SALAMAT ITAY SA MGA SAKRIPISYO MO

HAPPY FATHER_S DAY

(Ni Anet Vergel)

MARAMING isinasakripisyo ang isang ama upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang mga mahal na supling. Unang isinasakpisyo nito ay ang sarili niyang kaligayahan.

  1. Estilo ng pamumuhay. Kung noon ay halos araw-araw laman ng mga lugar na may inuman ang isang ama, nagsasakriprisyo ito na mabawasan o mawala ang kanyang paglabas-labas upang makatipid para sa gastusin ng kanyang mga anak lalo na sa pag-aaral.
  2. Prayoridad. Kung madalas ay nag-iinom o naninigarilyo ang isang ama, binabawasan na niya ang mga tulad na ganitong bisyo at inuuna na ang trabaho upang maging maayos ang kanyang puwesto sa tanggapang kanyang pinapasukan. Sa pag-asenso ng isang ama sa kanyang opisina, magiging dahilan ito ng pagtaas ng kanyang posisyon at suweldo na para rin naman sa kanyang pamilya.
  3. Oras. Bagaman nababawasan ang oras na laan para sa sarili, bisyo at barkada, nababawasan din ang oras para sa pamilya, subalit ito ay bilang sakripisyo para sa paghahanda sa magandang kinabukasan para sa bata. Bihira man at kulang naman ang oras para sa mga anak, de kalidad na panahon naman ang dapat ilaan at ibigay sa mga anak.
  4. Pera. Natututong magtipid sa sarili upang madagdagan ang perang laan naman para sa pag-aaral at paglaki ng mga bata. Ang mga kasarapan para sa sarili ay nababawasan habang pampasarap at magpapaligaya sa mga anak ang inuuna.
  5. Tulog. Dati, nagagawang matulog ng isang ama ng napakahabang oras lalo na kapag walang trabaho subalit dahil lumalaki ang mga bata, lumalaki ang gastusin ay nababawasan naman ang oras ng tulog ng isang responsableng ama dahil naghahanap ito ng iba pang pagkakakitaan upang ma­dagdagan ang kita niya na pantustos sa pangangailangan ng kanyang pamilya.
  6. Pangarap na hanapbuhay o trabaho. Noong medyo bata pa, mapili ang isang lalaki sa trabahong nais niyang pasukin sapagkat para sa kanya ay mahalagang tugma ito sa kanyang pinag-aralan. Subalit kapag na­ging isang ama ang isang responsableng lalaki, wala na itong pili sa nais na pasuking trabaho sapagkat hindi na sariling kapakanan ang kanyang iniisip at di na rin porma na hinahangaan sa kanya ng mga kababaihan. Hangad na niya ang trabaho na magbibigay sa kanya ng oportunidad na kumita upang may maipanggastos sa kanyang pamilya.
  7. Porma. Walang lalaki na nais maging tingin sa kanya ng mga tao lalo na ng kanyang mga katrabaho ay baduy. SIyempre, nais ng mga lalaki na maging maporma at presentable sa lahat lalo na sa mga boss at kliyente. Subalit kapag isang ama na, madalas, akala lang ay okay ang porma nila dahil malinis ang damit, plantsado at maging ang kanilang buhok ay maayos ang pagkakasuklay. Ngunit ang hindi batid ng haligi ng tahanan ay baduy at hindi maganda ang kanyang porma dahil luma ang damit, wala sa uso ang pantalon at hindi maayos ang gupit at hagod ng buhok. Dahil hindi na rin nakakapunta sa gym para mag-ehersisyo, nadadagdagan ang timbang at lumalaki ang tiyan sa halip na maging sexy ang pangangatawan. Bukod pa sa nalalagas ang buhok at hindi na uso ang isinisipol na awitin dahil hindi na kilala ang mga bagong sikat na mang-aawit. Balewala sa mga tatay na wala silang porma basta ang mahalaga ay ‘Superman” sila sa mata ng kanilang mga munting anghel.
  8. Pagiging tagahanga nawala. Dati rati, nakikipag-agawan sa panonood ng telebisyon para sa paboritong basketball team, nakikipila sa para makakuha ng ticket para sa boxing o kaya naman ay concert sa ilang mga kilalang malalaking lugar ang isang lalaking pamil­yado pero kapag naisip na niya ang papala­king pangangailangan ng kanyang pamilya, biglang nawawala ang kanyang gana na gumastos para pambili ng ticket o kaya naman ay pumusta para sa paboritong manlalaro. Sa halip, magtitiyaga na lang sa pakikinig sa balita kaugnay sa larong nais na masaksihan o kaya naman tulad ng basketball ay makikinig na lang sa radyo habang papauwi sa bahay. Wala na rin ang hilig sa panonood ng concert ng paboritong grupo ng mang-aawit at sa halip ay nagpaparaya na lang sa anak na siya naman ang nagiging masidhing taga hanga ng mga sumisikat na mang-aawit sa kanyang henerasyon. Mas ibibigay niya ang perang dapat ay gagastusin niya sa kanyang luho sa kanyang anak na mahal at ayaw mapag-iwanan sa uso.
  9. Mga koleksyon at bagay na nais. Dati, ang ama ng tahanan ang nasusunod sa gusto niyang palabas sa telebisyon kapag gabi subalit natututong magparaya sa anak lalo na kapag babae sa gusto nitong “soap opera” o kaya ay “Koreanovela” upang hindi na ito maglalabas pa ng bahay lalo na sa gabi. Natututong magparaya din ang ama sa kanyang mga anak sa mga bagay na dapat ay maganda at top of the line ang kanya tulad ng mobile phone. Maraming pangyayari na ang isang ama ay gu­magamit lang ng mumurahing cellphone samantalang ang kanyang anak na ayaw mawala sa uso ang gamit ay “Apple” o “Samsung” na top of the line ang gamit na mobile phone mapuwera pa sa laptop at tablet na nais ng mga ito.
  10. Pagkakaroon ng bagwis. Pinakamahirap para sa isang ama ang pagbibigay ng Kalayaan sa kanyang anak. Sa pagkabata pa lang, sa pagtuturo nang pagsakay at pagpapatakbo ng bisikleta, hirap ang isang ama na pakawalan ang kanyang anak o bitiwan ito sa takot na baka matumba ang sinasakyan nito at masaktan ang bata. May pagkakataong ang ama ang nagdadala sa kanyang anak sa unang araw ng eskuwela at hindi rin niya ito maiwan kahit pa may pasok din siya sa opisina sa takot na baka umiyak ito dahil sa takot sa guro, inis sa mga kaklase o sa takot na iwang mag-isa sa paaralan ng kanyang magulang. Mahigpit ang akay ng ama sa kanyang anak at inaalalayan ito upang walang masamang mangyari. Pagkasilang pa nga lang ng isang anak, nagsasakripisyo ang ama na magpaypay sa bata o maglagay ng kulambo upang hindi dapuan ng langaw o kaya naman ay lamok. Sa pagtanda ng anak, lalo’t babae, pinakamahirap para sa isang ama ang ibigay o ipasa na lang ito sa lalaking kanyang napupusuan o mapapangasawa. Maiisip niya na siya ang nagpakahirap sa pagpapalaki ng kanyang anak na halos ayaw niyang utusan sa gawaing bahay subalit sa pagdaan ng panahon at maisipang mag-asawa ay mawawala na lang sa kanya at ang masakit ay magsisilbi sa asawa at siyang gagawa ng mga trabaho sa bahay.

Anak, nagkaroon ng pundasyon

Tunay  na hindi matatawaran ang sipag at dedikasyon ng mga ama para mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya sapagkat anumang tindi ng sakripisyo at kabigat ang pinapasang problema at hamon  ng buhay, pilit pa ring itinataguyod ng haligi ng tahanan ang kanyang pamilya kung saan mas higit sa ilaw ng tahanan na mas maging matatag ang ama.

Maraming anak ang sa una ay hindi naiintindihan ang ginagawa ng kanilang ama at kung kailan wala na ito ay saka lang nila naiintindihan ang ginagawang kabutihan nito para sa kanilang pamilya.

Sa huli na rin nila naiisip na magpasalamat sa kanilang ama dahil nabigyan sila ng marangal na buhay at naging maayos ang kanilang pagkatao dahil sa maayos ding pagpapalaki nito sa kanila. Nahubog ang kanilang pagkatao at natutong tumayo bagaman binabayo ng problema at matinding pagsubok sa buhay.

Hindi naiisip ng mga anak ang hirap at pighati na dinanas ng kanilang ama para lang maiayos ang buhay na kanilang tinatamasa sa ngayon.

Panalangin para sa isang ama

Sana, sa espesyal na araw para sa mga ama, maalala nating mga anak ang hirap na pinagdaanan nila para lang mabigyan tayo ng magandang bukas. Ipanalangin din  natin ang mga sundalong ama ng mga batang iniwan nila sa pangangalaga ng kanilang mga asawa upang maipagtanggol ang kapwa at maiayos ang kapayapaan sa ating bayan. Ipanalangin din ang mga amang nasa ibang bansa na nagbabanat ng buto at nagpapatulo ng pawis maibigay lang ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Ipanalangin din natin ang mga amang nagsisinungaling sa kanilang anak na hindi sila nahihirapan sa kanilang trabaho pero ang totoo ay halos wala na silang lakas upang tapusin ang ginagawa sa maghapon sa pagnanais na makapag-uwi ng malaking suweldo. Ipanalangin natin ang lahat ng ama na natitiis na malayo sa kanilang pamilya para lang makapag-uwi ng malaking pera. Mas higit na ipanalangin natin ang kaluluwa ng mga amang pinatay dahil lang sa pagtupad sa kanilang trabaho at gawain upang maging maayos ang kalagayan ng kanilang pamilya na ang tingin sa kanila ay bayani. Nawa’y mabigyang hustisya ang mga amang pinatay sa walang kawawaang dahilan.

Panalangin para sa ama ng bansa

Hilingin din nawa ng mga Pilipino na maging maayos ang kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ama ng ating bansa, upang sa gayun ay magawa nito nang maayos ang tungkulin niya bilang puno ng bansa at nawa’y malampasan ng Pilipinas ang problema nito at ang iba’t ibang krisis na kinakaharap.

Gabayan nawa ng Ama sa itaas ang gawain ng president at sa halip na batikusin ay tulungan at unawain sa kanyang adhikain na tunguhin natin ang landas ng katotohanan, katarungan at kapayapaan tungo sa mas maunlad na Pilipinas.

MALIGAYANG ARAW NG AMA SA LAHAT!

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment