SPORTS SUPERSTAR: SUMIKAT, BUMAGSAK, BUMANGON 

LUISITO ESPINOSA.jpg

(Ni Dan Salcedo / Unang bahagi) 

KASAMA sila sa pinakasikat na tao sa mundo.  Marami ang humahanga,  rume­respeto at sumusubaybay.

Sila ang mga bituin ng sports, na nagpapasigla sa mga tagahanga at panatiko ng mundo ng palakasan.

Kasama sa kasikatan ang limpak-limpak na salapi na pumasok sa kanilang kaban na naging dahilan upang magpasasa sa magarbong pamumuhay.

Idolo sila na ginagaya at gustong tularan ng mga tagahanga ngunit sa kabila nito, katulad pa rin sila ng mga ordinaryong tao na dumaranas ng kabiguan kung saan ang pinakamasaklap ay ang pagbagsak sa rurok ng tagumpay.

May ilan sa mga sumikat na atleta ay nakabangon at nakabalik sa larangang kanilang pinagtagumpayan subalit hindi mawawala ang karamihan na tuluyang naglaho sa panahong may pagkakataon pa silang makabalik sa kanilang larangan.

Ayon sa isang linya na ukol sa palakasan – “Walang nagmamahal sa isang talunan.”

Ilan sa mga manlalaro na sumikat, bumagsak at muling nakabangon :

LUISITO ESPINOSA

Ipinanganak ang boksi­ngerong ito noong Hunyo 26, 1967 sa Maynila.

Nagwagi siya ng mga world title sa dalawang magkaibang dibisyon –  WBA bantamweight at WBC featherweight.

Si Espinosa, binansagang “Lindol” at “Golden Boy,” ay may markang 47 panalo,  13 talo at 0 tabla.  Mayroon siyang 26 panalo via Knock Out (KO). Itinuturing siyang “Mukha ng Boxing sa Pinas” noong dekada 90.

Naging propesyunal na boksingero noong 1984 at nasungkit ni Espinosa ang WBA Bantamweight titlle noong 1989  nang pabagsakin niya si Kaokor Galaxy sa u­nang round pa lang.

Naging manager  na niya ang bantog na boxing analyst na si Hermie Rivera.

Dalawang beses niyang naidepensa ang titulo bago naagaw ang kanyang WBA belt ni Israel Contreras ng Venezuela sa Araneta Coliseum noong 1991. Pagkatapos nito, nalagay sa walang katiyakan ang career ni Lindol.

BUMALIK SI LINDOL

NAGING mahirap para kay Espinoza ang muling pagkinang ng kanyang bituin o ang muling pag-akyat sa itaas ng tagumpay. Lumaban siya na kabilang sa kuwadra ni Joe Koizumi.

Inabot ng apat na taon bago nakabawi ang tinaguriang “Golden Boy” at ito ay noong 1995 nang naagaw niya ang WBC Featherweight title kay Manuel Medina ng Mexico na ginanap saTokyo, Japan.

Sa unang depensa, na-knock out ni Espinoza sa ika-apat na round na ginanap sa Mexico si Alejandro “Corbita” Gonzalez.

Ang kasunod na laban ng pambato ng Pilipinas sa boxing noong panahon na iyon ay sa Luneta kung saan tinalo niya si Cesar Soto sa isang unanimous decision.

Pitong beses na nai­depensa ang titulo bago bago nahubaran ng korona si Espinosa noong 1999, nang talunin ni Soto sa kontrobersyal na desisyon.

Makalipas ang isang taon, hinamon ni Golden Boy si Guty Espadas, Jr. para sa bakanteng WBC featherweight title ngunit nabigo ang una.

TUNAY NA LABAN

Tinalikuran ni Espinosa ang boksing matapos hilingin ng publiko lalo na ng kanyang mga taga-suporta na ihinto na niya ang pakikipagbakbakan nang ma-knock out siya ni Cristobal Cruz.

Sa pagtigil sa boxing, ginugol ng boksingero ang kanyang panahon sa Los Angeles at San Francisco lamang ay wala siyang tiyak na pagkakakitaan kung kaya’t diniborsiyo siya ng una niyang asawa.

Upang mabuhay at mu­ling humarap sa hamon, na­ging tagahugas ng pinggan,  naglinis ng carpet at iba pang trabaho  sa Estados Unidos si Espinosa hanggang mapasok niya ang mixed martial arts at naging trainer ng magkapatid na Nick at Nate Diaz.

Umalalay din siya sa pagsasanay ng boxing team ng San Francisco.

Nang muling mawalan ng trabaho sa US,  naimbitahan siyang magtrabaho sa Hong Kong bilang boxing trainer sa Everlast Fight and Fitness Gym kung saan ipinakita niya ang pagiging tunay na kam­peon kahit wala sa ibabaw ng lona.

Mula Hong Kong ay lumipat siya sa Dalian, isang malaking siyudad sa Mainland China.

Maganda ang kanyang buhay sa Dalian. Napagtagumpayan niya ang mga unos sa kanyang buhay kung kaya’t itinuring siyang ‘Kampeon sa tunay na pakikibaka.’

HUSTISYA NAKAMIT NI ESPI

Dumaan sa maraming hirap at karanasan si Espinoza at ang pinakamasarap na tagumpay ay nakamit niya noong 2015 makalipas ang 17 taong pakikipaglaban sa kaso.

Noong 2015, naipanalo ng boksingero ang kasong kanyang isinampa laban sa isang promoter nang idepensa niya ang kanyang korona  sa WBC featherweight title laban kay Carlos Rios ng Argentina noong1997  sa Koronadal, South Cotabato.

Umabot sa mahigit $130,349 ang hindi nasingil ni Espinosa at mga kasama sa kanyang huling laban sa natu­rang bansa. (May karugtong)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment