TARA LARO TAYO!

LARONG PINOY-2

Sa ilalim ng sikat ng araw, puting ilaw ng bilog na buwan…

(Ni Mac Cabreros)

KUNG maibabalik lang ang kahapon. Iyong bakas ng a­king kabataan. Oo, gusto kong bumalik ang aking alaala noong ako’y bata na masayang nakikipaglaro sa mga kapwa ko bata.

Sa pagsikat ng awiting “Puting Ilaw”, makailang ulit din pumailanlang sa aking gunita ang alaala ng aking kabataan kung saan ibang iba ngayon sa pagsibol ng makabagong kabataan.

Noon, sa ilalim ng pu­ting ilaw ng bilog na buwan, sumasabog ang alingawngaw ng tawanan sa larong taguan.

Noon, pagkabukad ng liwayway ay kasama na ang kalaro ng patintero, holen, trumpo, tumbang preso o tatsing lata, syatong, piko, sipa.

Noon,  sa sinag ng dapithapon, ay naaninag ang anino ng nagluluksong-tinik o luksong baka.

Noon, kasabay ng patak ng ulan ay naglalaro naman ng sungka, pick-up stick,, scrabble at word boggle.

Noon, pinakamasaya pa­ra sa laro ng mga kabataang babae kasabay nang pagkanta ang “bubuka ang bulaklak, dadaan ang reyna, kekembot-kembot pa”.

Walang patid na saya ang dulot ng kabataan na madalas ay nagtutungo rin sa tabing dagat upang doon makipaghabulan sa alon kasama ang iba pang kaibigan na minsan sa sobrang kakulitan ay magkakayaan pa na magpunta sa laot gamit ang bangka at doon magpapagalingan sa pagla­ngoy.

Ang sayasaya. Walang kasingsaya.

Kumpara ngayon nasa computer age na tayo. Mas masaya kaya? Mas maganda kaya?

Sa pagpasok ng techno­logy sa buhay natin. Iba’t ibang laro ang nalikha. Tinawag na eSports.

Gamit ang gadyet tulad ng mobile phone, tablet at desktop, nakalalaro na tayo ng Tekken at Mobile Legend at marami pang iba.

Sa keyboard, joystick at maging ating mga daliri ay nakokontrol ang galaw ng laro. Gumagana ating utak. Tumatalas ating isip.

Ngunit, base sa pag-aaral ng mga dalubhasa, may masamang epektong dulot o likha ng paglalaro gamit ang gadyet.

Bukod sa nababawasan ang locomotive power ng katawan, nakasisira pa sa mata ang radiation mula sa gadyet.

Hindi na rin nagiging palakaibigan ang mga bata dahil hindi ito nakakikihalubilo sa kapwa bata. Madalas kasi nasa loob ng bahay o internet shop tahimik at nakatutok sa laro sa gadyet.

Nagiging tamad na rin. Hindi pinapakinggan at tumatalima sa utos ng magulang. Minsan nama’y nagiging hyper dahil nadadala sa laro.

May nabasa akong komento: Mas gusto nilang tahimik na naglalaro ang mga bata sa loob ng bahay gamit ang gadyet. Ito, naiingayan sila sa mga batang naglalaro sa kalye at minsan nabubulabog sila kapag tumama sa pinto ang tumalsik na lata sa tumbang preso.

Bukod dito, ayon naman sa isang komento, mas ligtas ang mga bata sa masasamang loob gaya ng mga napaulat na may grupong ‘dumadagit ng bata’ at kinukuha ang ‘organ’ o mahalagang bahagi ng katawan at ibebenta sa manga­ngailangan ng ‘organ transplant’.

Sa ganang atin, mas maganda ang larong lansa­ngan. Bukod sa masaya, nagiging malakas ang katawan ng bata dahil napapagana ang lahat ng bahagi ng katawan nito sa pagtakbo, pagtalon, pagsipa, paghalakhak at pag-iisip kung anong istratehiya ang gagamitin para manalo sa laro.

Nagiging matulungin din. Sabi nga ng isa naming kaibigan, pagkatapos ma­nguha ng panggatong, pag-igib, pagkuha ng damong pakain sa alagang hayop, paghugas ng pinagkainan at paglalaba ay karipas nang sumali sa laro ng kapwa bata.

Sa pakikipaglaro sa kap­wa bata, napapanday din ang tigib na pakikisalamuha at pakikipagkaibigan. Nandyan din ang mapagpakumbaba at paghingi ng ‘sorry’ dahil minsan ay hindi maiiwang nagkamali at nakakasakit kahit hindi naman sinasadya.

Kaya, kung maibabalik lang ang kahapon. Wish ko lang: maibalik ang iba’t ibang larong lansangan sa ilalim ng sinag ng araw sa puting ilaw ng bilog na buwan.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment