PANGUNGUBRA SA STL, MARANGAL NA TRABAHO

STL-3

(Ni Jun V. Trinidad / Ikaapat na bahagi)

BATAY sa impormasyon ng pulisya, kadalasan umano ay may koneksyon sa mga lokal na opisyal ang mga nagpapatakbo ng “bookies” sa kanilang mga lugar o kung hindi man ay ang mismong nanunungkulan sa munisipyo ang operator ng bawal na sugal.

“Sa ganitong sitwasyon, hindi mahirap para sa sinumang gustong bumangka sa jueteng ang muling simulan ang iligal na sugal. Bukod pa rito, may nakahanda na silang batalyon ng mga STL kubradores na nawalan ng trabaho para ­mangulekta ng taya para sa kanila,” ang paliwanag ni Marta.

Ngunit inamin ng dalawang kubrador ng STL na magpapatuloy sila sa kanilang pagdadasal at panawagan kay Pangulong Duterte na muling ibalik ang operasyon STL.

“Kahit na may naghihintay sa aming trabaho sa jueteng ay mas gusto namin ang STL. Kahit papaano, dahil legal ang STL, may respeto sa amin ang lipunan,” ang paliwanag ni ­Aling Teresa.

“Marangal na trabaho”

Kuwento nga niya, noong kubrador pa siya ng jueteng ay halos itinatago ng kanyang anak ang klase ng kanyang hanapbuhay.

“Sa iskul, hindi niya binabanggit na kubrador ako ng jueteng kapag nagtatanong ang kanilang titser kung ano ang trabaho ng magulang nya. Pero ngayon, nakataas pa ang noo nila na sasabihin na empleyado ako ng Pirouette Corp bilang sales collector. Marangal kasing trabaho,” ang paliwanag ng kubrador kasabay ng bunghalit ng malakas na tawa.

Inamin ng dalawa na malaki ang nagawang pagbabago ng STL sa kanilang buhay.

Umaabot umano sa P12,000 hanggang P15,000 ang kanilang regular na buwanang kita sa araw-araw kapag masipag sa pangungulekta ng taya at hindi pa kasama ang balato at komisyon sa patama.

Batay sa kanilang karanasan, kapag kilalang maswerteng magpataya ang isang kubrador dahil madalas na magpatama, mas maraming tumataya.

“Yung TV at ref ko sa bahay ang nabili ko mula sa ­balato ng mga pinatama ko,” ang masayang kuwento ng kubrador.

Pero ngayong nakahinto ang operasyon ng STL, patuloy anila silang magdadasal at aasa sa muling pagbabalik ng legal na sugal.

“Sana ay tapusin na ni Presidente ang imbestigasyon at parusahan ang mga korap sa PCSO. Pati kaming maliliit na kubradores ay nadadamay sa kanilang katakawan sa pera,” ang galit na pitik ni Marta.

Wala pang katiyakan kung kailan muling pahihintulutan ng Malakanyang ang operasyon ng STL.

Patuloy na nagsasagawa nang imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI), Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at iba pang ahensya ng gobyerno bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Duterte na linisin ang PCSO.

Maging ang Kongreso at Senado ay may ikinakasa rin na katulad na imbestigasyon upang alamin ang ugat ng korapsyon sa PCSO, kung gaano ito kalawak at kung sino-sino ang mga kasangkot.

Sa huling ulat ay tinatayang nasa 13 hanggang 20 opisyal ng PCSO ang sumasailalim na sa “lifestyle check” ng PACC.

Please follow and like us:

Related posts

2 Thoughts to “PANGUNGUBRA SA STL, MARANGAL NA TRABAHO

  1. dadami ang illegal na gawain kung di pa bubuksan ang stl. sana buksan na ito sa lalong madaling panahon

  2. MAAWA PO AKU SA AMING MAHIHIRAP. SANA BUKSANA NA PO ANG STL

Leave a Comment