SISTEMANG PARTY-LIST, PINASOK NG POLITICAL DYNASTY

POLITICAL DYNASTY

MALINAW ang katibayan na mayroong mga organisasyon o partido na binuo para sa sistemang party-list upang makapuwesto ang mga pamilyang namuhunan na maitayo at mapatatag ang kanilang political dynasty sa kani-kanilang lalawigan, lungsod o bayan.

Naganap ito kahit nakalinaw ng punto at layunin ng Republic Act 7941 o Party-List System Act na hindi pinahihintulutang lumawak ang daynastiya ng mga tradisyonal na politiko (trapo) at political warlords.

Ngunit, simula nang gamitin ng mga trapo at political warlords ang sistemang party-list upang manatili pa rin sa kapangyarihan kung wala na silang paglagyan sa kanilang lalawigan, lungsod at bayan ay walang umamin sa kanila na nilusob at pinasok nila ang Kong­reso sa pamamagitan ng R.A. 7941.

Narito ang mga datos o impormasyong  na nagsasabi at nagpapatunay na namayagpag ang political dynasty at mga trapo sa sistemang party-list.

PBA PARTY-LIST NG PAMILYA NOGRALES

MAKAPANGYARIHAN ang pamilya Nograles sa Davao City.

Ngunit, hindi na binabangga ngayon ang pamilya Duterte, sapagkat ang pangunahing kasapi ng pamilyang ito na si Rodrigo Duterte ay kasalukuyang pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Malapit na magkamag-anak ang pamilya Duterte at pamilya Nograles.

Kung si Rodrigo ang Duterte na nakakuha ng pinakamataas na posisyon sa politika at pamahalaan, ang namayapang Prospero Nograles naman ang nakuha ng pinakamataas na karera sa politika at pamahalaan.

Si Prospero Nograles ay naging speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso noong si Gloria Macapagal – Arroyo ang pangulo ng bansa.

Maliban kay Prospero, ang iba pang Nograles na nakasukbit ng pampolitikang posisyon sa pamahalaan ay ang mga anak  niyang sina Karlo at Jerico.

Si Karlo Nograles ay naging kinatawan ng Unang Distrito ng Davao City sa Mababang Kapulungan.

Nagbitiw siya bago maghalalan, sapagkat itinalaga siya ni Duterte bilang cabinet secretary, posisyong hinawakan ni dating Sec. Leoncio “Jun” Evasco Jr. ng Bohol.

Kaya, hindi natuloy ang plano ni Karlo na tumakbong senador nitong nakalipas na eleksyon.

Habang,  kongresista noon si Karlo, ang kapatid niyang si Jerico ay miyembro rin ng Kamara del Representantes.

Kinatawan si Jerico Nograles ng Puwersa ng Bayaning Atleta o PBA party-list.

Mananatiling kongresista si Jerico, sapagkat nanalo uli sa eleksyon ang PBA.

Sa madaling salita, si Rep. Nograles ay kabilang sa pamilya ng mga politiko sa Davao City.

Isang kinatawan ang na­panalunan ng PBA sa katatapos na halalan, ngunit kung tatlo na siyang pinakamataas na bilang ng kinatawan ng nanalong party-list ay magiging mambabatas din sina Mark Aeron Sambar (miyembro ng board of directors ng Gweilo Corporation na may-ari ng maraming restoran sa Metro Manila) at Margarita Ignacia Nograles, kapatid nina Jerico at Karlo.

Kaya, ang PBA ay party-list ng pamilya Nograles at mga ‘mapagkakatiwalaan’ at ‘milyonaryong’ kaibigan ng pamilya at hindi ng anumang sector na nasa laylayan ng lipunan sa bansa na tinukoy sa Konstitus­yon at R.A. 7941, sapagkat malinaw sa mga katangian ng mga kinatawan ng PBA na hindi ito samahan o pampolitikang partido ng mahihirap, inaapi, pinagsasamantalahan at napabayaang sektor sa bansa.

AN WARAY NG PAMILYA NOEL

GANOON din naman ang An – Waray, isang pampolitikang partidong nakabase sa Eastern Visayas (Samar, Leyte at Biliran).

Ngunit, kontrolado ito ng pamilya Noel na taga-Leyte.

Ang kasalukuyang kinatawan ng An – Waray sa Mababang Kapulungan ng Ika-17 Kongreso ay si Rep. Victoria Isabel Noel, kapatid ni dating Rep. Florencio Gabriel “Bem” Noel.

Si Bem ang magiging kinatawan naman ng An – Waray sa paparating na Ika-18 Kongreso.

Siya ang kauna-unahang kinatawan ng An – Waray sa Mababang Kapulungan noong 2004.

Nanalo uli ang An – Waray sa mga sumunod na eleksyon kung saan nanatiling si Bem Noel ang kinatawan nito.

Ang asawa niya na dating kongresista na si Jaye Lacson Noel ay nanalong kinatawan ng Lungsod ng Malabon nitong eleksyon.

Si Jaye ay naging kasapi na ng Mababang Kapulungan mula 2010 hanggang 2016.

Kaya, ang An – Waray ay partido ng pamilya Noel.

PROBINSYANO AKO, PARTIDO NG PAMILYA FARIÑAS

MAGRERETIRO na sa politika si Rep. Rodolfo Fariñas matapos itong umatras sa pagkagobernador ng Ilocos Norte nitong nakalipas na eleksyon laban kay Matthew Marcos Manotoc, anak ni Senator-elect Imee Marcos at pamangkin ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Ngunit, hindi pa wakas ng pampolitikang karera ng pamilya Fariñas, sapagkat tatlo sa kanila ang maiiwan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at isa naman sa Sangguniang Panlalawigan ng Ilocos Norte.

Sina Rudys Caesar Fariñas at Lira Fuster Fariñas ay magiging mga kongresista sa pamamgitan ng Probinsyano Ako party-list.

Si Rudys ay anak ni Rep. Fariñas na punong barangay ng Brgy. 55 – A sa Laoag City, samantalang si Lira ay kamag-anak ni Rep. Fariñas kung saan ang asawang si Jami Fariñas ay opisyal sa pamahalaang lokal ng Laoag.

Ang isa pa niyang anak na si Board Member Ria Fariñas ay papalit sa kanya bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Ilocos Norte sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

ABONO PARTY-LIST NG PAMILYA ESTRELLA/ORTEGA

NANALO na naman ang Abono party-list kung saan ang uupong kinatawan nito sa Kamara del Representantes ay si Rep. Conrado Estrella III ng Pangasinan, ang kinatawan ng Abono sa Ika-17 Kongreso.

Si Estella ay kapatid ni dating Abono Rep. Robert Raymond Estrella.

Ang lolo nila na si Conrado Estrella ay matagal na naging kalihim ng Ministry of Agrarian Reform (MAR) noong si Ferdinand E. Marcos ang pangulo ng bansa.

Ang pamilya Estrella ay makapangyarihan at malakas na pampolitikang puwersa sa Pangasinan.

Kung dalawang upuan ang nakuha ng Abono nitong eleks­yon, ang ikalawang kinatawan ng pangkat ay si Abono Rep. Vini Nola Ortega.

Si Ortega ay asawa ni La Union Gov. Francisco Emmanuel “Pacoy” Ortega III.

Ang pamilya Ortega ay kilalang matibay, malakas at napakamakapangyarihang political dynasty sa La Union.

KASISILANG NA ANAKKALUSUGAN, PARTIDO NG LUMANG POLITIKO

BAGO maghalalan nitong Mayo 13, ipinanganak ang party-list na AnakKalusugan.

Tungkol sa kalusugan ng mamamayang Pilipino ang kakatawanin nito sa Mababang Kapulungan.

Ibig sabihin, malabong sector sa laylayan ng lipunan kundi batayang pangangailangan ng mamamayan.

Nanalo ang AnakKalusugan kung saan ang uupong kinatawan nito ay si dating Sta. Teresita Batangas Mayor Adorlito Ginete.

Kung nakadalawang puwesto ang AnakKalusugan, pihadong uupo si Michael Defensor.

Defensor ay bahagi ng angkan ng Defensor ng Quezon City at Iloilo kung saan ang kanyang tatay at kapatid ay naging kongresista sa Quezon City, konsehal sa Quezon City at tiyuhing naging gobernador at kongresista ng Iloilo.

Tiya ni Defensor ang namayapang Senadora Mirriam Defensor – Santiago.

Si Michael Defensor mismo ay beteranong politiko (naging konsehal at kongresista ng Quezon City at naging kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Housing and Urban Development Council (HUDCC) noong si Gloria Macapagal – Arroyo ang pangulo ng bansa.

PAURONG AT KASUKLAM-SUKLAM

ANG pagpasok at pamamayagpag ng mga pamilyang mayroong political dynasty, political warlords at trapo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pamamagitan ng sistermang party-list ay maituturing na “paurong” at “kasuklam-suklam.”

Idiniin ito ni Atty. Jose Sonny Matula, pangulo ng Fede­ration of Free Workers (FFW) at tagapangulo ng Nagkaisa Labor Coalition.

Ang punto ni Matula ay hindi dapat pumasok at mamayagpag ang political dynasty, political warlords at trapo sa Mababang Kapulungan gamit ang sistemang party-list, sapagkat ang nasabing sistema ay inilaan para sa mga sektor o grupo sa lipunang Pilipino na mahihirap, pinagsasamantalan, inaapi at pinababayaan ng pamahalaan.

Dapat ipagbawal ang ga­nito, tugon ni Matula.

HINDI DAPAT PANGPAMILYA ANG PARTY-LIST

IDINIIN ni Jason del Rosario ng Center for Youth Advocacy and Networking (CYAN) sa isang press conference, “A party-list system should not belong to a certain family [Ang sistemang party-list ay hindi dapat nabibilang sa isang pamilya]. Magka-bahay na nga kayo, magkasama pa kayo sa opisina sa Kongreso. We should give opportunities for marginalized groups to enter into Congress, to give them avenues in legislation [Dapat bigyan natin ng pagkakataon ang mga grupo ng nasa laylayan ng lipunan na makapasok sa Kongreso upang mabigyan sila ng lugar sa lehislatura] para mapaglingkuran nila ang mga sektor nila.”

“Hindi po Game of Thrones (palabas sa HBO) ang eleksyon. Panahon po ito para bigyang boses ang ordinaryong mamamayan lalo na ang marhinalisado. Ang panawagan namin sa mga kapwa Pilipino, lalo na sa mga kabataan, huwag hayaang ma-hijack ang party-list system,” ratsada ni Rafaela David, executive director ng CYAN.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment