TALIM ISLAND CASINO TARGET NI LUCIO TAN

TALIM ISLAND

(Ni Fernan J. Angeles)

SAWA na marahil si Filipino Chinese business tycoon Lucio Tan sa yaman mula sa kanyang negosyo ng paggawa ng nakakamatay na sigarilyo.

Bukod sa mataas na buwis bunsod ng sin tax law, kaliwa’t kanang kaso pa ang kanyang patuloy na hinaharap sa iba’t ibang sala ng husgado.

LUCIO TAN-4Bagamat hindi gaanong aktibo sa kalakalan, tahimik na itinutulak ng kanyang mga pinagkakatiwalaang business brokers ang isang bagong negosyong kinahuhumalingan ng maraming Pilipino (may kaya man o yaong mga pobre) — sugal.

Sa isang eksklusibong panayam sa ilang mga residente ng Talim Island na sakop at pinaghahatian ng mga bayan ng Binangonan at Cardona sa lalawigan ng Rizal, masigasig ang panghihimok sa kanila ng isang grupong umano’y kumakatawan sa mga kumpanya ng nasabing business tycoon na si Lucio Tan.

Anila, nais bilhin ng nasabing mga emisaryo ang kanilang mga lupain bilang bahagi ng isa umanong malaking proyektong pang turismong magbibigay raw ng ginhawa sa mga mamamayan ng nasabing pamayanan.

Ang Isla Talim ay isang nakabibighaning tanawin dahil sa ito ay matatagpuan sa pusod ng Laguna de Bay at matatanaw mula sa mga lakeshore ang mga munisipalidad na nakapalibot sa nasabing lawa.

Bukod sa salaping alok para sa kani-kanilang mga lupain, pangako anila ng nasabing grupo na bibigyan sila ng hanapbuhay at gagawan ng isang kominidad kung saan ilalagak ang mga pamilyang ma-aapektuhan ng kanilang bagong buisness venture — isang malaking casino na nakakubli sa likod ng world-class hotel and resort.

Di hamak na mas mataas kaysa sa “existing market value” ang alok na presyo sa kanilang mga lupain, dahilan upang ang ilan sa kanila ay tuluyang nakumbinsi at ganap nang naibenta ang kanilang lupain sa Isla Talim.

Gayunpaman, nanatiling may agam-agam ang marami sa kanila — kabilang si Chino Erasga Cerda na nagpahayag nang pagtutol sa nasabing proyekto ni Tan.

Si Cerde na kasaluku­yang nasa Estados Unidos ay nananatiling nagmamay-ari ng ilang mga lupain sa Talim Island. Ang nasabing mga lupa, aniya ay bahagi ng mana mula sa kanyang mga magulang na pawang tubong Isla.

Bagamat malayo sa kanyang tinubuang bayan, patuloy ang kanyang pakikipag-ugnayan at panaka-nakang pagbibigay ayuda sa mga taga Isla Talim na kanya umanong “kinamulatang tahanan.”

Aktibo din siya sa isang kilusang naglalayong pangalagaan at protektahan ang Isla Talim laban sa mga nagtatangkang “abusuhin o babuyin” ang kanilang isla.

Mayroon din siyang isang binuong grupo ng mga environmental advocates para sa Isla Talim.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment