SIMBANG GABI

SIMBANG GABI-4

(Ni Guillermo Octavio)

KANINANG umaga, dinagsang muli ang mga simbahan sa Pilipinas ng mga Katoliko—na karamihan ay may kahilingan na gustong matupad, gaya ng makuha ang salaping nararapat lang ibigay sa kanila, o kaya ay makikipagtagpo sa kung sinong taong itinuturing nilang mahalaga sa mga sandaling iyon — dahil sinimulan na ang Simbang Gabi, isang tradisyong Pilipino tuwing sasapit ang Kapaskuhan.

Ang Simbang Gabi ay siyam na gabing debosyon, katulad ng serye ng misa sa bukang-liwayway na dinadaluhan naman ng mga Puerto Rico na tinatawag namang “Misa de Aguinaldo”.

Ang serye ng Misa para sa Simbang Gabi ay idinaraos mula ika-16 hanggang ika-24 ng Disyembre at ginaganap sa iba’t ibang oras sa pagitan ng alas-3 ng madaling-araw hanggang alas-5 ng umaga.   Misa de Gallo sa Español, o Misa ng Tandang sa Filipino ang tawag sa huling simbang gabi sa bisperas ng Pasko.

Noong unang panahon…

Mga unang bahagi pa ng higit 300 taong pananakop sa atin ng mga Español, noong 1669, nang magsimula ang Simbang Gabi sa Pilipinas bilang isang praktikal na gawain para sa mga magsasaka, na nagsisimulang magtrabaho sa bukid bukang-liwayway pa lamang upang maiwasan ang matinding init mula katangha­lian. Sinisimulan ng mga pari ang Misa umagang-umaga.  Ang kaugaliang ito tuwing Pasko ay nakasanayan na at naging bahagi ng kulturang Pilipino.

Ang Pilipinas mula noon at hanggang ngayon, taliwas sa gustong ipilit ng ilang pulitiko, ay isang bansang agrikultural.  Kilala tayo noon sa ating mga plantasyon ng niyog, tubo at bigas.  Hindi siguro maniniwala ang mga ninuno natin noon kung sasabihin mo sa kanilang sa susunod na milenyo ay magiging isa, o magiging tayo ang pinakamalakas umangkat ng bigas sa buong daigdig.

Maghapon sa sakahan noon ang mga kasama at sakada at nagpapahingan lamang para mananghalian, kung kailan pinakamainit ang sikat ng araw.  Dahil sa nawalang isang oras na ito, doble kayod ang ating mga ninunong magsasaka at pinagkakasyang pili tang oras dahil sa mga takot sa mga enkargado, o katiwaldas…katiwala pala, na namamalakad sa mga lupain ng Español na “panginoon” o haciendero.

Sa pagitan ng pagtatanim at pag-ani lamang napapahinga sa pwersahang trabaho ang ating mga ninuno.  Yaong mga nasa edad na para magtrabaho ay tinitipon sa ilalim ng sistemang tribute, kung saan, marahil dahil sa takot o kamangmangan, o kombinasyon ng dalawa, ay pumapayag ang mga sinaunang Pilipino na magtrabaho ng libre para sa mga proyekto ng kolonyal na pamahalaan ng Espanya. Ang mga babae naman ay inaaalagaan ang mga tanim nilang gulay sa tumana o kaya ay nagiging kasambahay para sa mga elitista.

Nakalulungkot mang isipin, hanggang sa kasalukuyan ay mga tila hindi natuto sa mga aral ng kasaysayan at nag-aasal “panginoon” sa paniniwalang wala namang pagpipilian ang mga manggagawa kundi sumunod.

Sa pagdating ng Kapaskuhan, naging kaugalian na ang mga novena tuwing gabi, at nakita ng mga pari na dumadalo pa rin ang mga parokyano sa kabila ng maghapong pagod.  Bilang kompromiso, sinimulan ng pari na idaos ang misa ng umagang-umaga habang hindi pa sumisikat ang araw bago magsipunta sa bukid o pumalaot sa dagat ang ating mga ninuno.

Pagkain at inumin

Noong panahon ng mga Español at unang bahagi ng panahon ng mga Kano, walang maihandog ang mga parokyano sa Misa kundi bigas, prutas, gulay at itlog.  Ipinamamahagi ng Simbahan ang ani sa buong kongregasyon matapos ang misa.

Matapos ang Misa, kakain ang mga Pilipino ng mga pagkaing ibinebenta malapit lamang sa simbahan.

Gaya noong unang panahon, sa kasalukuyan ay mayroon na ring handang makakain sa labas lamang ng simbahan.   May latik at yema, gayundin din ang uraro, barquillos, Lengua de Gato.

Nariyan rin ang arróz caldo  at sa maniwala kayo o hindi, papaitan, pang-almusal at hindi pang-pulutan sa mga kapatid nating Ilokano.

Hindi nawawala mula noong panahon pa ng a­ting mga lolo at lola ang bibing­ka, puto bumbong, suman at iba pang kakanin, pero kung noong una ay mainit na tsokolate, kapeng barako o kaya naman ay salabat ang kapares nito, marahil ngayon ay kape na mula sa Starbucks o kaya naman ay milktea.

Ang mga pagkaing gawa sa bigas ay itinitinda para mapuno ang sikmura ng ating mga magsasaka, dahil ito ay mura at mula pa noong una ay “staple food” na ng mga Pinoy.  Ang mga kakanin ay puno rin ng carbohydrates ay kailangan din ng mga kolonyal na Pilipino para sa maghapong pagtatrabaho sa mga bukid at gilingan ng asukal.

Sa kasalukuyan…

Ngayong sinasabing tapos na ang panahong kolonyal at panahon na ng mga millennial, idinaraos na rin ang Simbang Gabi sa mga mall.  Gayunpaman, kamakailan ay nagpahayag ng hindi pagsang-ayon si Cardinal Luis Antonio Tagle sa pagdiriwang ng Misa sa mga mall, maliban na lang kung may sarili itong kapilya.

May Simbang Gabi na talagang sa gabi  idinaraos at nagsisimula ito sa ika-15 ng Disyembre at nagtatapos sa ika-23, kung saan ang mga pagbasa para sa misa kinama­daling-arawan ang siya ring binabasa, bagama’t may mga nagsasabing ito raw ay labag sa kautusan ng Simbahan.

Para maranasan ng mga milenyal kung paano ang Simbang Gabi noong panahon nina Andres Bonifacio, may mga pangkat na nagdiriwang ng tradisyunal na Misa sa Latin, kandila ang gamit at ang daan-daang taong musika at awiting pang-Misa ang ginagamit.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin nawawala ang paniniwalang kapag nakumpleto ang siyam na araw na Simbang Gabi ay matutupad ang kahilingan ng nakakumpleto ng novena, kaya’t tiyak, maraming nagsimba kanina, na may kani-kaniyang gustong mangyari at pansari­ling motibo, at nakaligtaan ang tunay na diwa ng Pasko, ang mensahe pag-ibig sa kapwa na dala ng sanggol na si Hesus.

Bilang paalala, wakasan natin ang pitak na ito sa pagtatapos ng isang kantang Pamas­kong tiyak na alam ng lahat:

“At magbuhat ngayon, kahit hindi Pasko ay MAGBIGAYAN! At magbuhat ngayon, kahit hindi Pasko ay MAGBIGAYAN!”

Related posts

Leave a Comment