STL KUBRADORES MAPIPILITAN SA JUETENG

JUETENG-7

(Ni Jun V. Trinidad / Pangalawang bahagi)

TILA nawawalan na ng pag-asa ang ilang nagpapataya ng STL na muling magbubukas ang la­ngit para sa panawagan nila na ibalik ang pinagmumulan ng kanilang hanap-buhay bagaman tinawag na nila ang mga santo na tulungan sila habang ang ilan ay naglakad pa ng paluhod upang bigyang linaw ang kaisipan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang STL upang magkaroon sila ng legal na trabaho.

Ito ay dahil ayaw na ng marami sa mga kubradores na bumalik sa dati nilang trabaho na itinuturing na iligal.

“Balik jueteng”

Ang sinasabi nilang iligal na trabaho na muli nilang babalikan ay ang “jueteng”.

Aminado ang dalawa na pareho silang dating kubrador ng jueteng bago magsimula ang STL sa lalawigan ng Quezon noong 2006.

Isa ang Quezon sa mga lugar sa bansa na unang nagkaroon ng operasyon ng STL sa hangarin ng pamahalaan na sugpuin ang malaganap na jueteng at makolekta sa porma ng buwis ang malaking salapi na kinikita sa iligal na sugal na pinagpapartehan lang ng mga korap na opisyales ng Philippine National Police (PNP) at lokal na pamahalaan.

“Pareho din naman ang trabaho. Mas doble ingat lang sa jueteng dahil iligal. Lalo ngayon na mainit ang pulis dahil sa utos ni Tatay Digong,” ani Aling Teresa, na noong 20 anyos pa lang ay kubrador na ng jueteng.

“Namana ko ang pangu­ngubra sa aking nanay na minana rin ang trabaho sa kanyang nanay na aking lolang namatay na,” ang kuwento niya.

Nagtataka nga ang bete­ranang kubrador kung bakit biglang naging mabalasik ang pangulo sa legal na sugal ganoong kamakailan lang ay ipinahayag pa nito na mas papaboran niya ang operasyon ng jueteng kaysa iligal na droga.

“Bakit ganoon? Ang dali niyang makalimot sa kanyang mga sinasabi. Ulyanin na ba siya?” ang natatawa pang pakli ng kubrador.

Noong Hunyo 25, nagpahayag si G. Duterte sa kanyang talumpati sa Malakanyang na mas papayagan niya ang jueteng kaysa iligal na droga.

“Maski sinong Presidente ilagay mo dito, for as long as the economy does not really provide food on the table for so many families, hayaan mo na lang ‘yan. At least ang pera doon. Kasi hindi ko talaga rin kaya. At pagka-sinira ko ‘yan, ang papalit sa apparatus niyan droga. So choose between the lesser evil,” ani Duterte.

Hindi ito ang unang pahayag ng pangulo tungkol sa pagpapahintulot niya sa jueteng.

Noong June 2018, sinabi rin ni Presidente Duterte na kung ihihinto niya ang jueteng ay mas lalong mananalasa ang iligal na droga dahil magbebenta ng mga ipinagbabawal na droga ang mga mawawalan ng trabaho partikular ang mga libo-libong kubrador.

Jueteng o shabu

Katwiran ng dalawang dating kubrador ng STL, mas ligtas sila sa gagawin nilang muling pangungulekta sa jueteng kaysa ibang kasamahan nila na mapipilitang magbenta ng shabu para lang mabuhay ang kanilang pamilya.

“Kung matimbog man kami sa jueteng ay piyansa lang ang kapalit. Hindi katulad sa mga drug pusher na kapag minamalas ay pwedeng basta na lang itumba (patayin) ng pulis,” pahayag ni  Marta.

Pagkatapos na itigil ni Pangulong Duterte ang mga legal na sugal ay nagpahayag ang ilang dating drug pusher na naging kubradores ng STL sa siyudad na ito na mapipilitan silang bumalik sa dating trabaho nilang pagbebenta ng shabu kung tuluyang ihihinto ang legal nilang hanapbuhay ngayon.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment