SPORTS SUPERSTAR: SUMIKAT, BUMAGSAK, BUMANGON

MIKE TYSON-2

(Ni Dan Salcedo / Huling bahagi)

WALANG nagmamahal sa isang talunan.

Ito ang isang sikat na linya sa larangan ng palakasan kaya’t ang ilan sa mga sumikat na tao sa mundo kung saan maraming humanga, sumubaybay at rumespeto ay nagnanais na muling makabangon pagkatapos nilang bumagsak.

Naunang tinalakay sa unang bahagi si Luisito Espinosa.

MIKE TYSON

Si Mike Tyson ang pinakamalaking bituin sa boksing noong dekada ‘80 at ‘90 dahil sa malupit ang kanya kamao ngunit ang kanyang karera ay nabahiran ng kontrobersiya na kinabibilangan ng pang-aabusong sekswal, droga, alak hanggang pagsasampa ng bankruptcy.

Bagaman isa sa pinakadakila at pinakamaningning na boksingero sa lahat ng panahon, dumaan sa buhay niya ang maaalong landas.

PINAKABATANG HEAVYWEIGHT CHAMP

Ipinanganak noong Hunyo 30, 1966, si Michael Gerard Tyson ang humawak ng marka bilang pinakabatang boksingero na nagwagi ng heavyweight title sa edad na 20.

Naipanalo niya ang kanyang unang 19 propesyonal na laban sa bisa ng knockout, 12 rito sa unang round pa lang.

Nakuha ni Tyson ang WBC title noong 1986 laban kay Trevor Berbick at sumunod ang WBA at IBF titles nang talunin niya sina James Smith at Tony Tucker noong 1987.

Ang panalo ng sikat na boksingero ang naging daan upang kilalanin siya bilang unang heavyweight boxer na sabay-sabay na humawak ng mga titulo sa WBA, WBC at IBF bukod pa sa nag-iisang heavyweight na nagtagumpay na pag-isahin ang mga ito.

Sa larangan ng 58 na laban, limampu ang kanyang naipanalo kung saan 44 ang knockout, anim na talo at dalawa ang walang kalaban.

Noong 1988, pinatumba ni Tyson ang kalabang si Michael Spinks sa 90 segundo ng unang round. Naidepensa niya ang titulo ng 9 na beses, kabilang ang mga panalo kina Larry Holmes at Frank Bruno.

Subalit natalo ang kanyang mga titulo laban kay Buster Douglas noong 1990 ngunit nabawi nang dalawang beses niyang talunin si Donovan Ruddock noong 1991.

NAHATULAN NG RAPE, LUMIPAT NG ISLAM

Si Mike Tyson ay nahatulan nang anim na taong pagkabilanggo kaugnay sa kasong rape noong Marso 26, 1992 at pinalaya noong Marso 1995 matapos magsilbi ng kulang sa tatlong taon ng anim na taong pagkakakulong.

Nang nasa loob ng piitan, lumipat sa Islam at kinuha ang Muslim na pangalan na Malik Abdul Aziz. Naiulat din na ang kinuha niyang pangalan ay Malik Shabazz.

BUMALIK SA RING

Nang makalaya ay muling bumalik si Tyson sa lona. Nakuha niya ang WBC at WBA titles noong 1996 nang talunin sina Frank Bruno at Bruce Seldon.

Ang panalo kay Bruno ay naglagay kay Tyson sa grupo nina Muhammad Ali, Floyd Patterson, Evander Holyfiield at Tim Witherspoon na tanging mga lalaki sa kasaysayan ng boksing na nabawi ang championship title makaraang matalo.

Ngunit nahubaran siya ng WBC title nang taon ding iyon nang matalo kay Holyfiield. Natalo rin si Tyson sa rematch nila ni Holyfield nang siya ay ma-disqualify sa pagkagat sa tenga ng huli.

TYSON-HOLYFIELD REMATCH: KAGAT SA TENGA.

Muling nagharap sina Tyson at Holyfield noong Hunyo 28, 1997. Sa Las Vegas MGM Grand Garden Arena.

Tumanggap si Tyson ng $30 million at si Holyfiield ng $35 milyon sa laban na tinaguriang The Sound and the Fury.

Naganap ang panga-ngagat sa laban na unang heavyweight title fight sa mahigit 50 taon na humantong sa disqualification.

Pinigil ng Nevada state boxing commission ang $3 milyon mula sa premyo ni Tyson dahil sa insidente.

Hulyo 9, 1997. Pinawalang bisa ng commission ang boxing license ni Tyson at pinagmulta siya ng $3 milyon at pinagbayad ng gastos sa pagdinig sa korte.

Hindi na makapaglaro si Tyson sa Estados Unidos, ngunit ibinalik sa kanya ang lisensya noong Oktubre 18, 1998.

Nang pinawalan ng bisa ang kanyang lisensya, siya ay lumabas sa WrestleMania XIV bilang enforcer para sa main event match sa pagitan nina Shawn Michaels at Steve Austin kung saan ay binayaran siya ng $3 milyon.

PANIBAGONG KASO

ISANG taong pagkabilanggo ang naging hatol kay Tyson noong Pebrero 5, 1999, pinagmulta pa siya ng $5,000 at pinagsilbi ng dalawang taon na probation kasama ang 200 oras ng community service dahil sa pag-atake sa dalawang motorista dahil sa aksidente sa trapiko noong Agosto 31, 1998.

TYSON VS LEWIS

Noong 1984, nag-spar sina Tyson at Lennox Lewis sa training camp na inayos ni Cus D’Amato.

Taong 2002, sumabak si Tyson para sa heavyweight title again sa edad na 35, at natalo kay Lewis via knockout. Hawak noon ni Lewis ang WBC, IBF, IBO at Lineal titles.

Gusto ni Tyson na labanan si Lewis sa Nevada ngunit hindi siya binigyan ng Nevada Boxing Commission ng lisensya na lumaban dahil may kasong sexual assault siyang kinakaharap.

Enero 2002, nasangkot ang dalawang boxer at mga kasama ng mga ito sa gulo sa press conference sa New York para sa nasabing kaganapan. Nang makalipas ang ilang linggo, tumanggi ang Nevada State Athletic Commission na bigyan si Tyson ng lisensya hanggang mangyari ang laban sa Pyramid Arena sa Memphis, Tennessee.

Pinabagsak ni Lewis si Tyson sa ikawalong round.

BANKRUPT

Nagdeklara si Tyson ng bankruptcy noong 2003 kahit kumita ng mahigit $30 milyon sa ilang laban na ayon sa ilang ulat ay may utang ng halos $23 milyon ang boksingero.

RETIREMENT

Nagretiro si Tyson sa professional boxing noong 2006 makaraang ma-knockout sa magkasunod na laban kontra Danny Williams at Kevin McBride.

Binansagan si Tyson na Iron at Kid Dynamite sa kaagahan ng kanyang career. Kalaunan, ang sikat na boksingero ay kinilala bilang The Baddest Man on the Planet.

Nailuklok si Tyson sa International Boxing Hall of Fame at sa World Boxing Hall of Fame.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment