PAGPAPATUPAD NG K-12 MAGANDA O MASAMA ANG BUNGA?

K-12

(Ni Mac Cabreros)

SINIMULAN ng Department of Education (DepEd) ang Senior High School o SHS ng K to 12 program noong 2016 kung saan nadagdagan ng dalawang taon ang basic education. Sa nakalipas na taon (2018) mahigit isang milyon ang unang batch ng SHS graduates.

Layon ng SHS na mahubog o mapanday ang mga estudyante sa napili nilang larangan o track na Academic, Technical Vocational at Livelihood, Arts and Design at Sports upang handa silang pumasok sa trabaho o magpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo.

Ngunit, handa nga ba ang mga first batch ng graduates lalo sa pagpasok

sa trabaho?

May agam-agam ang Philippine Chamber of Commerce and Industry, kung gaano kahanda o sapat ba ang kakayahan at kasanayan o kuwalipikasyon ng mga SHS graduates para sa papasukang trabaho.

Ayon kay Rep. Antonio Tinio, malamang ‘hilaw’ ang mga graduates para humawak ng gawain sa iba’t ibang industriya.

Kung ang college graduates ay nahihirapang makapasok sa trabaho, ano pa kaya ang mga SHS graduates na walang diploma o degree? ani Tinio.

Binanggit nito na maaring makapasok sa trabaho ang mga nagsipagtapos ng TechVoc ngunit mga laborer lamang ang mga ito at mababa ang sahod.

“Paano naman ang mga nagsipagtapos ng academic, arts at design at sports kung saan ilang oras lamang ang kanilang training? May tatanggap kaya sa kanila?,”  tanong pa Tinio.

Sa pananaw naman ng DepEd, job ready at life ready na ang mga SHS graduates.

Maari na silang pumasok sa trabaho, magsimula ng maliit na negosyo o magtuloy ng pag-aaral sa kolehiyo upang maging dalubhasa sa larangang pinili, ayon sa DepEd.

Nasaan ang SHS graduates?

Aminado si Education Secretary Leonor Briones na hindi batid ng DepEd kung nasaan na ang SHS graduates.

Aniya, bagama’t mayroong Learner Reference Number o LRN ang bawat ­estudyante na nagsisilbing ID para masubaybayan ang daan na tinatahak ng mga ito, hindi nila alam kung ilang SHS graduates ang nakapasok sa trabaho o nagtuloy sa kolehiyo.

“Hanggang academic lamang ang saklaw ng LRN,” diin Sec. Briones.

“Wala tayong datos kung ilan ang nakapasok sa trabaho,” dugtong nito.

Paano nasusukat ang bunga ng Kto12?

Nabatid na bumaba ang passing rate sa national assessment test sa ilalim ng SHS sa nakalipas na taon.

“Hindi nangunguhulugan na bumaba ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Naglevel up lamang ang questioning sa NAT,” paliwanag Sec. Briones.

Idinagdag nito na malamang nanibago ang mga SHS sa researched-base na pagtuturo kumpara sa lapis at papel na pamamaraan ng pagtuturo sa nakasanayang 10-year basic education.

Sa Senado, nais ­Senate Committee on Education chairman Senator Sherwin ­Gatchalian, na mabisita ang Kto12 program para masiguro na nakakamit ang layunin nito.

“Hindi para ipabasura ang programa kundi malaman natin kung anong measures pa ang dapat nating isulong para mapabuti ito,” wika Sen. ­Gatchalian sa panayam ng may-akda ng report na ito.

“I want to put accounta-bility in education, meaning, is K-12 working for our Filipino people?” tanong ni Sen. Gatchalian.

Aniya, nais nitong mabatid kung makabuluhan ba ang pagdagdag ng dalawang taon sa basic education.

“We added two years in K-12, adding two years also means adding costs to Filipino parents but are we producing graduates that are employable?” diin Sen. Gatchalian.

“Are we producing ­graduates that are needed in the industry?” dagdag pa ng mambabatas.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment