TANGLAW

S-LIGHT

Likha ng Talino at Talento

(Ni MAC CABREROS)

O, ILAW sa gabing madilim.

Kada buwan, napapakamot tayo ng ulo sa sandaling dumampi sa ating kamay ang bill ng kuryente.

Dahil hindi natin alam kung saan tayo kukuha ng pambayad sa kuryente, napapatingin na lang tayo kung saan-saan at mahagilap ang lahat ng sulok ng ating bahay, mula sa kaha, aparador at drawer.

Mahalungkat din natin ang ating pitaka, mabaliktad ang bulsa at minsan napipilitang biyakin ang alkansya. At maging mangutang sa ‘5-6’ at magsangla ng alahas o gamit.

Pero, malamang hindi na tayo hahantong sa nabanggit na situwasyon. Hindi na magiging sakit ng ulo natin ang mataas na singil sa kuryente.

Ito ay sa sandaling ganap na tagumpay ang naimbentong device na “S-Light” ng Team Voltage 5 mula sa Iloilo na wagi sa tinanghal 2019 National Aeronautics and Space Administration (NASA) Space Apps Challenge na itinaguyod ng Embada ng United States sa Pilipinas.

“Our invention creates electricity from sound, a waste product of human activity.  We created S-light to give light to future aspiring professionals in areas with inadequate electricity,” paliwanag Nico Andrei Serrato, team leader ng Voltage 5.

Kasama ang S-Light ng Voltage 5 ang Team Techno PH na gumawa ng Apps para mapalakas ang internet sa coastal communities na nanalo sa Iloilo leg ng NASA Space Apps Challenge.

Bukod kay Serrato, miyembro ng grupo sina Kirsten Dianne Delmo, Joecile Faith Monana, Frelean Faith Engallado at Raphael Francis Dequilla, pawang Grade 11 students ng Philippine Science High School – Iloilo.

“S-Light can give ample and consistent supply of electricity to families in rural areas with inadequate access to this resource,” pahayag pa Serrato.

Ani grupo, nagpapasalamat sila sa Dios at nabibiyayaan sila ng talino at talent lalo sa agham at teknolohiya para makaimbento ng gamit na makatutulong ng malaki sa sangkatauhan lalo sa sambayanang Filipino.

Likas na malikhain ang mga Pinoy. Matatag. Maabilidad at kayang mamuhay kahit sa pinakasikip o mahigpit na situwasyon. Nakakagawa ng paraan para makaalpas sa dilim.

Nandiyan din ang ‘A Liter of Light’ o ‘Isang Litrong Liwanag’ ng MyShelter Foundation.

Gamit lamang ng plastic bottle, kahit sino, maging binatilyo o dalagita, ay kayang gumawa nito. Lagyan lamang ng malinaw na tubig at chlorine saka selyuhan o takpan ang bote. Ikabit sa bubong (nabutasan ng kasinglaki ng botelya). At presto, mayroon ka nang instant solar light bulb dahil mag-refract ang liwanag ng araw sa loob ng bahay.

Sa ngayon ay in-upgrade ang Solar Light Bulb. Nilagyan na ito ng bombilya na pinapailaw ng kuryenteng nakaimbak sa baterya mula sa nakakabit na solar panel.

Layon ng proyekto na magkaroon ng ilaw ang ‘madidilim na bahay at buhay’ lalo ng mga mahihirap na pamilya. Bukod sa makakamenos sa gastusin sa kuryente, target din ng proyekto na maibsan o tuluyang maging zero ang carbon emission na siyang nakakapagdulot ng masamang epekto sa kalikasan na siyang sanhi ng climate change at ugat naman ng sobrang init (El Nino) at lamig o La Nina kung saan nagkakaroon ng malalakas at mapaminsalang bagyo.

Ang paggamit ng renewable energy gaya ng solar, wind at hydro bukod sa ngayo’y maging ingay o tunog ay malaking tulong upang gumaan, bumuti at matiwasay ang ating pamumuhay.

Maraming salamat sa ating kababayan nabibiyayaan ng talino at talentong tumuklas at makagawa ng paraan o solusyon sa ating mga problema. Marapat lamang na bigyan natin ng pagpupugay. Mabuhay!

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment