PATULOY ANG PANGGAGAHASA SA SIERRA MADRE 

Illegal logging

(Illegal logging malala tuwing eleksyon)

(Ni Jun V. Trinidad / Unang bahagi)

LUCENA CITY – Patuloy ang walang habas na panggagahasa sa kabundukan ng Sierra Madre, sakop ng hilagang bahagi ng lalawigan ng Quezon.

At mas lalo pang lumalala ang illegal logging o iligal na pamumutol ng mga puno dahil panahon ng eleksyon.

“Kahit pa may total log ban ay hindi humihinto ang illegal logging sa Sierra Madre. At tuwing may halalan ay lalo pa itong nagiging grabe,” ang pahayag ni Fr. Pete Montallana, presidente ng Save Sierra Madre Network Alliance (SSMNA), sa isang panayam.

Ang mahabang bulubundukin ng Sierra Madre ay matatagpuan mula sa northern at central Luzon hanggang sa hilaga bahagi ng lalawigan ng Quezon.

Ayon pa kay Montallana, maski aniya ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay batid ang nakapanlulumo at nakapagngingitngit na nagaganap sa Sierra Madre tuwing may eleksyon.

Sinang-ayunan ni Lupo Telan, chief ng Community Environment and Natural Resources Office (Cenro) na nakabase sa bayan ng Real, ang impormasyon ng aktibistang pari. Ang Cenro-Real ay may hurisdiksyon sa northern Quezon.

“Isolated areas naman ang pamumutol. Pero patuloy ang patrulya ng mga forest ranger para mahadlangan ang pagwasak sa kabundukan,” ani Telan.

WALANG NABABAGO

Kahit na ang lider ng katutubong Agta ay nagpahayag din ng muling pagkabahala sa nagaganap na tila walang takot na pamumutol ng kahoy.

“Ganyan na talaga ang nangyayari tuwing may eleksyon. Walang nababago. Lalong nilalapastangan ang Sierra Madre,” ang nalulungkot na obserbasyon ni Ramsy Astoveza, lider katutubo at kasalukuyang commissioner ng National

Commission on Indi­genous Peoples (NCIP).

Sa impormasyon ng isang nakababatid sa pasikot-sikot ng illegal logging sa Sierra Madre, nagkakaroon umano ng suhulan sa pagitan ng illegal loggers, mga lokal na opisyal at politiko at iba pang awtoridad para hindi mabulabog ang negosyo kaugnay sa mga ipinagbabawal na kahoy.

“Kasangkot ang mga opiyales ng barangay sa kabundukan, pinagtitiwalaang tauhan ng politiko at iba pang korap na tauhan ng gobyerno. Simula sa pagpuputol, pagbababa ng hot logs sa pamamagitan ng ilog patungo sa exit points hanggang sa pagbibiyahe,” ayon sa impormante.

Walang malinaw na usapan tungkol sa halaga ng patong na malamang ay gagamitin aniya ng mga kandidato sa pangangampanya. “Nakadepende ang presyo sa dami ng kahoy at panganib sa pagpupuslit”.

Kaagad namang pumalag sa alegasyon ang dalawang lokal na opisyal sa laylayan ng Sierra Madre.

BLACK PROPAGANDA

“Black propaganda yan,” ang mariing tugon ni Leovi­gildo Rozul, dating mayor ng bayan ng General Nakar at ngayon ay kandidatong bise-alkalde sa darating na halalan, sa panayam sa telepono.

Ipinagmalaki ni Rozul na tanging ang General Nakar ang mayroong 27 deputized forest rangers para proteksyunan ang Sierra Madre. Sa total land area na 161,640 hectares ng nasabing bayan, 72 pors­yento nito ay nasa kabundukan ng Sierra Madre na nasasakop ng kanyang dalawang barangay – Umiray at Pagsangahan.

Batay aniya sa record ng kanilang Community Base Monitoring System (CBMS) noong 2013 ay 23 porsyento ng kanilang populasyon ay nakadepende ang ikinabubuhay sa pamumutol ng kahoy.

“Nitong 2018 ay bumaba na ito sa 17 porsyento dahil sa pagpapalaganap namin ng mga alternatibong hanapbuhay,” ang paliwanag ni Rozul.

Ani Rozul, ang mga “outsider” o tagalabas ng kanilang bayan ang siya umanong promotor sa illegal logging.

Maging si Infanta Mayor Grace America ay matindi rin ang pagtanggi sa alegasyon.

“I beg to disagree,” ito agad ang pitik ni America sa panayam sa telepono.

Kung meron man aniyang lokal na opisyal sa kanilang bayan ang sumasangkot sa iligal na gawain sa Sierra Madre, “hindi namin yun pinapayagan o kinukunsinti”.

Niliwanag ni America na walang logging sa nasasakupang protected area ng Infanta.

Ngunit inamin naman niya na ang kanilang bayan ay nakilalang “exit point” o labasan ng mga hot logs mula sa Sierra

Madre na pinaaagos sa Umiray river. Ang bawat umaanod na tablon o troso ay may inukit na palatandaan upang makilala kung sino ang may-ari.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment