamahalaan ng gobyerno.

IMBESTIGASYON NG SENADO, WALANG SAYSAY

Hindi kinilala at sinunod ng DOJ ang resulta ng imbestigasyon ng Senado.

Matapos ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committe, sabi sa mga mamahayag ng pinuno nito na si Senador Richard Gordon, “definitely, very patent ‘yung conflict of interest.”

Inulit at idiniin ni Gordon sa media na “there is a clear conflict of interest.”

Ipinunto rin ng mambabatas na tama ang posisyon ng COA laban sa kontratang pinasok ng DOT sa PTNI na mayroong paglabag sa Auditing Code at resolusyon mismo ng COA.

Kaya, tiniyak ni Gordon na irerekomenda niya ang pagsasampa ng kasong graft and corruption laban kina Ben Tulfo at Tulfo – Teo dahil sa conflict of interest.

Ngunit, hanggang ngayon ay hindi kumilos ang DOJ alinsunod sa natumbok ng Senate Blue Ribbon Committee na posibleng paglabag sa ilang batas ng bansa.

Hindi rin naghain ng kasong plunder si Senador Antonio Trillanes IV laban kina Ben at Tulfo – Teo sa Office of the Ombudsman, taliwas sa inaasahan.

Matatandaan na walang tigil na idinidiin ni Trillanes sa live telecast na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa magkapatid na Tulfo ang konsepto ng plunder o pandarambong.

Sabi pa ni Trillanes noon na pasok sa kasong plunder ang kontrata ng DOT sa PTNI kung saan komite ng milyun-milyon si Ben Tulfo, sapagkat lampas sa P50 milyon ang sangkot na pera.

Batay sa batas, korapsyon ang kaso kapag mababa sa P50 milyon ang sangkot na halaga ng perang kinulimbat.

Ngunit, nabatid ng manunulat na ito na nanahimik si Trillanes sa isyu pagkatapos ng imbestigasyon sa Senado.

Sa madaling salita, walang isinampang kasong graft and corruption sa Office of the Ombudsman laban sa magkapatid na Ben Tulfo at Wanda Corazon Tulfo – Teo o sinuman sa mga opisyal at kawani ng DOT at PTNI na sangkot sa kontrobersyal na P120 milyong kontrata ng patalatas sa pagitan ng DOT at PTNI na patungkol sa posibleng paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.  (Itutuloy)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment