SIERRA MADRE PATULOY NA GINAGAHASA

SIERRA MADRE-2

(Ni Jun V. Trinidad / Ikalawang labas)

BATID ng mga forest rangers sa Sierra Madre ang panganib na kanilang kinakaharap sa mga illegal loggers at mga bantay ng mga ito na pawang armado ng matataas na kalibre ng baril kapag nagsasagawa ng operasyon sa kagubatan at kabundukan.

Bukod sa masyadong matatapang ang ilan sa mga magtotroso dahil sa hawak nilang baril at wala na rin sa tamang wisyo dahil sa karamihan ay nasa ilalim ng impluwensiya ng bawal na droga na kanilang sinisinghot bago magtrabaho dahil sa maling akala na matagal silang mapagod at antukin kapag nakabatak ng shabu.

Hindi na iisang beses nangyari na pinaputukan ang forest rangers na nakatokang mangalaga ng mga kagubatan sa hilera ng kabundukan ng Sierra Madre subalit hindi na halos mabilang na bagaman ilang beses na nilang iniulat sa pulisya ay tila bumabagsak sa kawalan ang kanilang rek­lamo.

Ayon kay Rexner Telan, beteranong forest ranger sa Real, Quezon, karamihan sa kanilang mga forest ranger ay nagtratrabo base sa ibinigay na responsibilidad ng gob­yerno. Hindi maitatanggi na sila, kapag nasa trabaho na sa kagubatan na inaabot ng isang linggo, ay armado ng camera, global positioning system (GPS) device, teleskopyo at solar-powered lights para sa kanilang dokumentasyon.

Bukod pa sa katotohanan na kapag nagtrabaho ang fo­rest rangers ay sila-sila lang at walang kasamang sundalo ng pamahalaan upang maiwasan na rin na maipit sila sa eng­kwentro sa laban sa mga mi­yembro ng New People’s Army.

Panggagahasa sa kabundukan tuloy-tuloy

Bagaman may total log ban, hindi humihinto ang illegal logging sa Sierra Madre na sakop ng hilagang bahagi ng lalawigan ng Quezon kaya’t itinuturing itong “hot spot” sa usaping ng illegal logging.

Sinabi ni Fr. Pete Montallana, president ng Save Sierra Madre Network Alliance (SSMNA), walang habas ang panggagasaha ang ginagawa ng illegal loggers sa kabundukan ng Sierra Madre.

Aniya, ang iligal na kahoy mula sa kabundukan ng Sierra Madre ay ibinababa sa pamamagitan ng pagpapaagos ng mga tabla at topso sa Agos River hanggang Umiray River sa bayan ng Infanta.

Ayon pa sa president ng SSMNA, sinasambot ng mga tauhan ng sindikato sa ibabang bahagi ng ilog ang mga tabla at torso na may inukit na palatandaan upang makilala kung sino ang may-ari.

Sinasabing ang mga puslit na troso ay ibinibenta ng sindikato sa halagang P40 hanggang P50 bawat board foot na kapag nilagari at napagpira-piraso ay umaabot ang presyo mula P150 hanggang P200 kada board foot depende sa uri ng kahoy.

Sinabi pa ni Montallana, ang mga iligal na kahoy ay ibi­nibiyahe patungong bayan ng Mauban sakay ng bangkang de motor. Simula Mauban ay dinadala ito sa Metro Manila o saan mang bahagi ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) region.

Napag-alamang, matagal ng bantog ang Mauban bilang bagsakan ng mga iligal na kahoy mula sa Sierra Madre sa hilagang Quezon pati na rin ang ‘hot logs’ mula sa isla ng Polillo sa lalawigan din ng Quezon.

Ibinabagsak din sa ba­yang ito sa harap ng Pacific Ocean ang mga kahoy na nagmumula at pinutol sa bahagi ng Sierra Madre sa hilagang Luzon.

Ang mga bumibili ng iligal na kahoy ang siyang bumabayad sa “biyahero” ng ipinagbabawal na produkto mula sa Mauban patungo sa kung saang destinasyon

Ang biyahero naman ang aareglo o magbabayad ng suhol sa mga checkpoints na dadaaan ng iligal na kargamento.

Related posts

Leave a Comment