STL KUBRADORES SINISISI SI DUTERTE

DUTERTE-49

(Ni Jun V. Trinidad / Ikatlong bahagi)

MARAMI ang gu­ma­galang kay Pangulong Duterte. Sinasabi ng mga ito na karamihan ng hakbangin ng punong ehekutibo ay pawang para sa mahihirap na mamamayan ng bansang Pilipinas.

Ang pagpayag niya sa i­lang mga gawain na pumapabor sa mga mahihirap na bumoto sa kanya sa pag-aakalang siya ang pag-asa ng bansang tinaguriang “Perlas ng Silangan” ay halos sumamba sa kanya noong bago pa lang siya sa puwesto.

Ang mga taong ito ang nagtatanggol sa kanya sa lahat ng batikos na kanyang tinatanggap kabilang ang mga mamamayan ng ibang bansa na nakatuon ang pansin at atensiyon sa nangyayari sa Pilipinas na malakas ang pagkontra sa bawal na droga.

Ngayon, tila iba na ang nangyayari. Matapos ipatigil ang operasyon ng ilang ga­ming schemes sa ilalim ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) halos marami ang naninisi kay Pangulong Duterte.

PNP hahadlang sa Jueteng

Sa unang panayam sa ilan sa mga ito ay sinisisi nila si Pangulong Duterte sa muli nilang gagawing pagbabalik sa iligal na gawain.

“Sinunod namin si Tatay Digong. Nagbabagong buhay na kami. Pero siya rin ang nagtutulak sa amin ngayon na mu­ling bumalik sa dating gawain. Ayaw na namin pero wala ka­ming magagawa,” ang pahayag ng isa sa kanila sa panayam ng Diaryo Bomba.

Sa nauna ring panayam ay mariin naman ang babala ni Colonel Audie Madrideo, Quezon police director, na nakahanda ang puwersa ng kapulisan na hadlangan ang mu­ling pagsigla ng jueteng at iligal na droga pagkatapos na itigil ang legal na sugal.

Inamin ni Madrideo na inaasahan na nila ang muling pagbabalik ng operasyon ng jueteng sa lalawigan. “Pero nakahanda kami sa pagpapatigil sa kanila. Hindi dahilan ang kahirapan para gumawa ng labag sa batas. Huhulihin din namin sila,” ang babala pa ng opisyal ng PNP.

Binalaan din ni Madrideo ang mga hepe ng lokal na pulisya sa 39 na bayan at 2 siyudad sa lalawigan sa pinaiiral ng Philippine National Police na “one strike policy” laban sa mga hepe ng pulis na mapapatunayang may operasyon ng iligal na sugal sa kanilang nasasakupan.

Maraming “bangkero”

Sa ilalim ng nasabing polisiya, agad na sisibakin ang hepe ng pulis kapag nadiskub­reng may ipinagbabawal na sugal sa kanyang bayan dahil tumanggap ng suhol ang opis­yal ng pulis.

Ayon kay Aling Teresa at Marta, nakahanda na ang mu­ling operasyon ng jueteng kung sakaling hindi pahihintulutan ng Malakanyang ang pagbabalik ng STL.

“Marami ang gustong magbangka (kapitalista). Sila yung mga dating maliliit na operators ng bookies. Hindi na naman sila bago sa operasyon dahil ginagawa na nila ito ma­ging noong may STL pa,” ani Marta.

Maski na may STL ay naging laganap din ang operasyon ng “bookies” sa iba’t ibang panig ng Quezon.

Hinihikayat ng mga ope­rators ng “bookies” ang mga lehitimong kubrador ng STL sa ilalim ng Pirouette Corp. – ang may prangkisa sa operasyon ng loterya sa lalawigan – na sa kanila isulit ang bahagi ng kanilang koleksyon sa STL kapalit ng mas mataas na komis­yon.

Hindi na nagsasagawa ng kanilang “draws” o pagbola ang “bookies” at sa halip ay sinusunod na lang nila ang lumabas na kumbinasyong numero sa regular na bola ng Pirouette mula sa kanilang draw center sa Lucena City. (May karugtong)

Please follow and like us:

Related posts

One Thought to “STL KUBRADORES SINISISI SI DUTERTE

  1. agarang pagbabalik po sa stl mahal na pangulo

Leave a Comment