STL KUBRADORES KUMAKATOK NA SA LANGIT

KUBRADOR NG STL

 (Ni Jun V. Trinidad / Unang bahagi)

QUEZON –  Sa u­nang linggo pa lang matapos na ipatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng iba’t legal na sugal – Lotto, Small Town Lottery, Peryahan ng Bayan at Keno – sa ilalim ng pamamahala ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil umano sa ma­lawak na korupsyon sa nasabing ahensya, sinasakmal na ng matinding desperasyon ang hukbo ng mga kubradores ng STL sa biglang pagkawala ng kanilang trabaho.

“Hindi ako relihiyosa pero nagtitirik ako ng kandila at humihingi ng tulong ngayon kay San Hudas Tadeo na sana ay ibalik na ni Tatay Digong ang STL,” ang pahayag ni “A­ling Teresa”, edad 50 pataas at beteranang kubrador ng STL sa Barangay Cotta sa Lucena City.

Santong patron ng kanilang barangay si San Hudas Tadeo, ang pinagdadasalan ng mga desperado at may mga kahilingan na parang imposibleng magkatotoo.

Batay sa record ng PCSO, nasa 314,596 empleyado ng STL ang mga nawalan ng trabaho kabilang ang mahigit na 270,000 na mga kubradores at 26,000 na mga kabo o superbisor sa iba’t ibang panig ng bansa na may operasyon ng legal na loterya.

Sa kabuuan ay tinatayang nasa 700,000 mga manggagawa sa STL at kanilang mga pamilya ang direktang naapektuhan sa pagkakahinto sa operasyon ng STL sa buong kapuluan.

“Lumalakad ng paluhod”

Kumakatok na rin sa pinto ng langit si “Marta”, isa rin sa libo-libong kubrador ng STL na nawalan ng kanilang pang-araw-araw na kayod.

“Nagtitirik nga ako ng kandila sa harapan ni Mama Mary sa katedral para muling payagan ang STL. Nakita ko ang isa kong kasamahan na lumalakad ng paluhod. Parang umiiyak pa nga,” ang kuwento niya sa Diaryo Bomba.

Ani Marta, todo-sayad na ngayon ang kanilang buhay simula nang ipatigil ni Pangulong Duterte ang mga legal na sugal noong July 27.

Tanging ang operasyon lang ng lotto ang muling nakapagbukas nang pahintulutan ito ng Malakanyang makaraan ang apat na araw.

“Kubrador din ng STL ang asawa ko kaya pareho ka­ming nawalan ng kayod. Ubos na ang konting ipon namin. Mahirap namang mangutang nang walang siguradong pambayad. Kaya dalawang beses na lang kaming kumakain sa isang araw,” ang pagtatapat ni Marta.

Parehong humiling si A­ling Teresa at Marta na huwag isulat ang kanilang tunay na pangalan sa istorya.

“Iniiwasan ko lang na ako ay mamarkahan. Maaaring sa mga sumunod na araw ay iligal na naman ang aking trabaho,” ang paliwanag ni Aling Teresa. Ganito rin ang katwiran ni Marta. May kasunod

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment