PINAS PINAKAMARAMING BILANGGO SA BUONG MUNDO 

BILANGGO

(Ni Nelson S. Badilla / Unang bahagi sa 2-serye) 

LAHAT ng taong may kasong nakasalang pa lamang sa Regional Trial Court (RTC) o Metropolitan Trial Court (MTC) ay ikinukulong sa mga kulungang hawak at pinamamahalaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) habang linilitis ng mga nasabing korte ang kanilang mga kaso.

Ililipat lamang sila sa New Bilibid Prison (NBP) kapag napatunayang totoong sila ang gumawa ng krimeng isinampa laban sa kanila.

Higit 188,000 na mga bilanggo

Batay sa huling pagbibilang ng World Prison Brief (WPB) noong Mayo 2018, mayroong kabuuang 188,278 bilanggo ang Pilipinas.

Ang 144,871 rito ay nakakulong sa iba’t ibang kulungan ng BJMP sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Samantalang ang 47,407 bilanggo ay nakakulong naman sa mga bilangguan ng Bureau of Corrections (BuCor) tulad ng NBP sa lungsod ng Muntinlupa.

Ang 188,278 bilang ng mga bilanggo ay nangangahulugang sa 463.6% ang antas ng “sinasaklaw” (occupancy) ng mga kulungan sa bansa.

Kaya, ang Pilipinas ang siyang pinakamaraming bilang ng bilanggo sa buong mundo, ayon sa WPB.

Sumunod ang Haiti na may 454.4% ang saklaw, ikatlo ang El Salvador na mayroong 333.3% at ikaapat naman ang Guatamela na 333.2% ang antas.

Ang mabagal na pag-u­sad ng mga kaso sa korte ang itinuturong dahilan kung bakit napakaraming nakakulong sa mga bilangguan ng BJMP.

Higit 144,000 bilanggo, hindi pa ‘guilty’

Ayon sa WPB, ang 144,871 bilanggo o 75.1 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga bilanggo sa Pilipinas ay hindi pa napatutunayang “guilty” sa mga kasong isinampa laban sa kanila.

Sa ibang salita, ang kaso nila ay kasalukuyang linilitis pa sa korte.

Sa bahaging ito matatagpuan ang matagal na proseso ng pangkatarungang sistema ng bansa bago magkaroon ng pinal na desisyon sa kaso ng bawat bilanggo.

Dahil sa kabagalang ito, maraming taong nakukulong nang matagal gayong hindi pa naman napatutunayang sila nga ang gumawa ng krimeng isinampa laban sa kanila.

Walang problema kung ang nakakulong ang siyang tunay na may kasalanan sa krimen, sapagkat nangangahulugang pinagdurusahan niya ang krimeng nagawa.

Pero, paano kung hindi naman ang nakakulong ang totoong gumawa ng krimen?

Syempre, kawawa naman.

Iyan ang isang bahagi ng sistemang pangkatarungan sa Pilipinas na hindi maipagkakaila ninuman na marumi, sapagkat may nasasayang na buhay ng tao.

Walang magagawa ang BJMP sa ganyang problema, sapagkat ang trabaho nito ay sundin ang utos ng hukuman sa kanya na ikulong ang akusado habang linilitis ang kaso.

At pakawalan naman sila kung napatunayan ng korte na walang matibay, malakas at sapat na ebidensyang magpapatunay na ang nasabing akusado ang siyang nakagawa ng krimeng isinampa laban sa kanya.

‘Decongestion’ isusulong ni Iral

Ang isa sa maaaring maitulong ng BJMP, ayon sa bagong hepe ng sangay na si Chief Superintendent Allan Iral, ay maglunsad ng “decongestion program” sa pamamagitan ng pagpayag sa ilang bilanggo na pumasok sa “plea bargain agreement” na inilabas ng Korte Suprema.

Sa konseptong ito, ang taong nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil nang madakip siya ng mga alagad ng batas ay nakuhaan siya ng kahit anong iligal na droga tulad ng shabu, marijuana o cocaine nang mas mababa sa limang gramo ay maaari siyang umamin sa kaso upang hindi na sumailalim sa paglilitis ng korte kung saan magi­ging anim na buwan hanggang apat na taon ang bubunuin niya sa kulungan, kasama na ang itatagal niya sa drug rehabilitation center, sa halip na mabilanggo ng 12 taon hanggang 20.

Inilabas ng Korte Suprema ang desisyon noong Abril 10 ng nakalipas na taon.

Pinaniniwalaang makatutulong ito sa pagbabawas ng mga bilanggo mula sa mga kulungan ng BJMP dahil mara­ming nahuli at nakulong dahil sa iligal na droga simula noong Hulyo 2016.

Idiniin ng mataas na kor­te sa parehong desisyon na hindi kasama sa plea bargain deal ang mga taong may kasong limang gramo pataas ang nakuhang iligal na droga sa kanila.

Karagdagang kulungan

Ang isa pang sangkap ng programang pagbabawas na binanggit ni Iral ay ang pagtatapos ng konstruksiyon ng mga bilangguan ng BJMP sa San Juan City at Quezon City sa 2020 at 2021.

Ang pagkakaroon ng ka­ragdagang kulungan ay makatutulong sa pagbabawas ng mga bilanggo tulad sa Quezon City.

Kung matatapos ang Quezon City Jail (QCJ) Annex sa Brgy. Payatas sa 2021, malaking bilang mula sa 5,296 bilanggo ngayon sa QCJ ay maililipat dito.

Kahit madagdagan pa ang bilang ng mga nakakulong sa QCJ ay siguradong mababawasan ito sa pagbubukas ng QCJ Annex.

Ayon sa BJMP, aabot hanggang sa maksimum na 900 bilanggo lamang ang kapasidad ng QCJ.

Inihayag din ni Iral na madaragdagan pa ang mga kulungan ng BJMP kapag natuloy ang P2 bilyong badyet na nakalaan sa sangay para ngayong 2019.

Ang P2 bilyon ay ipantutustos sa pagpaparami ng kulungan ng BJMP, tugon ni Iral. (Itutuloy bukas)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment