TAPOS NA BA ANG LABAN? (2)

(Ni Nenet L. Villafania)

MATAPOS ang halos sampung taong pag-antabay sa kaso ng Maguindanao ­massacre, inaasahang mabibigyan katarungan na rin ang pamilya ng mga ­pinaslang.

Ilang panahon ding nagsakripisyo ang mga mamamahayag sa pag-aantabay sa kaso.

Sa bisperas ng ika-apat na anibersaryo ng masaker, nag-alay sila ng mga ­panalangin para sa mga biktima sa isang misa na ipinagdiriwang ni Fr. Robert Reyes sa University of the Philippines (UP) College of Law sa Quezon City, kasama ang mga kaanak ng mga biktima.

“Sampung taon ­kaming naghintay,” ani Arlyn Arriola, asawa ng cameraman ng UNTV na si McDelbert Arriola, isa sa mga biktima. “Malaki na ang aming anak na lalaki. Baka sakaling makakamit na ng kanyang ama ang hustisya. Halos 12 days lang silang ­nagkasama ng kanyang ama dahil kapapanganak ko pa lamang nang mangyari ang trahedya.”

Umaasa rin ang biyuda ng journalist na taga-Koronadal na si Joel Parcon na maibibigay ng gobyerno ang kanilang hinihiling.

“Humingi kami noon ng tulong sa gobyerno para sa kumpensasyon dahil namatay ang aming “breadwinner” at wala kaming pagkukunan ng ikabubuhay,” ani Mrs. Parcon, “ngunit di kami pinakinggan kaya humingi kami ng tulong sa UN Human Rights Committee (UNHRC).

Dahil abugado nila noon si Harry Roque, ito ang humimok sa International ­Covenant on Civil and ­Political Rights (ICCPR) na bigyang-pansin ang paglabag sa karapatan ng mga biktima upang mabuhay. Dahil wala pang resulta ang kaso, nahihirapan ang mga kaanak ng biktima na buhayin ang kanilang pamilya at sustinahin ang gastos sa mga pagdinig.

Ngunit ayaw magbayad ng Malacañang dahil napakalaki umano ng hinihingi ng mga naiwan ng mga biktima. Ang ilan sa kanila ay ­humihingi P2 milyon kumpensasyon, at kung ibibigay raw umano ito ng gobyerno ay sobra-sobra. Katwiran naman ng pamilaya ng mga biktima, kung kinaya ng gobyernong magbayad sa pamilya ng mga mamamayan ng Hong Kong na napatay sa 2010 hostage-taking sa Luneta, bakit hindi sa kanila?

Sinusugan naman ito Rommel Bagares, isa pang abogado para sa mga kamag-anak ng mga biktima, at sinabing ang mga ­ordinaryong mamamayan ay maaaring magsampa ng reklamo sa United Nations para sa paglabag sa kanilang mga karapatan.

Si Roque at Bagares ay ilan sa naging inspirasyon ng kasong libel na isinampa laban kay Davao City broadcaster Alex Adonis, tauhan ni dating Speaker at namayapang Prospero Nograles.

Sa ngayon, nabigyan ng pondong pangkabuhayan ang ilan sa pamilya ng mga biktima sa Maguindanao Massacre, ngunit liban dito ay wala na ­silang napala. Mabuti ito ­kaysa wala, ayon sa ilan, ngunit para sa iba, ito ang hindi sapat.

“Sa simula, pakikinabangan,” ayon kay Editha Tiamzon, 52, biyuda ng ­cameraman ng UNTV na si Daniel Tiamzon, “pero pera ang kailangan namin dahil nag-aaral pa ang mga anak namin.” Tatlo ang anak ni Tiamson na may edad 13, 18 at 19.

Hanggang sa bumaba sa tungkulin si Aquino ay wala nang narinig sa kanya ang mga pamilya ng biktima ng ­Maguindanao Massacre.

Mahirap limuting 58 biktima, kabilang ang 32 journalists ang minsan ay nagkatuwaang sumama sa isang convoy ng mga kotse patungo sa bayan ng Shariff Aguak, kapital ng Maguindanao ­Province. Wala sa hinagap nilang sa kalagitnaan ng biyahe ay pahihintuin sila ng mga tauhan ng angkan ng mga Ampatuan, kabilang ang mga pulis at sundalo, sa bayan ng Ampatuan. Pinagbabaril sila at inilibing sa isang malaking hukay gamit ang isang backhoe, sa isang burol. Parang mga hayup na pinagsama-sama sa isang hukay.

Matagal nang namamayani sa kapangyarihan ang mga Ampatuan sa lokal na pulitika sa Autonomous Region sa Muslim Mindanao. Kaalyado nila noon si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, at natatandaan pa ng inyong lingkod ang ilang press conferences na ginawa sa Sulu Hotel sa Quezon City, upang iendorso ni Arroyo si Andal Sr. Kapalit nito, landslide ang Maguindanao Province pabor kay Arroyo nang tumakbo siya sa pagkapangulo noong 2004.

“Si Alejandro Reblando Jr., 32, anak ng Manila Bulletin reporter na si Alejandro “Bong” Reblando, ay umasa sa pangako ni Aquino na makakamit ng mga biktima ang hustisya.

Maraming mamamahayag ang nag-aalinlangan pa ring malulutas ang kaso kahit pa dedesisyunan na ito sa ­Nobyembre. Binibigyang sisi nila ang Justice System sa bansa. Malaki naman umano ang naiturong ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno para subaybayan ang mga paglilitis, ngunit “hindi sapat na masubaybayan lamang ito.”

“Ilang taong status quo ang kaso at ito ay hindi katanggap-tanggap sa aming mga miyembro ng media at sa pamilya ng mga biktima,” ayon kay Angie de la Cruz, reporter ng Pilipino Star ­Ngayon.

Umaasa rin ang Justice Now Movement (JNM), ­samahan ng mga pamilya ng namatay na journalists, na matatapos na ang kanilang ­laban para sa hustisya. Ngunit duda pa rin si Grace Morales, JNM secretary. “Hanggang walang hatol na pabor sa amin, hindi kami matatahimik, at patuloy kaming magkakaisa at determinadong makipaglaban hanggang makuha namin ang tamang hustisya,” aniya.

Sa magaganap na ­paghahatol, hindi lamang ang Pilipinas ang nakaabang kundi ang buong mundo – at sana at maging makatarungan ito.

Related posts

Leave a Comment