TANIM ANG MGA EBIDENSIYA?

AKTIBISTA

(Ni Nelson S. Badilla / Ikatlong bahagi)

MARAMING orga­ni­sasyong kabilang sa kaliwang puwersa ang bumatikos at kumondena sa ginawang pag­lusob at pagdakip ng mga awtoridad sa mga aktibista sa Bacolod City noong Oktubre 31.

Ang maanghang magsalita at matulis ang dila sa kanila ay si Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate na nagsabing: “Bayan Muna strongly condemns the dastardly Gestapo-like raid… simultaneously conducted by state forces against the offices of Bayan Muna, Gabriela and NFSW in Bacolod, Negros Occidental.”

Ang punto ni Zarate ay panggigipit na matatawag ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Phi­lippine National Police (PNP) dahil inilunsad ito “a night before a long weekend so as to ensure that the courts are closed tomorrow so that the planted pieces evidence and subsequent trumped-up charges filed cannot immediately be challenged.”

Nang banggitin ni Zarate ang salitang Gestapo, ito ay pumapatungkol sa “Geheime Staatspolizei” na Gestapo ang maiksing pangalan.

Ang Gestapo ay ang sikretong organinsasyon ng pulisya sa Prussia. Itinatag ito ni Hermann Göring noong 1933.

Sa kalaunan ay hindi lang sa Prussia ito kumilos at umatake, kundi sa lahat ng bansang sakop at kontrolado ng Germany na nasa kontrol at paghahari ng Nazi (National Socialist) na ang pinuno ay ang diktador na si Adolf Hitler.

Malupit ang Gestapo dahil mabagsik, nakakatakot bukod sa  nakamamatay ang sikretong operasyon nito laban sa mga kalaban ni Hitler, sa partikular, at sa Nazi, sa pangkalahatan.

Sa ganitong pagsasalarawan, malayo sa estilo ng Gestapo ang operasyon ng pinagsamang puwersa ng AFP at PNP sa mga opisina ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Ba­yan Muna, Gabriela, Negros Federation of Sugar Workers (NFSW) sa Bacolod City.

Wala namang sinaktan, ginulpi at pinatay sa mga suspek nang pagtatago ng mga baril at bala.

Ngunit, ayon sa mga abogadong nakausap ng Peryo­dikoFilipino writer na ito, maaaring kuwestyonin sa korte  ang ginawa ng mga tauhan ng AFP at PNP.

Ipinagtanggol ng bagong punong mahistrado na si Diosdado Peralta ang hukom na nagpalabas ng search warrant.

Ani Peralta, walang ilegal sa pag-isyu ng search warrants ni Quezon City Regional Trial Court Executive Judge Cecilyn Villavert  sapagkat sinunod ng hukom ang lahat ng alintuntunin ng hudikatura bago maglabas ng search warrants.

Tinukoy pa ni Peralta ang ang paglalabas ni Villarbert at kahit ng executive judge ng Manila RTC ng search warrants bagaman sa labas ng kanilang nasasakupang lungsod ay alinsunod pa rin sa legal na batayan na ipinag-utos ng Circular AM No. 03-8-02-SC.

Sabi ng KMU, Bayan Muna at Gabriela, itinanim lang ng AFP at PNP ang nakuhang mga baril at bala sa kanilang mga tanggapan.

Ngunit, wala silang naipakita sa media na nakakukumbinsing ebidensya na ‘magsasalya’ at ‘magbabasura’ sa operasyon ng militar at pulisya laban sa kanila.

Sinegundahan ng KAPARATAN ang pahayag ng KMU, Bayan Muna at Gabriela kahit wala ang mga opisyal at miyembro nito sa aktuwal na operasyon ng AFP at PNP sa Bacolod City.

Ang KARAPATAN ay isang leftist-human rights organization na kakampi ng KMU, Bayan Muna at Gabriela sa pakikibaka upang makamit ang pambansa demokratikong lipunan sa bansa.

Sabi ng Officer-In-Charge ng PNP na si Lieute­nant General Archie Francisco Gamboa, patunayan ng KMU, Bayan Muna, Gabriela at NFSW sa korte ang kanilang akusasyong “itinanim” ang mga ebidensiya.

Ani Gamboa, palagi namang sinasabi ng mga kaliwa na itinanim ang mga ebidensiya tuwing mayroong operasyon laban sa kanila. (Itutuloy)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment